Chapter 1 - Anger

12K 274 21
                                    

Tinabig ko ang pagkain sa mesa. Hindi ako nakakaramdam ng gutom habang kaharap ko ang taong sumira ng buhay ko at masayang-masaya na kumakain. Tiningnan lang ako nito at nakita ko ang pagtiim ng panga niya sa ginawa ko. Tiningnan ko siya ng naghahamon. Hindi niya ako mapapasunod sa gusto niya kahit nasa pamamahay niya ako at kasal na kami. Hindi. Sisiguraduhin ko na ang pagsasama na ito ay ang impyerno na dapat niyang kalagyan sa pagsira niya ng buhay ko.

"Ate Aida, pakilikom naman po iyon nga plato na nabasag at pakipalitan ng bago." Lumabas naman si Ate Aida na tinawag niya at tiningnan ako nito na tila inis. Tiningnan ko rin ito ng matalim. Lumapit ito sa kinaroroonan ko at winalis ang mga nahulog na basag na porselenang gamit ng demonyong kaharap ko. Ang tunog ng basag na mga gamit ang tanging ingay sa malaking bahay na ito at mas napakalma nito ang galit sa loob ko. Ayoko ng katahimikan dahil naalala ko ang lahat kapag tahimik. Bumabalik sila sa alaala ko na para bang sirang plaka.

Pinalitan na ni Ate Aida ang mga gamit sa harap ko at pinagsandok pa ako ng pagkain bago umalis. Nakatingin sa akin ang hayop.

"Kumain ka na." Utos pa nito.

"Palagay mo ba ay magkakagana ako ngayon kaharap ko ang demonyong kagaya mo. Sana may lason ang pagkain mo para mamatay ka na. At kapag patay ka na masunog sana sa impyerno ang kaluluwa mo dahil deserve mo iyon." Tumayo na ako sa kinauupuan ko. Mas nagiging mabigat na ang katawan ko at umuumbok na ang tiyan ko.

Tatlong buwan na akong buntis! Sinamahan niya ako sa doktor na siyang pumili at wala siyang napala sa akin kundi ang siraan ko siya sa doktor. Hindi ko gusto ang bata na ito. Kung ako lang ang masusunod ay papatayin ko na ang nasa sinapupunan ko. Wala man akong alam kung papaano pero marami akong kaibigan na pwedeng tumulong sa akin. Pero ang demonyo ay nakacontrol sa bawat galaw ko. Mukhang alam niya ang maari kong gawin at kaya kong gawin huwag lang tuluyan mabuo ang kung anong nasa tiyan ko. Baka demonyo rin ito kagaya niya at ayoko ng dumami ang mga kagaya niya kaya gusto ko na itong mamatay.

"Hindi maganda sa bata kapag hindi ka kumakain ng tama."

"Ah talaga? Hayaan mong mamatay siya. Hindi ko siya gusto at hindi ko siya ginusto. Dapat nga sa kanya ay mamatay ay teka dapat pala pareho kayo." Matalim kong salita. Wala akong pakialam sa kung anong lumalabas sa bibig ko. Galit ako. Kung meroon pang mas higit sa galit iyon ang nararamdaman ko sa kanya. Hindi ako ganito dati pero dahil sa nangyari naging ganito na ang pagkamuhi ko lalong-lalo na sa kanya.

"Ipapadala ko na lang sa kwarto mo. Pakiusap, kumain ka mamaya kapag may gana ka na."

"Ibalik mo na kasi ako kina Mama! Ayoko kitang makasama alam mo ba iyon? Sa isang buwan ko sa kulungan mo dapat alam mo na iyon. Hindi ko maatim na kasama ang taong nambaboy sa akin. Mas madali para sa atin dalawa na ibalik mo na ako sa mga magulang ko. Hindi mo ba naiintindihan iyon?" Tinitigan lang ako nitong mabuti. Gustung-gusto kong batuhin ang pagmumukha niya ng kung ano lang ang mahablot ko. Hinding-hindi mapapawi ang galit sa puso ko. Walang puwang sa puso ko na patawarin siya.

"Akala ko ba tapos na natin pag-usapan ito? Pinakasalan na kita. Ano pa ba?"

"Hindi ko hininging pakasalan mo ako, hayop. Gusto ko makulong ka! Porke't mahirap lang ang pamilya ko at kailangan ng pera sinilaw mo sila. Dapat mabulok ka sa kulungan ngayon. Iyan ang dapat sa'yo hayop ka!" Kinuha ko ang tinidor sa may mesa at tumakbo patungo sa kanya. Nakakatawa man ang choice ko ng bagay na pwedeng panakit sa kanya pero itinuloy ko pa rin.

"Sam! Ano ba? Ano bang pumasok sa kokote mo?" Tumayo ito at hinawakan ng mahigpit ang kamay ko. Nagpupumiglas ako pero mahigpit niya akong hinawakan at madali niyang nakuha ang tinidor sa palad ko. Pinagsusuntok ko na lang ang dibdib niya. Napaiyak na ako. Ganitong-ganito ang ginawa ko sa kanya ng gabing iyon pero higit na mas malakas siya sa akin. Alam kong walang epekto ang ginagawa kong panununtok sa dibdib niya pero wala akong pakialam. Sasaktan ko siya hanggang sa makakaya ko. Sinira niya ang buhay ko!

"Sam!" Wala akong pakialam kung gaano kalakas ang sigaw niya. Gusto ko siyang saktan. Gusto kong iparamdam sa kanya ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Gusto kong maranasan niya ang sakit na nararamdaman ko at gusto kong madoble pa ito sa sakit na nararamdaman ko.

"Walang hiya ka! Demonyo! Demonyo! Mamatay ka na! Mamatay ka na!" Paulit-ulit ang sigaw ko hanggang sa mabingi na siya. Wala akong pakialam kung naririnig ako ng mga kasambahay niya o ng sinong tao. Mas maganda nga iyon para malaman nila kung gaano kademonyo ang tao na ito. "Hayop!" Sigaw ko pa habang panay ang suntok ko sa dibdib niya. "Hayop..." Binigay ko ang buong lakas ko sa pananakit sa kanyang pisikal at sa salita. Paos at pagod ako kakapalahaw at kakapanakit sa kanya. Mas madali akong nanghina dahil sa dinadala ko. "Hayop..."Paos kong salita sa pagitan ng paghikbi ko. "Ma-matay ka na." Bumigay ang binti ko sa sobrang pagod. Hinawakan ako nito sa braso at inalalayan. Gusto kong balyahin ang paghawak niya sa akin pero ubos na ang lakas ko. Unti-unti rin dumilim ang paningin ko.

...
Namulat ako sa kakaibang kwarto. Hindi ito ang kulungang bahay ng demonyo. Napatingin ako sa braso ko at may swero na nakalagay dito. Tumingin ako sa paligid at wala akong kasama. Sinubukan kong ibangon ang sarili ko pero mabigat ang pakiramdam ko. Tiningnan ko ang tiyan ko at nandoon pa rin ang umbok na kasalanan ng walang kwentang ama niya.

Napatingin ako ng magbukas ang pintuan. Isang nurse ang nagbukas ng pinto at nakangiti siya sa akin. Tinanong niya lang ako kung kamusta na ako. Sinabi ko na gusto ko ng mamatay at kung pwede ba niya akong matulungan. Kaagad rin itong umalis ng kwarto dahil sa sinabi ko.

Bumukas ulit ang pintuan at niluwa nito ang taong kinamumuhian ko. Seryoso ito noon una pero ngumiti ito sa akin ng may pag-aalala. Sinamaan ko ito ng tingin at kaagad napawi ang ngiti nito.

"Sam...mag-usap nga tayo." Matalim pa rin ang titig ko sa kanya. "Ano bang gusto mong mangyari?" Tinitigan ko lang itong mabuti.

"Gusto ko mamatay ka na." Halata kong natigilan siya sa sinabi ko pero kaagad inayos niya ang composure niya. "Please lang ngayon na. Gusto kong mamatay ka na ngayon na."

"Sam, lets talk like adults, please."

"Hindi pa ako adult na kagaya mo. Nakalimutan mo na ba? Eighteen lang ako? Eighteen lang ako at sinira mo ang kinabukasan ko!"

"Please, Sam. Okay, let's talk in a civil manner. Pwede ba iyon?" Hindi na ako nagsalita. "Alam kong wala kang balak na angkinin ang nasa tiyan mo ngayon at alam kong wala kang malasakit dito pero pwede bang makipagkasundo sa'yo?" Tinaasan ko lang ito ng kilay. "Pwede bang simula ngayon, alagaan mo naman ang sarili mo para sa anak natin--ko--".

"At bakit ko gagawin iyon---" Natigilan naman ako ng ilagay niya ang hintuturo niya sa bibig ko at kaagad kong tinaggal iyon.

"Pakinggan mo muna ako, Sam, please." Sinimangutan ko na lang siya. "Akala ko kaya kong gawin tama ang kasalanan ko sa pagpapakasal ko sa'yo pero ngayon pa lang masasabi ko na imposible. Imposible dahil nakikita kitang ganito...Papakawalan kita, Sam kung iyan ang gusto mo pero hindi pa ngayon. Sa kasal, I can pull some strings to make it null and void. Alam na alam ko naman na ayaw mong matali sa taong sumira sa'yo. Sisiguraduhin kong walang record na kinasal ka kahit saan na makakalabas at hindi madadawit ang pangalan mo sa akin. At sa bata... Alam kong galit ka sa bata dahil ako ang ama niyan kaya ayokong umalis ka sa pangangalaga ko dahil alam kong pwede mong gawin ang naiisip mong gawin dito. At ayokong gawin mo iyon. Kaya sana sa natitirang buwan na dadalhin mo sa sinapupunan mo ang anak ko hinihingi ko sa'yo na nasa poder kita para makita kita at maalagaan in return na maayos at malusog ang anak ko kapag pinanganak mo. Alam kong galit ka sa akin pero sana naman huwag mo ng idamay ang bata." Pakiramdamko naman ay napakawalang puso ko dahil sa sinabi niya. Itong siya ang walang puso at kaluluwa ng pinagsamantalahan niya ako. Napakagaling niyang magbaliktad ng pangyayari. "Pwede bang hilingin ko sa'yo na alagaan mo ang sarili mo para sa bata? In return, ibibigay ko sa'yo ang kalayaan mo. Hinding-hindi malalaman ng bata kung sino ka. Wala kang responsibilidad at obligasyon sa kanya. Bibigyan rin kita ng sapat na pera kahit na anong gawin mo. Pero sana ngayon...nakikiusap ako sa'yo. Alagaan mo ang sarili mo. Huwag mo ng idamay ang bata sa kasalanan ko."

...

This is an experimental theme for me. Maselan kasi ang ideya na ito. Brutal ang mga salita dito dahil sa galit at bitter ang may POV. Humihingi na ako ng tawad in advance kung sino man ang maoffend ng mga foul words or descriptions

Journey of ForgivenessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon