Adira's POV:
"Gising na ba siya?"
"Bukas na ba ang mga mata?"
"Bakit hindi pa nagigising!"
"Kasi nawalan nga ng malay, Gevne!" Gevne? Sino si Gevne?
"Nakakainis ka talaga, Gene!" Gene? Sinong Gene?
Bakit may maliliit na boses?
Bakit amoy bulaklak?
Napabalikwas ako. Tiningnan ko ang hindi pamilyar na paligid sa pagdilat ko.
Isang bintana ang nasa harap ko at sa labas nito ay puro iba't-ibang kulay ng paru-paro. May mga ibon na lumilipad sa kisame kasama ng ibang alitaptap.
May dalawa ring alitaptap ang nasa harap ko na nakaharap sa akin at- "Alitaptap?"
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa napagtanto ko.
"Magandang araw, prinsesa!" Kaagad akong umatras at muntik pang mahulog sa hinihigaan ko nang gumalaw-galaw ito. Isang higaaan na duyan!
Matagal kong tinitigan ang kakaibang alitaptap. Hindi katulad ng sa ordinaryong alitaptap. Kulay luntian sila at kahawig ng mga tao!
"Ah!" Tumili ako't muntik pang masubsob ang mukha sa sahig sa sobrang pagmamadaling umalis sa higaan at sa kwartong iyon.
Hindi ko alam kung ano ang bagay na 'yon at hindi ko rin alam kung saan na ako napadpad kakatakbo.
Natigil lang ako nang may mabanggang matigas na bagay. Nang tunghayin ko ay isang lalaki. Muntik na akong tumili ulit, mabuti na lang at nakilala ko siya kahit na kakaiba na ang kasuotan niya.
"Prinsipe Gavino?" Sinipat ko siya't umikot pa para makumpirma.
Nang tumigil ako sa harap niya ay narinig ko ang mahina niyang pagtawa. "Ako nga, aking prinsesa." Hindi ko masyadong naintindihan ang sinabi niya dahil huling tumigil ang mga mata ko sa kanya.
Kulay berde. Buhay na berde. Sadyang nakakahalina talaga.
Maputlang balat, at ang kanyang hitsura ay kakaiba. Hindi pa ako nakakakita ng ganitong kagwapong lalaki sa buong buhay ko.
Alam kong marami na akong nakikitang gwapo noon pa-syempre, hindi naman magandang lalaki para sa akin ang mga kuya ko at mga kaibigan niya kaya hindi sila kasama roon.
Ngumiti siya. Kahit na hindi mukhang masaya ang ngiting iyon ay talagang bumabagay sa kanya.
"Mahal na prinsipe!" Nabalik ako sa wisyo nang marinig na naman ang maliliit na tinig na iyon. Mabilis akong nagtago sa likod ng prinsipe.
"Narito po ba ang prinsesa?" Sumulip ako kaunti, ang babaeng alitaptap ang nagsalita.
Tumunghay ako at tiningnan ang likod ng prinsipe pero nagulat ako nang mawala ito sa harap ko. Nanlalaki pa ang mga mata kong hinarap ang dalawang alitaptap na buong ngiti ang ginagawad sa akin.
Nawala lang dito ang atensiyon ko nang may maramdamang huminga sa bandang leeg ko. "May problema ba, aking prinsesa?" Napalunok ako ng wala sa oras.
"W-wala."
"Mabuti." Nagyelo ako sa kinatatayuan sa bulong niya. Hindi ako gumalaw. Ayoko munang gumalaw.
Nakahinga lang ako nang maluwag nang maramdaman kong wala na siya sa likod ko. Rinig ko ang yabag niya at nakita ko ang paghinto niya sa gilid ko. Parang takot akong lingunin siya dahil sa ginawa niyang iyon. Bakit siya ganon? Ganoon ba talaga ang prinsipe nila sa mga bisita?
"Gevne, Gene. Magpakilala kayo." Tumango ang dalawang alitaptap sa utos niya at ilang saglit pa ay parang may kung ano akong naramdaman kasabay ng kaunting liwanag na mula sa dalawang alitaptap.
Pumikit ako at sa muling pagkadilat ay nagulat ako sa pagbabago ng anyo ng alitaptap.
Naging kasinglaki na sila ng mga tao, pero may pakpak pa rin.
Humakbang ng isang beses ang lalaking may pakpak. "Ako si Gene, tagapangalaga ng mga puno at tagabalanse ng paligid."
Sunod naman ay ang babaeng kahawig niya. "Ako si Gevne! Tagapangalaga ng bulaklak at tagabalanse ng kagandahan ng paligid!" Masaya niyang pagkilala sa sarili.
"Tanong lang." Nahihiya kong salita.
"Ano 'yon?" Si Gevne.
"Anong pinagkaiba ng sinabi niyo ni Gene?"
"Ah! Ang aking kapatid ay paligid lang ang binabalanse, samantalang ako ay kagandahan naman nito." Tumango-tango ako.
"Kapatid?"
"Sila ay isinilang nang magkasabay." Ang prinsipe ang sumagot.
Magkasabay? Ibig sabihin ay kambal sila.
"Ah," tanging tugon ko na lang. Ngayon ko lang napagtanto na totoong kakaiba ang mga nilalang na nasa paligid.
Kakaiba ang magkapatid. Para silang isang Fairy dahil ang ganda at kakaiba ang pakpak nila. Hindi ito parang pakpak ng paru-paro kung 'di tila'y linalarawan nito ang kapangyarihan na mayroon sila.
Ang kay Gevne na nabuo ang pakpak na puros bulaklak lang ang nakikita. Habang ang kay Gene naman ay tila ugat ng puno ang nagsisilbi nitong buto, 'yun nga lang ay natatabunan ng maraming dahon.
"Nais mo bang maglibot muna?" Napatingin ako sa prinsipe.
"Ha? M-maglibot?"
"Gevne, Gene. Ilibot niyo muna si Adira." Mabilis na tumango si Gevne. Hindi ako naka-angal kaagad nang bigla niya akong hatakin.
Para sa ordinaryong tao na katulad ko ay mabilis siya. Ang bilis niyang maglakad. Parang ang lakad niya ay takbo ko na.
"Sigurado kong magugustuhan mo ang mundo namin, aming prinsesa! Maraming magagandang bagay!" Nagsimula siyang magkwento at buti na lang ay medyo bumagal na dahil doon. Nagkaroon ako ng pagkakataong lumingon at nakita roon si Gene na prenteng naglalakad. Sa likod ni Gene ay ang nakatinging prinsipe na parang pinapanood ang pag-alis namin.
Itinaas pa nito ang isang kamay na mukhang nagpapa-alam. Bumalik ang tingin ko sa harap at napabuga na lamang ng hangin.
Ano ba itong pinasok ko? Hanggang kailan ba ako rito?
------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
This is purely fictional.
Genre: Fantasy/Adventure
YOU ARE READING
Taken By An Engkanto
FantasyFor Adira Morales, everything seems common in each day passing by, not until something improbable happened. With that, she saw him, and was taken by him. She was taken by an Engkanto.