Chapter 32

14 3 0
                                    

Isang malutong na sampal ang kaagad dumapo sa pisngi ko hindi paman tuluyang nakakapasok ng bahay. Nahawakan ko ang namanhid na pisngi. Hindi ako makapaniwalang lumingon kay Mama na ngayon ay namumuhi ang itsura sa akin.

"Ano, Masaya ka ba?! Masaya bang magpauto uli?! Karina hindi kita maintindihan!" Nagusot ang mukha ni Mama at hindi pinigilang umiyak habang tinuturo ako.
"Nakawala ka na, papasok ka na naman! Hindi ka na natuto! Nasaktan ka na noon, uulit ka na naman ngayon!"

"Ma..." Si Karl na inaawat siyang sugurin ako. Sa loob ay nasulyapan ko si Papa. Malamig niya lang akong tiningnan habang humihikbi. Ngayon lang niya ako napagbuhatan ng kamay sa tanang buhay ko. At iyon ay dahil sa ayaw niya ako para kay Prime, para sa taong mahal ko.

"Ma... N-nagkakamali ka. Nasaktan ako dahil itinago niyo sa akin ang nangyari. Ang ginawa niya at ang pagpunta sa ospital para sa akin. Nasaktan ako dahil inakala kong... Wala siyang pakialam sa akin."

"At kita mo na! Sinisisi mo pa kami! Ni hindi mo naisip na dahil rin sa kanya nangyari sa'yo 'yon! Karina... Hindi mo ba kami inaalala sa mga desisyon mo? Sa dami ng matinong lalaki, bakit sa kanya pa? Nagawa mong itago ang relasyon ninyo habang pinagbabawalan kita? Ibig sabihin ginagago mo kami? Kami na pamilya mo? Paano mo nagagawa Karina? Para sa isang lalaki na walang ginawa kundi ipahamak at saktan ka, kaya nawawalan ka ng respeto sa amin? Sabihin mo nga! Ilang taon akong nagtimpi! Ilang taon, Karina! At kung sanay hindi ka uli nakipag-lapit sa lalaking 'yon, makakalimutan ko na ang mga kasalanan mo noon! Pinili kong manahimik para sa kapayapaang alam naming inaasam mo sa mga panahong iyon. Pero ngayon... Sobra na. Sumusobra ka na."

"Ma..."

Masakit sa akin ang talikuran ako ng sarili kong ina. Ni hindi ako makasagot. Kasi alam ko ang malaki kong pagkakamali. Ang inakala kong kasalanan na nabaon na sa limot ay heto, ipinapamukha niya na talaga. Inakala kong wala siyang alam tungkol doon. Hindi ko maisip na ilang taon niya iyong itinago mabawasan lang ang bigat na dinadala ko sa mga panahong 'yon.

Ano bang nagawa ko...

"Karina."

Malamig na boses ni Papa ang nagpaangat sa akin ng tingin. Lumambot ang mga mata niya pagkakita sa luhaan kong mga mata. Bumuntong-hininga siya at lumuhod para yakapin ako. Humagulhol ako sa nakahanda niyang balikat. Sa kabila ng lahat, si Papa, hindi niya ako kailanman tinalikuran. Hindi niya ako natitiis.

"Pa... Galit ka rin ba sa'kin?" Para akong bata na nanghihingi ng simpatya.

"Syempre." Marahan niyang nasambit.
"Tama naman ang Mama mo. Si Prime ang dahilan kaya nangyari sa'yo 'yon. Naiintindihan ko ang Mama mo, ang galit niya. Mahirap sa aming malaman na kadarating lamang ni Prime ay muli na naman kayong nagkikita. Dahil kung nahirapan ka sa nangyari sa'yo noon, mas lalo kami. Hindi na namin alam ang mararamdaman sakaling maulit iyong nangyari noon. Magulang mo kami, Karina. Hangad lamang namin ang mapunta ka sa isang lalaking may plano sa buhay. Hindi ka ipapahamak at sasaktan. Iyong lalaking kaya kang ilagay sa tahimik at mapayapang buhay."

"Pa... Mahal ko si Prime. At nagbago na siya... Maniwala kayo sa akin. Nagawa kong itago ang lahat noon dahil takot ako. Natatakot akong ilayo niyo siya sa akin. Iyon ang mga panahong unti-unti kong nakikita ang ginagawa niyang pagbabago para sa akin. Maniniwala ka ba pa, kung sabihin kong bago may nangyaring masama sa akin ay binalak niya nang ipanalo ako sa inyo? Nahihirapan akong mag-isip kung paano. Pero dahil nakikita ko ang desperasyon sa mga mata niya, inigihan ko ang mga dapat kong gawin. Sabi niya ay hindi kami magkikita tuwing may klase ako o busy ako. Kaya minsan nakakapagsinungaling ako makita lamang siya. Binago ko siya pero binabaliw niya 'ko. Kung tutuusin ay nagsilbi siyang direksyon sa akin para mag-igi ako sa pag-aaral. Kasi alam ko, pagkatapos niyon ay makikita ko na uli siya na lagi niya ngang ibinibigay sa'kin. Nagagawa niya akong kontrolin. Iniintindi niya ang pagiging baguhan ko sa isang relasyon. At imbes ipasama ako, iginigiya niya ako sa daang kailangan ko."

To Keep YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon