"Happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy birthday! Happy birthday! Happy birthday to you!..."
Napatitig ako sa kandilang sinadyang ihugis 22 para hipan ko. Pumikit ako at humiling bago iyon hinipan. Nagmulat ako na humihiling paring sana bumalik sa normal ang buhay ko.
"Yey!!! Kainan na!" Si Long-long na nagpaumuna na sa mesa.
Lumapit naman si Aling Alma dala ang regalo niya para sa'kin. Malawak ang ngiti ng ginang nang yakapin ako at iabot iyon.
"Happy birthday."
"Salamat po." Ngumiti ako pero hindi ata iyon umabot sa mga mata ko. Matapos siyang tawagin ni Mama ay hinanap ko naman si Melvin. Naulinagan ko agad siya sa may labas, may kausap sa cellphone.
Lumapit naman ako kay Mama para magpaalam na lalabas muna.
Hinintay kong ibaba niya ang cellphone bago lumapit. Bahagya siyang nabigla na nasa likod niya na ako. Bumawi siya at nginitian ako.
"Happy birthday!" Marahan niya akong niyakap pero 'di ako makaganti. Humiwalay din siya nang maramdaman ang panlalamig ko.
Iniyuko ko ang ulo nang malapitan niya akong sipatin. Nang 'di ako makatingin ay hinawakan niya ang magkabila kong pisngi para iangat. Agad nanginig ang mga labi ko. Nakita ko agad ang pagkabigla at pag-aalala sa kanya. Samantalang nag-uunahan na naman ang luha ko sa pagbuhos.
"May problema ba? Ba't ka umiiyak?" Napakarahan ng boses ni Melvin na nagpadagdag sa nararamdaman ko.
Ba't nga ba ako umiiyak? Dapat masaya ako kasi birthday ko. Pero anong magagawa ko kung sa loob ng higit dalawang taon at paulit-ulit kong hiling para sa normal na buhay ay hindi natutupad hanggang ngayon? Gusto kong maging masaya pero hindi ko kaya. Sadyang hindi pupwede.
Pinalis niya ang mga luha ko. Nagdesisyon naman akong sabihin na talaga ang lahat sa kanya. Kasi kung hindi ngayon, kailan pa? Kung kailan hindi ko na hawak ang oras ni Melvin, tsaka naman ako nagkalakas loob para sabihin ang lahat. Lagi nalang akong abala sa kanya. Nakikita kong may sarili rin siyang problema pero sa puntong 'to, kailangan ko talaga siya. Hindi ako matatahimik hangga't hindi nailalabas lahat ng 'to sa kanya. Mababaliw ako.
"Karina, tungkol ba 'to sa gusto mong sabihin sa'kin? Bakit ka umiiyak? May problema ka ba?"
Sunod-sunod akong tumango.
"Kung gano'n ay sabihin mo."
Mataman niya akong tinitigan para pakinggan. Hinanap ko pa ang tamang salita para simulan ang lahat.
"N-nabalitaan ko ang tungkol kay Kongresman Cuesta..."
Nangunot ang noo niya sa narinig.
"Alam ko narin 'yon. Ano ang tungkol doon, Karina? Naaalala mo ba si Domi?"
Umiling ako dahil lagi ko namang naaalala ang babae. At walang epekto iyon sa akin kundi galit at pagsisisi.
"Totoo bang may kaugnayan siya sa mga masasamang tao?"
"Totoo 'yon. Noong unang taon pa iyon nabalita pero walang sapat na patunay. Ngayon nalang ulit naungkat dahil sa mga ilegal na ginagawa niya."
"May nakita akong isang lalaki sa labas ng bahay niyo dalawang taon narin ang makalipas. Hindi kaya... Isa iyon sa mga tauhan niya at minamanmanan ako?"
Napakurap si Melvin. Umayos siya ng tayo at lalong nangunot ang noo na para bang hindi malinaw ang pagkakarinig sa'kin.
"Wala akong maisip na dahilan kung bakit naroon ang lalaking iyon at parang kahina-hinala."
BINABASA MO ANG
To Keep You
Romance[COMPLETED] "I'll embrace these broken pieces, just to keep you." Effraime Suarez was a troublesome guy. Eventually changed by his total opposite lady named Karina. Just as he tried his best to deserve her, he never expect things between them to sud...