10

346 7 0
                                    

Adira's POV:

Sandali akong napakurap nang huminto kami sa isang gintong tarangkahan. Ito ang sunod naming pinuntahan pagkatapos sa Fidset.

"Adira, ito ang tinuturing na puso rito sa aming mundo," paliwanag ni Gene sa tabi ko. Wala akong naging sagot doon at hinayaan silang mauna bago ako pumasok. Kung gaano kamangha ang reaksyon ko sa tarangkahan pa lang ay mas lalong nadagdagan nang makapasok na kami sa loob.

Puro mga nagtataasang mga punong kumikintab sa paligid at iba't-ibang kulay ng alitaptap na lumilipad sa iba't-ibang bahagi.

"Mga fariya rin sila. Kauri namin." Sinundan ko ng tingin ang itinuro ni Gevne na isang kulay lilang alitaptap. Pinanood ko ito mula sa pagbabago nito ng laki at naging isang magandang babae na may hawak na plawta habang palapit sa isang punong pinapalibutan ng totoong alitaptap.

Sinimulan niyang patugtugin ang hawak niyang plawta habang nakaharap sa puno. Iyong mga alitaptap naman na nakalibot sa puno ngayon ay sumasayaw na sa hangin na parang damang-dama ang musika. Matunog akong napasinghap nang habang pinapatugtog ang plawta ay lumalaki nang lumalaki ang puno hangga't sa nagkaroon na ito ng bunga. Tumigil lang siya sa pagpapatugtog noong may tumubong bunga malapit sa kanya. Kaagad naman niya itong pinitas at damang-dama itong kinagat. Mukhang natuwa siya sa lasa nito at umalis sa puno na may malawak na ngiti.

Napatulala na lang ako habang tiningnan ang fariyang iyon na papalayo sa amin. Sunod ko namang tiningnan iyong punong ginamitan niya ng plawta at ang mas nakakagulat sa akin ay nang bumalik ito sa dati at iyong mga alitaptap ay nakapalibot na naman dito.

"Wag ka nang magulat, Adira." Pero nabigla ako nang hilahin na naman ako ni Gevne papunta sa pinakamalaking puno na kitang-kita pagpapasok namin dito. Tumingala na lamang ako sa punong nasa harap namin.

Ang liwanag na nakapalibot sa puno ang siyang nakapagpakinang dito. Itong puno ata ang pinakamakinang sa lahat ng mga punong naririto. "Handa ka na bang makita ang kapangyarihan namin, Adira?" Nasasabik niyang tanong.

Nakalimutan kong hindi ko pa pala nakikita ang kaya nilang gawin, maliban sa magpalit ng laki. Sa tingin ko ay pumunta rin kami rito para ipagmalaki ang kapangyarihan nila.

Unang pumunta si Gene sa harap ko at pinatunog ang kanyang braso at daliri bago itutok ang kamay sa isa sa mga puno malayo sa amin. Mula sa pinakatuktok ng punong ito ay binaba niya ang kanyang kamay patungo sa paa ng puno. Pagkatapos niyang itutok ito sa puno ay sa lupa naman sa harap namin.

Ganoon na lamang ang manghang bumalot sa akin nang sa unti-unting pag-angat ng kanyang kamay ay mayroong nabubuong mga ugat ng puno hanggang sa...

Madiin kong kinagat ang ibabang labi ko. "Gene! Nakakahiya, ang liit niyan!" Hindi matigil sa kakatawa si Gevne habang pinapanood ang kanyang kapatid na paulit-ulit na itinututok ang kamay sa malayong puno saka sa lupang nasa harap namin. Pigil na pigil ang pagtawa ko at sadyang nakakahawa ang tawa ng kapatid niya.

"Huwag kang maingay!" Mas lalong humalakhak si Gevne. Ginawa ulit ni Gevne ito at sa huling pagkakataon ay nagawa na niya nang maayos.

"Wow." Nakakamangha ang laki ng punong nasa harap namin, talagang kaparehang-kapareha niya ang puno na kinopya ni Gene. "Ang galing!" Kahit ilang beses kong ibalik ang tingin sa punong kinopya niya ay hindi ko makita ang kaibahan sa dalawa.

"Hindi lamang iyan ang kaya kong gawin, Adira." Tunog pagmamalaki niyang sabad. Narinig ko naman ang iilang bulong ni Gevne sa tabi ko bago pumunta sa tabi ni Gene at walang alinlangang tinulak ang kapatid. Bahagyang nagulat si Gene sa ginawa ni Gevne, ngunit binatuhan lang niya ito ng masamang tingin bago pumunta sa tabi ko.

"Ako naman." Ngayon ay si Gevne naman ang nasa harap ko. Pinatunog niya muna ang mga daliri niya sa kamay bago siya umupo at hinawakan ang lupa. Tumagilid ang ulo ko sa pagtataka. Napaatras na lang ako ng isang beses nang unti-unti niyang i-angat ang kanyang kamay kasabay ng kanyang dahan-dahang pagtayo. May mga malilikot na liwanag ang lumabas mula sa kamay niya, hanggang sa...

Binalot ng tinig ni Gene ang buong paligid. "Bakit ganyan, kapatid ko?" Hindi magkamayaw sa paghalakhak si Gene habang nakatingin sa naging resulta ng kay Gevne.

Tumikhim ako upang pigilan ang umuusbong na pagtawa.

Kasi naman, nakikita na namin ang tumutubong bulaklak sa mahabang tangkay na ginawa ni Gevne, ang kaso ay biglang umurong.

"Hindi pa kasi ako tapos!" giit ni Gevne na napakamot sa buhok niyang may iilang talutot ng bulaklak na nagmimistulang ipit bago ulitin ang ginawa. Umupo siya ulit at hinawakan ang lupa gamit ang kanyang dalawang kamay. Dahan-dahan naman niyang ini-angat ito kasabay ng unti-unti niyang pagtayo. Katulad ng kanina ay may lumabas na mga ilaw na pumapalibot sa kamay niya at doon sa ginawa niyang tangkay ay may tumutubo ng malalaking rosas.

Mistulang naghugis puso ang mga mata ko nang makita ang katapusan ng kanyang gawa. "Ang ganda!" Hindi ko mapigilang hindi ito sabihin sa bulaklak na nasa harap ko ngayon. Ang kulay ng tangkay ay talagang buhay na buhay, ganoon din ang kulay ng rosas na parang winasikan ng dugo.

"Nakita ko yan noon nung nasa mundo pa ako ng mga tao. Tinatawag 'yang bloody rose nung taong nagtitinda ng bulaklak kaya't pinilit kong gayahin. Hanggang sa nagawa ko na!" aniya at napapalakpak sa pagmamalaki sa kanyang obra.

"Ang pangit naman niyan," mapang-asar na komento ni Gene sa tabi ko. At dahil doon ay nagsimula na ang kanilang away.

"Mas pangit iyang punong ginawa mo! Walang dekorasyon!" asik ni Gevne. Itinapat niya ang kanyang kamay sa puno ni Gene at may kung anong lumabas ditong mga bulaklak. Napahawak na lang ako sa bibig ko habang tinitingnan ang puno ni Gene na ngayon ay halos matabunan na ang dahon ng mga bulaklak.

Napansin ko ang inis dito ni Gene at itinutok ang kanyang kamay sa bulaklak ni Gevne na nasa tabi lang ng puno. "Ang pangit din ng iyo! Parang pumatay!" May lumabas na mga sanga sa tangkay ng bulaklak ni Gevne hanggang sa gumapang ito papuntang bulaklak at tupukin ang mga rosas. Mas lalo pa tuloy nagkagulo ang dalawa.

"Anong ginawa mo?! Lalong pumangit!" Naiiyak na tugon ni Gevne habang nakatingin sa ginawa niyang bulaklak na halos sanga na lang ang makikita.

"Ikaw naman ang nagsimula!" asik ng kapatid niya. Nagsimula na silang magbangayan ng kung anu-ano. Hindi ko naman sila mapigilan kahit gustuhin ko't mukhang hindi na sila mapipigilan pa, baka ay maging puno o bulaklak ako ng wala sa oras.

Natigil lang silang dalawa sa pagbabangayan nang makaramdam ng init na mistulang bumabalot sa pwesto namin. Napahawak ako sa braso ko sa sobrang init. Parang nasusunog ako ng buhay. Impyerno ba 'to?

Kaagad akong tumingin kay Gevne nang tumili siya, ngunit nalipat din ang atensyon ko sa halamang tinutupok na ngayon ng apoy.

Saan nanggaling iyon?

Tiningnan ko si Gene na kumibit-balikat lang sa nasaksihan. Sunod ko namang tiningnan si Gevne na ngayon ay nagluluksa na sa kanyang halaman.

"Bulaklak ko..." Akala ko ay doon lang matatapos ang apoy, ngunit may tila isang kidlat ng apoy na papunta naman ngayon sa puno ni Gene at tinupok ito. Nag-aalala kong binalingan si Gene ngunit parang wala lang sa kanya iyon at normal lang ang nangyayari.

"Paanong nagka-apoy?" Gumuhit ang pagtataka sa mukha ko. Hindi na ako umasang magsasalita si Gevne dahil pinagluluksaan pa niya ang kanyang bulaklak. Marami rin siyang sinabi habang nasa bulaklak-na ngayon ay abo na ang kanyang tingin. Kaya hinintay ko na lang ang sagot ni Gene.

"Si Fira."

"Fira?"










Taken By An EngkantoWhere stories live. Discover now