Sa aking pagmulat ay isang malaking bato na ang bumungad sa akin. Malabo pa't umaalon ang aking paningin kaya't hindi ko kaagad mawari ang bagay na nasa harap ko. Napagtanto ko lang kung ano ito nang tuluyan nang bumalik sa normal ang aking paningin.
Lamesa. Isang parisukat at tamang lapad na batong lamesa.
Mabigat ang aking katawan. Para akong kumilos nang matagal, tumakbo nang napakalayo, at nagbuhat ng isang mabigat na bagay sa sobrang pagod na nadarama ko.
Hindi pa tuluyang pumapasok ang reyalidad sa akin. Nang sinubukan kong igalaw ang aking mga kamay ay roon lamang ako tuluyang nagising.
"A-ah!" Napa-ungol ako nang masaksihan ang mariing pagdikit ng aking mga kamay sa aking katawan. Ang ugat na pumupulot sa aking buong katawan ay tila buhay, pinipigilan ang aking pagpupumiglas. Sinubukan ko ulit gumalaw ngunit lalo lamang sumisikip ang nakayakap na ugat sa akin.
"Tul—" Napatigil ako sa matunog na pagbaba ng baso sa batong lamesa. Nalipat ang atensyon ko sa aking harapan. "Ahh!" Napasigaw ako sa takot.
May naka-upong nilalang. Hindi ko maalala kung kanina pa ba siyang nandyan o sumulpot na lang siya sa harap ko nang hindi ko namamalayan.
"Magtigil ka, tao." Napaatras ang katawan ko sa kanyang pagsasalita. Boses babae.
Hindi naman nakakapagtaka dahil na rin sa kanyang pananamit. Mahaba't manipis na kayumangging damit. May luntiang telang naka krus sa kanyang balikat. Mayroon din siyang kulay pilak na korona sa kanyang ulo. Para itong lawrel na korona't may krystal sa gitna habang pinapaligiran ng iba't-ibang kulay na maliliit na kristal sa paligid nito. Hindi ko makita ang kabuoan ng kanyang mukha dahil natatabunan ang kalahati ng kanyang mukha ng itim na tela.
"Hindi ka taga rito, tama ba ako?" Hindi ko man nakikita ang kabuoan ng kanyang mukha ngunit nang magtama ang mga mata naming dalawa ay nararamdaman ko ang matinding emosyon sa kanyang mukha. Matalim ang tinging ipinapahiwatig ng kanyang asul na mga mata. "Anong sadya ng isang katulad mo rito sa aking kagubatan?"
Nahigit ko ang aking hininga. Ngayon ko lang napagtanto kung nasaan nga ba ako at kung paano ako napunta rito.
Hindi. Oo nga pala.
Mabilis kong nilihis ang aking mga mata sa paligid.
Hindi ako pwedeng magkamali. Narito lamang iyon, iyong nasaksihan ko.
"May hinahanap ka ba?" Muling nagtigil ang aking mga mata sa kanya, ngunit mabilis din itong lumipat sa ibang direksyon—sa kanyang likod.
Kusang bumuka ang aking bibig. Nasa likod niya ang patay na fariya. Natatabunan man niya ito, ngunit nakikita ko ang nakahandusay nitong mga paa sa bato.
Para akong tinakasan ng hininga.
"Sumagot ka, tao."
"O-oo. Hindi ko... H-hindi ko rin alam," natataranta kong saad. Hindi niya iniwas ang kanyang tingin sa akin, sa halip ay kinuhang muli ang basong hawak niya at pinaglaruan ito. "P-pangako, hindi ko gustong pumasok dito—n-napilitan lang ako. Hindi ko sinasadya..."
Tahimik niyang sinimsim ito. Ilang beses na akong napalunok. Nanlalamig ang kalamnan ko sa nilalang na nasa harap ko.
Paano na lang kung ako na ang isusunod sa fariyang iyon. Paano kung ako naman ang tutusukan ng ugat na iyon. Ganito ba ang nilalang sa harap ko, kakausapin muna ang kanyang biktima?
Lumunok ako. "I-ikaw ba ang hinahanap nila... ang kumuha sa mga nawawalang fariya." Natigil siya. Umaakyat na ang lamig sa aking katawan.
Ito na ba ang katapusan ko?
YOU ARE READING
Taken By An Engkanto
FantasyFor Adira Morales, everything seems common in each day passing by, not until something improbable happened. With that, she saw him, and was taken by him. She was taken by an Engkanto.