Chapter 23

14 3 0
                                    

Parang mahiwaga ang mga salita sa akin ni Ate Adela. Nagkaroon ako ng malinaw na pag-iisip at kompyansa sa mga dapat kong gawin. Pinakinggan ko lahat ng sabihin nila Mama kahit pa gustong-gusto ko na lumabas sa silid na iyon at makibalita sa nangyayari sa labas. Tatlong araw nang hindi nagpapakita si Melvin sa akin. Matapos rin akong kausapin ng Mama niya ay agad rin itong umalis pabalik sa'min. Hindi narin dumadalaw pa si Ate Adela. Madalas namang umalis sila Mama.

Napapaiyak ako kapag walang kausap at nakakatulog ang kapatid. Hindi ko maiwasang alalahanin ang mga nangyari. Iyon din ata ang dahilan kung bakit pumayag akong umalis nga at lumipat sa ibang paaralan. Gastos lang ata ang pumipigil sa akin. natatakot kasi akong baka may mas ilalala pa ang pangyayaring iyon. Lalo na at sa una palang ramdam ko na agad ang disgusto sa akin ng mga kaklase. At hindi ko inakalang ang pinaka-pinagkatiwalaan ko ang may mas masamang motibo sa akin.

Marami rin akong katanungan pero nahihiya namang mang-usisa 'pag nandyan sila Mama. Malaki ang kasalanan ko kung bakit iyon nangyari sa akin. Hindi ko alam kung anong alam nila Mama pero sa sarili ko palang hiyang-hiya na ako. Ni hindi ko alam kung anong iniisip nila sa akin. Ngumingiti naman sila kapag napapatingin. Pero tingin ko iyon ay para panatagin lamang ako.

Napaahon ako nang makarinig ng ingay sa labas ng pintuan. Inabangan ko ang pagbukas no'n. Hindi ko inasahang si Melvin ang papasok. Pero may usapan parin sa labas ng pinto.

Seryoso ang mukha ng lalaki habang palapit. Medyo magulo at basa pa ang humahaba nang buhok. Saglit niya lang akong sinulyapan bago dumiretso sa katabi kong mesa para ilapag ang dalang prutas at pagkain. Natameme ako bigla. Iniwas ko ang paningin nang malapitan kaming magkatinginan. Kailangan ko siya pero sa puntong ito ay hiyang-hiya ako. Ngayong napag-isa kami at may tsansang magkausap ng masinsinan, tsaka ko naman naalala ang mga sinabi ni Domi tungkol sa nararamdaman niya. Hindi ko man alam kung totoo iyon, hindi ko rin maitanggi ang posibilidad sa isipan ko.

"Dinaan ko lang 'to rito, aalis din agad ako. Ano nang nararamdaman mo? May masakit pa ba sa'yo?"

"W-wala na." Sunod-sunod akong napailing. Nakatingala ako sa kanya. Pilit kong binabasa ang mga mata niya kung may makikita ba akong katotohanan doon sa mga duda ko pero wala. Nabigo ako. Kung meron man akong nababasa doon, pag-aalala lang siguro iyon. Pero bakit gano'n? Kung si Prime itong kaharap ko, natitiyak kong subukan man niyang manlamig, ilang segundo lang ay bibigay siya para hayaan akong makita ang mga nararamdaman niya. Pagkatapos nga lang ng mga nangyari ay hindi ko na alam kung alin ba ang mga katotohanan doon. O kung meron nga ba. Madali nga naman kasi akong peke-in. Kasi nga tanga ako.

"May... Itatanong pa sana ako, kung pwede."

Iniwas niya ang paningin. Ramdam ko ang pagtutol niya sa gusto kong mangyari pero tumango parin naman.

"Bilisan mo lang dahil marami pa akong kailangang gawin." Malamig parin siya sa'kin. Hindi ko alam kung bakit o hanggang kailan iyon. Pero sa dami ng dapat kong unahing isipin tungkol sa nangyari sa'kin, ayoko na munang idagdag pa ang tungkol sa'min.

"Si Manong. Anong nangyari sa kanya?" Buong pag-aalala akong tumitig sa kaibigan, umaasang sasagutin niya ako kahit iyon lang.

"Maayos na siya."

Nabunutan ata ako ng tinik pagkarinig noon. Maaaring may kasalanan siya kaya nangyari sa'min ang bagay na 'yon. Pero dahil alam ko ang intensyon niya at ang kalagayan ng anak niya sa panahong iyon, pilit kong nilagay ang sarili sa kanya at inisip ring baka gawin ko rin iyon kung wala rin naman akong pagpipilian.

"Ang anak niya?"

Kumunot bigla ang noo ko. Alam kaya nila ang katotohanan gayong wala namang nagtatanong sa akin tungkol sa mga nangyari? Sa ginawa ni Manong ay alam kong hindi siya papaniwalaan agad sa mga paliwanag niya.

To Keep YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon