17

219 8 8
                                    

Gayunpaman, desperado akong iligtas ang sarili ko sa mas malalim pang sugat. Mababawasan naman itong bigat sa aking loob kapag sinambit ko na kaagad ang sagot. "H-hindi ko pa rin kaya."

Hindi siya umimik.

"A-alam mong sinusubukan ko pa ring kilalanin ang mundo mo. Ang hirap na non para sa akin."

"Hindi mo naiintindihan—"

"Ako rin! Hindi mo ako naiintindihan!" Nagsimulang uminit ang sulok ng mga mata ko. Parang kay bigat marinig ng ilang salitang iyon. "Kung ganyan kadali sa iyo ang kasal. Pwes, sakin ay hindi! Hindi ko kaya. Hindi madaling tanggalin ang pinagmulan ko sa ilang saglit lang. Hindi porke't—hindi porke't nagbitaw ka ng ilang salita ay kakayanin ko na ang hinihingi mo." Nanginginig ang aking labi. Tinanggal ko ang kanyang pagkakahawak sa akin.

"Pagmamahal? Hindi... hindi mo 'yon kaya, prinsipe." Nanlalabo ang aking mga mata. Tila'y may ibang katauhan sa loob ko't binibigyan ako ng lakas para ipagpatuloy ang gusto kong sabihin. "Pakiusap, huwag mo akong paasahin. Huwag kang mangako ng bagay na hindi mo kayang ibigay dahil ikaw mismo, hindi mo alam kung paano mo yon ipapakita."

Hindi lamang pagmamahal ang tinitingnan ko sa pagpapakasal. Isa na rin don ang pagtanggap. Siguro nga't ako ang magiging susi nila sa digmaan, ngunit bago pa man 'yon mangyari, matatanggap na kaya ako ng mga nilalang sa mundong ito?

Sa kahariang ito, lahat ay iba-iba. Ngunit hindi mapagkakaila na sa lahat ng kaibahan, ang presensya ko ang mas angat dahil kahit iba-iba sila ay iisa lang ang kanilang pinagmulan—hindi katulad ko.

Nais ko man itong idagdag, ngunit ayaw ng mga bibig kong magsalita pa ukol dito.

Bukod pa ron... hibang ba siya?!

"Kaya paki-usap..." Yumuko ako, wala sa sariling yinakap ang sarili. "Hindi ko kaya ang hinihingi mo."

"Hindi lamang ang mga tao ang may karapatan sa salitang iyon." Bumilis ang tibok ng puso ko. Nakagat ko ang aking labi sa lamig ng kanyang pananalita. Kakaiba ang hatid non sa akin. May pinapahiwatig, may pinaparating.

"I'm sorry..." bulong ko saka siya tinalikuran. Humakbang ako ng isang beses para tuluyan na sanang umalis nang magsalita siya ulit.

"Oo't kailangan kita. Kailangan kita, aking Adira." Kakaiba ang ihip ng hanging pumapalibot sa amin sa mga oras na ito. "Ngunit totoo ang aking pangako. Handa kong ibigay ang nais mo. Kahit ano pa iyon. Gagawin ko iyon... huwag ka lang lumisan." Hindi ko masabi ang epekto ng kanyang pagmamakaawa sa kabila ng lamig ng kanyang tono.

"Marahil ay hindi pa ito ang tamang panahon para rito. Patawad sa aking sinambit." Kumuyom ang aking kamao, "Ngunit, nawa'y pag-isipan mong muli ito. Handa akong maghintay."

Kinabukasan, nalaman ko kay Gevne na abala siya sa kanyang tungkulin.

"Inaasikaso na kasi ang mangyayaring paglalakbay. Hindi lamang sa Dwinilia ang ating pupuntahan. May balak ang iilang konsehal at ang prinsipe na makipag-ugnayan sa mga pinuno ng ibang kaharian," aniya habang inaayos ang hawak niyang korona na gawa sa mga bulaklak.

"Sa tingin ko ay nag-away kayong dalawa." Hindi iyon tanong, kung 'di pahayag. Sa tingin ko ay nabasa niya ang aking mukhka kahapon nang lumabas ako sa silid.

Ipinagpatuloy ko lamang ang pagtitig sa sarili sa salamin. "Hm. Tama nga ako. Huwag kang mag-alala, hindi ako magtatanong. Sa tingin ko'y sensitibo iyon—"

"Inalok ako ng prinsipe ng kasal." Mabagal akong napatingin sa baba nang marinig ang pagbagsak ng isang bagay. Naabutan ko sa lupa ang koronang hawak ni Gevne.

"P-patawad." Pati si Gevne, kakaiba ang kinikilos ngayon. "Nabigla lang ako." Piinulot niya korona at muli itong inayos. Sa pagkakataong ito ay pinalitan niya ang mga bulaklak ng bago mula sa kanyang kapangyarihan.

Taken By An EngkantoWhere stories live. Discover now