Chapter 28

15 3 0
                                    

"At ibig ding sabihin ay hindi ka karapat-dapat para sa babaeng katulad ni Karina."

Kumirot ng husto ang puso ko sa narinig galing kay Melvin. Humigpit ang hawak ko sa aking bag. Alam niya... Alam niya lahat nang ginawa ko at mga kasinungalingan ko pero ni minsan hindi niya ako sinisi. Wala siyang sinasabi sa'kin kahit nababasa ko sa mga mata niya ang galit. Hanggang ngayon ay hindi parin siya nagbabago. Siya parin iyong Melvin na kilala kong hindi ako kailanman magagawang sumbatan sa mga pagkakamali ko.

Paghangos ang tanging nagawa ko sa mga sandaling iyon habang nakikinig. Pakiramdam ko ngayon nalang ulit ako dinatnan ng sari-saring emosyon na nararamdaman ko lang naman noon simula nang makilala ko si Prime. At ngayon, nang dahil na naman sa pagbabalik niya ay ganito parin. Wala paring pinagbago ang epekto niya sa'kin. Ang pinagkaiba lang ay mahirap na para sa'kin ang tanggapin pa uli ito. Kasi alam ko kung saan ako no'n nagsimula sa kanya. At ayokong maulit pa iyon ngayon. Tama nang nasaktan niya ako ng isang beses. Siguro panahon na para pahalagahan ko iyong mga taong alam ko na simula't sapol palang hindi ako nagawang pabayaan o saktan.

Siguro panahon na para sang-ayunan ko naman si Melvin...

Ilang segundo ng katahimikan ang namayani bago ko ulit narinig si Melvin.

"Ano? Pwede kitang pagbigyan sa gusto mong gawin ko habang ginagawa mo ang plano mo. Pero ilang araw nalang ay lalabas na si Ana dito. kailan mo kakausapin si Karina? Hanggang kailan mo gagamitin si Ana?"

Natigilan ako sa narinig. Nangunot ang noo ko at natigil sa pag-agos ang mga luha sa aking mata.

"Hindi ko ginagamit si Ana, Melvin."

Natawa si Melvin sa sinabi nito. Lumapit siya kay Prime para tapikin ito sa balikat.

"Magpinsan nga tayo. Nababasa ko ang nasa isip mo. Pero dapat mong malaman na may utang na loob ka rin kay Axel. Kaya dapat hindi mo binibiro nang ganito ang mag-ina niya."

Naguluhan ako sa mga sinabi ni Melvin.

"Mag-ina niya? Ni hindi niya alam na may nabuntis siya. Iresponsable siyang ama."

Naalarma ako nang hawakan ni Melvin ang kwelyo ni Prime. Gumanti si Prime at pwersahan siyang tinulak.

"May lakas ng loob kang sabihin 'yan pagkatapos ng mga ginawa niya kay Karina? Ha! Kunsabagay, wala ka nga palang pakialam kay Karina. Ginawa mo lang ang lahat dahil hindi ka pinapatulog ng konsensya mo. Gago ka."

"What did you say?"

Muntikan akong mapasigaw nang lumapit si Prime at umamba ng suntok.

"Karina?!"

Mula sa likod ko ay nangibabaw ang sigaw ni Mercedith. Nag-ugat ako sa kinatatayuan nang sabay lumingon ang dalawang lalaki sa banda namin. Sabay ring kumunot ang noo nila, sinisipat akong nasa dilim parin. Tumikhim ako at unti-unti ay lumingon kay Mercedith na nasa liwanag na nagmula sa bukana ng hallway. Kaagad niya akong nilapitan. Hindi niya alam na may tao sa unahan lamang namin.

"Anong ginagawa mo sa dilim? Akala ko nakauwi ka na. Si Melvin?" Sunod-sunod niyang tanong.

Wala akong nasagot ni isa doon. Naglalakbay sa kung saan ang utak ko.

"Karina." Malamig na boses ni Melvin ang gumising sa'kin. Hinawakan niya ang braso ko para iharap sa kanya. Kaagad akong yumuko sa pag-aalalang mahulaan niya ang pag-iyak ko.

"Melvin," si Prime.

"Iuuwi ko na siya. Mercedith,"

"S-sige. Ingat!"

Marahan akong inakay ni Melvin palayo doon. Hindi parin ako makapaniwala sa mga narinig at natanto ngayon lamang.

Binuksan niya ang pintuan ng kanyang sasakyan at pilit akong pinapasok nang magmatigas ako. Malumanay ko siyang tiningala. Lumambot ang malamig niyang mga mata nang may tumulong luha sa mata ko.

To Keep YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon