Adira's POV
Noong unang tapak ko pa lang sa mundong ito, akala ko ay may paraan pa para makatakbo muli pabalik sa aking mundo. Akala ko ay saglit lamang ako dito na parang napadaan lang sa kaisa-isang eskinita papunta sa isang parkeng pinakadulo na aking destinasyon, ngunit hindi ko naman inaakalang ang dadaanan kong esknita ay puro mga naglalakihang pader na pala ang dulo. Walang madaanan pa, parang nararamdaman ko ngayon. Biglang nawalan ng saysay. Na parang pagdaan ko sa eskinita na kahit bumalik pa ako sa simula ay doon at doon pa rin ako mapapadpad.
Kung sana lang ay alam kong mangyayari ito. Una pa lang ay hindi na talaga ako sumama sa kanya. Bakit kasi hindi ako nag-isip nang maigi. Basta-basta lang ako sumama, porke't nasa panganib ako. Pero, sa isang banda ay sa tingin ko'y mas maayos kung sa kanya ako sumama kaysa sa napunta ako sa halimaw na tinatawag niyang Hinaupak. Kung nangyaring nakuha ako ng halimaw na iyon ay baka katapusan ko na. Baka naging pagkain ako o alay sa mga kauri non.
Kahit na, naging kapalit naman ng kaligtasan ko sa mundo ko ay ang buhay ko roon. Sa isang iglap lang ay iniwan ko ang pamilya ko at mga naiwang mahal doon-lalo na si Bunny. Hindi man lang ako nakapagpaalam.
Paano nila ako hahanapin?
Napahawak ako sa bandang dibdib at kumuyom ang kamao. Hindi ko kayang isipin ang reaksiyon ng ina ko kapag nakita niya ang nakaratay kong katawan sa lupa, walang hininga.
Madali pa namang umiyak si mama, madali siyang masaktan. Ayoko siyang nasasaktan, pero paano ko siya patatahanin kung nandito ako at nandoon siya.
At dito naman sa mundong ito, kung totoo ngang wala ng paraan. Paano ako makikibagay sa mundong hindi ko naman kinagisnan? Paano ako mabubuhay ng normal dito kung alam kong anumang oras ay pwede nilang bawiin ang kaluluwa ko rito at mawala nang tuluyan. Wala akong laban sa mga makakapangyarihan nilalang, isa lamang akong hamak na mortal na taong napadpad dito dahil sa isang panganib.
Kinagat ko na lamang ang ibabang labi sa naiisip. Inilabas ko ang binigay sa akin ng fariya kanina at tiningnan kung ano iyon. Nang tanggalin ko ang nakabalot ay natagpuan kong isa itong pagkain. Isang hindi pamilyar na pagkain, ngunit mukha naman siyang pagkain
Dahil nga sa isa akong mahinang mortal at gutom sa mga oras na ito ay kumagat na ako. Sa unang kagat ay tila nalasahan ko na ang matagal nang hinahanap ng dila ko.
"Anong ginagawa mo rito, Adira?" Muntikan ko nang mabitawan ang kinakain sa paglitaw ni Fira sa harap ko.
"Nakakagulat ka naman." Tumikhim ako ng isang beses bago itinuro ang bakanteng upuan sa tabi ko. "Upo ka." Sumunod naman siya sa sinabi ko saka umupo roon. Tumuwid siya ng upo habang nakapatong ang kanyang dalawang kamay sa kanyang hita.
"Bakit nag-iisa ka rito? Nasaan na ang dalawang istorbo?" Gusto ko siyang asarin ngayon, hindi ko alam kung bakit naisip ko iyon sa mga oras na nagluluksa ako sa kasulukuyang kapalaran. Pero ang sabi nila Gevne ay mabilis uminit ang ulo nito kaya hindi ko na lang ginawa.
"Wala lang. Gusto kong mapag-isa muna," sagot ko at sinubo na ang natirang piraso ng kinakain. Sumunod akong kumuha ng bato sa gilid sabay bato pa sa pinakamalaking batong nasa harapan. Isa sa mga ugali ko kapag wala na akong magawa at kapag may iniisip.
"Tungkol saan? Sa napag-usapan niyo ni Prinsipe Gavino?" Napaawang ang bibig ko nang mapatingin ako sa kanya. Itinaas naman niya ang kanyang hintuturo sabay dampi sa noo ko nang mabilis saka tumayo.
"Sinundan ko kayo."
"Bakit?" tanong ko. Gusto kong malaman ang sagot niya kung bakit? Bakit niya kami sinundan? May gusto ba siyang malaman?
"May gusto lang akong malaman. Baka lang ay may nasabi sa iyo si Prinsipe Gavino tungkol sa mundong ito," sagot niya na lalong nagpagulo sa isip ko. Hindi ba niya alam nangyayari sa paligid niya? O lagi lang siyang natutulog kaya wala siyang alam?
"Anong ibig mong sabihin?"
"Alam kong hindi lang ako ang nakakaranas nito, halos lahat kami. Hindi namin maalala ang lahat simula nang unti-unting pagbangon mula sa nakaraang digmaan." Napakurap ako sa sinabi niya. Digmaan? Naglalaban-laban din pala sila. Walang pinagkaiba sa mga tao.
"O, bakit naghahanap ka ng sagot sa pamamagitan ng pakikinig sa usapan namin ni Prinsipe Gavino? Bakit hindi mo na lang siya diretsahin- Nakaka-alala kaya ang prinsipe? Hindi ba't sinabi mong nakakalimutan niyo na?"
"Sa pagkakaalam ko ay halos lahat ng nilalang ay nakalimutan na ukol sa mga pangyayari noon pagkatapos ng huling digmaan. May iba naman sigurong nakakaalala pero nanatili silang tahimik dahil kapag nalaman ito ng iba ay tiyak na may mangyayari na namang gulo."
"Anong ibig mong sabihin? Bakit din bigla na lang kayong nawalan ng ala-ala? May amnesia kayong lahat?" Nahahalata sa mukha niya ang pagdadalawang-isip sa sasabihin na sa huli ay tumango lang din.
"Siguro nga't iyon ang tawag sa mundo ninyo, pero itong biglaang pagkawala ng ala-ala namin. Tila isang malalang epidemyang kumakalat sa loob at labas ng kaharian." Sa mga sinasabi niya. Napakunot na lang ang noo ko sa sobrang gulo.
"Epidemya?"
YOU ARE READING
Taken By An Engkanto
FantasyFor Adira Morales, everything seems common in each day passing by, not until something improbable happened. With that, she saw him, and was taken by him. She was taken by an Engkanto.