Chapter 20

14 3 0
                                    

Kumaway ako matapos ngumiti kay Prime. Pagtapos ay pumihit para tuluyang pumasok nang gate. Naroon parin siya, naghihintay na makapasok ako.

Umakyat akong hagdanan at hindi nadatnan si Melvin na inasahan kong susulpot matapos ang nauna kong paglabas at medyo nainis dahil hindi ko sinabi para maihatid niya. Wala rin ang kanyang tita. Tanging iilan sa mga boarders ang nasa sala, may kanya-kanyang ginagawa.

Dumiretso ako sa pinto ng kwarto ko. Pagkabukas ko nga lang noon ay agaran akong napaatras. Nanlalaki ang mga mata at awang ang mga labi kong tinignan si Ate Adela sa may bintana ko. Nakabukas iyon at naroon siya, may hawak na tasa at kahit nakatalikod ay hindi maikakailang nasa pinaghintuan namin kanina nakatitig.

"Kumusta ang pagsisimba?" Nahimigan ko ang sarkasmo sa malamig niyang tono. Nakatalikod parin ito at muling humigop sa hawak na tasa.

"A-ate Adela..."

Noon niya lang ako hinarap. Kumurap naman ako at umayos ng tayo. Kahit kinakabahan ay pinilit kong ngumiti at dumiretso sa loob. Umupo ako sa kama at hinubad ang suot na sandal. Nararamdaman ko parin ang mariing titig ng babae pero hindi ko pinahalata ang takot kahit pa alam kong alam niya ang nangyayari sa labas kanina. Wala nang halikan pa pero ang mga kamay naming magkahawak, ang yakapan, ngitian at usapan, batid kong hindi iyon nakatakas sa kanya. Hindi siya tanga kagaya ko na hindi mahuhulaan ang ibig sabihin ng mga 'yon.

"Kanina pa po ba kayo?" Tanong ko nalang nang tuluyan siyang harapin. Wala akong ibang hiling ngayon kundi ang makahinga ng maluwag at magkaroon ng normal na pagtibok ng puso. At mangyayari lamang 'yon kapag lumabas na siya.

"I see... Maayos kang nakapagsimba." Aniyang lalo pang nadepina ang sarkasmo. Tumango siya. "Kanina pa ako dito. Bakit?" Maang-maangan niya kahit nababasa ko na ang intriga sa maganda niyang mukha. Samantalang lalo lamang akong binulabog ng kaba. Alam niya...

"W-wala ho."

Muli siyang tumango. Binaba ang hawak na tasa. Hindi ko inasahang sa muli niyang pagtingin sa akin ay agad dadapo sa kabila kong kamay. Pasimple kong tinago ang mga kamay at pinagsalikop sa likuran. Pinakiramdaman ko iyon at nanlamig na malamang ay ang bracelet ang tinitingnan niya. Nakataas ang kilay niya sa akin ng tingnan ko.

"Bigay ng nobyo mo, tama?"

Namutla ata ako. Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Alam ko namang alam niya pero iba parin talaga kapag lumabas na sa mismong bibig niya. Alam ko ring labas siya kung meron nga akong nobyo o wala pero ang isiping malalaman ito ni Melvin at dahil sa mga kasinungalingan ko ay nakakabahala. Hindi ko rin alam kung ano nang magiging tingin niya sa akin matapos ang mga nakita kanina.

"Patingin," nilahad niya ang kamay. Napaatras ako, hindi alam ang gagawin o sasabihin.

Umangat ang sulok ng labi niya sa ginawa ko.

"Titingnan ko lang naman, Karina." Nagkibit balikat siya.
"Pero kung ayaw mo ay ayos lang din. Hindi kita pipilitin." Kumurap siya. Bagaman ganoon ang mga sinabi ay hindi parin umaalis at lalong sumeryoso ang titig sa akin.

Marahan ko nalang na hinubad ang bracelet at nag-aalangan pang iabot pero hindi paman tuluyang nakalahad ang kamay ko'y hinablot niya na agad sa akin 'yon. Sinipat niya iyon sa malamig na paraan. Pero bawat sulok naman ay tinitingnan na animoy may makikitang kahina-hinala doon.

"Sa panahon namin, hindi materyal na bagay ang basehan para malaman kung seryoso ba ang lalaki sa babae. Respeto at pang-intindi lamang talaga. Alin ba sa dalawa ang nobyo mo, Karina? O... Kilala mo ba talagang tuluyan ang nobyo mo?"

Nabigla sa mga sinabi at tanong niya, matagal pa bago ko nabuo ang isasagot sa mga iyon.

"Oo naman po." Kahit sa maikling panahon ay parang kilalang-kilala ko na si Prime. Hindi iyon maikakaila ng nararamdaman, hindi ba? At iyon ang nararamdaman ko. Hindi man siya naging mabuti sa akin ng una, atleast dahan-dahan iyong nagbago. Hindi rin naman natin aasahan na magkaroon agad ng magandang ugnayan sa taong kakakilala palang natin. Sa magulong pagkakataon pa. At kahit sabihing bumait lang siya dahil gusto niya ako, atleast alam kong nagawa ko siyang baguhin sa magandang paraan.

To Keep YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon