Chapter 15

12 4 0
                                    

Napahugot ako ng hininga at iniwas ang tingin. Ni hindi ko inisip iyon. Masyado akong nadala ng kuryusidad at hindi na inisip ang maaari niyang sabihin.

Matapang ko siyang inangatan ng tingin. Ngayon ko lang natanto na hindi sapat ang paghanga ko para sa bagay na 'yon. Pero bakit gumugulo sa isip ko? Ni hindi ko dinama ng husto ang kabang idinulot noon hindi ko pa man natatanong.

Ano nga naman ngayon kung nililigawan ka niya, Karina? May magagawa ka ba roon?

"Tsk! Iuuwi na kita. Thanks for today, I'm good to sleep," maikli ang ngiti niyang sinabi.

Kumirot ang puso ko na maaaring nasaktan ko siya sa tanong. Parang binigyan ko lang siya ng ideyang ako lang naman ang pwedeng sumakatuparan. Na hindi ko naman maibibigay dahil hindi sapat ang nararamdaman ko para pagbigyan siya. Kaya imbes na saguting hindi dahil hindi ko naman siya gusto, hindi nalang ako umimik.

Hanggang sa paghiga ko ay inisip kong mabuti ang ginawa. Gusto kong mag-sorry. Dahil kahit pakiramdam ko hindi magtatagal ang nararamdaman niya sa akin, kailangan ko parin siyang respetuhin sa ngayon. Kailangan kong maging maingat sa mga bibitawang salita.

Ako:

I'm sorry...

Matagal pa bago ako nakatanggap ng sagot mula sa kanya nang gabing iyon. Sagot na tumatak sa akin, na dinamdam ko kasi mabigat sa loob.

Kumag:

It's fine. You're right, though. Mas magaan ang mga bagay kapag tanggap natin. No matter how foul it is.

Labis kong inisip ang mensaheng iyon. Lalo dahil pagkatapos ng gabing 'yon, kung magtext siya ay sobrang dalang na. Hindi narin nag-de-demand pang makipagkita. Sigurado akong may kinalaman ang usapan namin sa tulay. Siguro... Dahan dahan na siyang sumusuko. Napag-isipan narin siguro niya sa wakas na wala rin naman siyang mapapala sa katulad ko. Boring, tanga, tsaka hard to get, kung iniisip rin ba niya pati 'yon. Ang mahalaga naman ay may nakuha siya sa akin. Ang first kiss ko...

Pero kahit ilang beses ko siyang paulit-ulit na nasiraan sa isip, hindi ko maikakaila ang paghahanap sa mga lugar na alam kong pinagtatambayan niya para makita ako. Tuwing nasa palengke ay bibili ako ng candy at titingnan kung may lalapit bang Prime pero wala. Ganoon din huling dalawang linggo na pagsimba ko, sinubukan kong mag-aga kahit hindi ko schedule pero wala paring nagpapakita. Nasisiraan na nga siguro ako ng ulo. Malamang na titigil na iyon dahil alam niyang wala rin namang pag-asa sa akin. Kahit sino namang lalaki ay gagawin iyon. Kahit ako, bakit ko pag-aaksayahan ang isang bagay kung wala naman akong mapapala? Inisip niya sigurong aksaya lang ako sa gas.

Pero isang umaga ng lunes ay parang tinambol ang dibdib ko matapos makatanggap ng bati mula sa kanya, pagkagising na pagkagising ko.

Kumag:

Good morning.

Iyon lang pero aligaga pa akong nagtipa ng reply na para bang mauubusan ng oras.

Ako:

Magandang umaga rin.

Naghintay pa ako ng ilang sandali kung anong susunod niyang reply pero inabot na ako ng kalahating oras ay wala na siyang dinugtong pa. Iyon na talaga. Napanguso ako at walang nagawa. Inisip ko pang tawagan nalang siya pero... Para naman akong tanga no'n. Baka kung anong isipin niya, na masyado akong paasa at paimportante. At tiyak na maninibago siya dahil sa unang beses na pagtatangkang tumawag na hindi ko naman talaga ginagawa.

Nagpatuloy ang natitira kong araw kasama ang pamilya ko. Sinubukan akong kumbinsihin ni Mama na lumuwas na dalawang araw bago ang pasukan.

"Mas maiging mapaghandaan mo ang pasukan kaya kung ako sa 'yo ay sumama ka na kay Melvin. Noong lunes pa dapat siya aalis pero gusto ka niyang hintayin." Sabi niya sa akin.

To Keep YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon