viii.

11 4 0
                                    









ㅤㅤ
SA gitna ng gabi, ako'y nakatingin sa kawalan. Hindi mapakali at hindi alam kung saan lilinga. Ang gabi ay tila aking takas sa masalimuot na katotohanan. Tanging ang ihip ng hangin ang humahaplos sa aking damdamin.

Nais kong makatakas muna sa katotohanan, kahit sandali man lang.

At nang ipikit ko na ang aking mga mata, isang bagong mundo ang sumilay dito. Isang mundo na animo'y totoo sa aking paningin. Ika'y hawak ko at sayaw kita sa gitna ng kawalan.

Isang bumbilya na nagsisilbi nating liwanag, mga paa nating hindi mapakali at ang musika sa ating isipan na nagsisilbing ritmo ng ating sayaw. Hawak ko ang iyong baywang habang ika'y gumigiling sa aking harapan.

Ang kagandahan mo ay hindi na maalis sa aking isipan. Ang iyong saya nagbibigay ng kulay sa ating sayaw, tila ba ayaw ko nang matapos ito. Kung ito ma'y panaghinip, huwag na sana akong magising.

Iindak natin ang gabi hanggang sa tayo'y makatulog. Sapagkat alam kong bukas, hindi na tayo maaaring magsama. Ang realidad na ang bubungad sa atin at ang bagay na ipinapamukha sa atin ang magsisilbing hadlang. Hindi ako pwedeng magmahal ng kapwa ko babae, kaya hindi ko pa kayang ipaglaban ka aking binibini.

Sana'y kapag natapos na ang mga oras na ito, ako pa'y maalala mo. Sa susunod na buhay, pangako kong ipaglalaban kita. Babanggain ang bawat hadlang, makita ka lamang mahal. Hindi ka mawawala sa bawat piyesang nililikha ko.

Ngunit, tama nga ang aking hinuha. Isa kang panaghinip, isang imahinasyon na pumuno sa aking pag-iisa. Isa ka lamang bahaghari kapag ang ula'y tumila na. Namulat ako sa katotohanan, lalo na't nakita ko ang langit na may tinta ng iba't-ibang kulay.

Mga kulay na nag-sisimbolo sa atin.

Gusto kitang makilala, mahal. Gusto kong isayaw mo uli ako. Kahit pa nasa iisang lugar lamang tayo, ibubuhos ko ang oras ko sa iyo. Ibibigay ko sa'yo ang buong pagmamahal ko.

Nais ko nang tumayo para sa katotohanan. Itatayo ko ang ating bandera at ipapakita sa iba na maaari tayong magmahal at maaari nating mahalin ang isa't-isa nang walang sinusunod. Magiging tayo lang kung ito'y aking ipinaglaban.

Pero paano kita maipaglalaban kung hindi ka naman totoo? Paano ko ipaglalaban ang isang nilalang na nakita ko lamang sa panaghinip ko? Paano kung isa ka lang palang palatandaan para malaman ko kung sino nga ba talaga ako?

Paano na ang nadarama ko para sa'yo? Makikita ba kita bilang totoo? Bilang isang tao na pag-aalayan ko ng buhay ko? O nanaiisin ko na lamang na hindi magising para makasama kita?

Sayaw sa panaghinip - pinken

Bottom Of The Bridge ( Compilation of Proses )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon