19

190 11 1
                                    

Adira's POV:

"Gevne?" Kumatok pa ako ng ilang beses bago niya tuluyang buksan ang pinto.

Hindi pantay ang pagkakatayo at mapupungay na ang mga mata. Para siyang lantang gulay sa harap ko ngayon. Mukhang marami siyang ginagawa. Tatanungin ko pa ba? "Ayos ka lang?" Ngumiti siya nang malawak at masiglang tumango kahit na kabaligtaran naman nito ang kanyang pagtayo.

Halos nakasandal na siya sa pinto habang humihikab. "Napagod lamang ako, Adira. May mga inutos sa amin ang prinsipe na ayusin sa kahariang ito noong mga nakaraang araw kapalit ng pansamantalang pagpapahinga." Totoo nga. Ilang araw na kaming nakahinto sa kahariang Trinio. Hindi ko inaasahan na tatagal kami ng mahigit sa dalawang araw.

Sa tingin ko ay mahalaga ang pinag-uusapan ng mga prinsipe kung kaya't hindi kami kaagad nakaalis. "Maraming pina-ayos ang prinsipe ng Trinio sa amin."

"Ganoon ba? Sige, aalis na a—" Akmang isasara ko na ang pinto nang pigilan niya ang kamay ko.

"May kailangan ka po ba, mahal na prinsesa?" Panandalian akong dinaanan ng panginginig sa narinig.

"Ah, ayon ba. Magpapasama lang sana ako para maglibot dito. Nakapagpaalam na rin naman ako sa prinsipe kanina kaya ayos lang na umalis ako ngayon..." Iyon ang una kong plano ngayon araw kaya pagkatapos kong mag ayos ay hinanap ko kaagad ang prinsipe para magpaalam.

"Magandang araw, prinsipe." Mabilis niyang binaba ang kanyang kamay. Nasa proseso ng paghihikab ang prinsipe nang maabutan ko siya sa kanyang kwarto. Alam kong kasalanan ko rin at dito ako dinala ng tinanungan ko. "Patawad kung naistorbo kita."

"Adira." Nawala siya sa kanyang pwesto at sa isang kisap lamang ay nasa harap ko na. Hinuli niya ang aking kamay para halikan ang likod nito.

Sa tingin ko ay gawain na ng prinsipe ang hawakan o halikan ang kamay ko. Pero ayos lang. "Magandang araw rin, aking Adira. Ano't naparirito ka?" Ngumiti ako.

"Prinsipe, gusto ko lang itanong kung hanggang kailan tayo rito?" Sa tingin ko ay napatigil siya sa narinig. Binitawan niya ang aking kamay at dinala ang kanyang mga daliri sa kanyang labi. Lumingon din siya sa kanyang kanang direksyon, tila nag-iisp.

"Hindi ko masabi. Sa tingin ko'y mapapatagal pa ng ilang araw ang ating pananatili rito." Bumalik ang mga mata niya sa akin. "Ano't natanong mo ito? Naiinip ka na ba, aking Adira?"

"Hm, 'di naman." Sobra. Sobra na akong naiinip na wala man lang magawa. "Pero ngayong araw... tutal ay hindi pa naman tayo aalis. Naisipan ko lang kani-kanina, noong nagising ako, ha. Naisipan ko lang na gusto kong maglibot dito. Pwede ba?"

Tinitigan niya ako ng may seryosong mukha. Naiwang nakaawang ang aking bibig sa napagmamasdan.

Hindi ba pwede? "Maaari kang maglibot." Nabuhayan ako sa narinig. "Ngunit patawad at hindi kita masasamahan. Nais ko man ay may importante pa kaming suliranin ni Prinsipe Tri. Maaari mong puntahan sila Gevne para ika'y samahan sa iyong paglilibot."

"Salamat!"

"Mag-iingat ka, aking Adira."

Tumango ako sa ala-alang dumaan sa isipan ko. Mabuti na lang at hindi na nagtanong pa nang marami ang prinsipe. Pero kung magtatanong siya, idadahilan ko na lang ang pagiging kuryoso ko sa mundo nila.

Humikab ulit siya. Huminga ako nang malalim. "Pero ayos lang kung hindi mo 'ko masasamahan." Mas nag-aalala ako ngayon kapag bigla na lang siyang makatulog sa gitna ng aming paglalakad dahil sa sobrang antok.

Kahit magkalapit lang ang laki naming dalawa ni Gevne ay 'di mapagkakailang mas malakas sila sa akin. Hindi ko siya mabubuhat kapag bigla na lang siyang bumagsak.

Taken By An EngkantoWhere stories live. Discover now