Kumurap ako ng dalawang beses. "Prinsipe?" Itinaas ko ang aking dalawang kamay at gumalaw kaunti. Pagkuway naintindihan niya ito at kumalas na mula sa pagyakap niya.
"P-patawad. Nadala lamang ako ng aking damdamin." Tumikhim ako at umiwas ng tingin.
Halata nga.
Mula pa lang sa tinding hatid ng tingin niya hanggang sa pagkibot ng labi. Hindi ko alam kung kailan ko pa nasimulang mapansin ang maliliit na bagay na iyon.
"Hm." Huminga ako nang malalim saka niligid na lamang ang tingin sa paligid. Awtomatikong kumurba ang labi ko ng isang ngiti nang maalala ang gusto kong i-kwento sa kanya. "Alam mo ba, may kasalang naganap kanina roon sa may kumikinang na puno." Tumango siya sa akin bago umalis sa harap ko. Dumiretso siya roon sa may lamesa, sa tingin ko ay maliit niya iyong opisina at akmang uupo sakanyang upuan nang tumigil siya.
Umangat ang tingin niya sa akin, tila naguguluhan. "A-ah, ituloy mo lamang ang iyong sasabihin. Maupo ka na rin." Inimuwestra niya ang upuan sa harap niya.
"O-okay. Salamat." Sa sandaling iyon na malapit ang prinsipe, parang nawalan ng lakas ang bibig ko para magsalita.
"Aking Adira?" Doon lamang ako nabalik sa reyalidad.
"A-ay, pasensya na. Iyon nga, may kasalan doon."
"Hm." Sa kanyang pag-upo ay inilapag niya ang kanyang braso sa lamesa saka pinagpatuloy ang pagbibigay atensyon sa akin. Hindi ko maiwasang hindi masulyapan ang mga nagkalat na papel sa lamesa niya.
Doon ko lamang napagtanto na naabala ko na ata ang prinsipe. "Parang marami ka pang ginagawa. Sa ibang pagkaka—"
"Ituloy mo lamang, aking Adira."
"A-ahm, yun lang naman sasabihin ko, e."
"Ang kasalang nasaksihan mo?" Hindi ko alam kung bakit parang nag-iba ang atmospera ng paligid.
"Oo."
"Ninanais mo na bang makipag-isang-dibdib?" Naiwan ang bibig kong nakabuka dahil sa narinig. Parang ayaw itong maproseso ng utak ko.
"H-hindi! Hindi iyon ang ibig kong sabihin." Wagas akong umiling. "Ang gusto ko lang sabihin ay sa tingin ko'y nasisimulan ko nang maintindihan ang iyong mundo. Parang katulad lang naman ito ng akin, maliban sa may mga mahika rito. Kaya, kakayanin ko naman siguro kung mabubuhay ako rito sa panghabang buhay, kailangan ko nga lang ng maraming oras upang matanggap ito nang tuluyan."
Inilahad niya ang kanyang kamay sa harap ko. Nalilito man ay pinatong ko ang kamay ko roon, at hindi inaasahang kilos na naman ang ginawa niya.
Bumaba ang tingin niya sa palad ko at hinalikan ang likod nito. Gusto kong magsalita, ngunit sa huli ay pinili ko na lamang itikom ang aking bibig. Lalo na't sa likod ng halik na iyon ay ang pagkurba ng labi niya. "Salamat, aking Adira."
Mas komportable ako sa ganito kaysa sa pagyakap.
"Ang sweet niya kasi! Crush ko siya."
Napahawak ako sa ulo ko. Matinding pag-ikot ang tumama sa akin na hindi ko na maintindihan ang marahas na pag galaw ng paligid.
"May dinaramdam ka ba?"
Anong meron? Bakit gumagalaw ang mga gamit? Bakit ang likot ng prinsipe? Bakit... bakit ganito sila kagulo sa paningin ko. "Prinsipe, may lindol ba o nahihil—"
"Adira!"
"Magmulat ka, Adira. Paki-usap, Aking Adira."
May isang tinig.
May isang tinig akong narinig, kasunod nito ay isang kalmadong huni.
Naalimpungatan ako dahil sa isang malambing na tunog na iyon. Nang buksan ko ang mga mata ko ay bumungad sa akin ang likod ng prinsipe. Nakatanaw siya sa isang malaking mistulang bintana ng silid na ito. Iniligid ko ang tingin sa paligid. Hindi niya napansin ang paggising ko. Ngayon ko lang rin napansin na nakahiga ako sa kanyang malambot na kama. Isa lamang itong higanteng dahon na nag tila hugis parisukat ngunit kung ito ay haplusin ay tila gawa sa malambot na balat ng hayop.
YOU ARE READING
Taken By An Engkanto
FantasyFor Adira Morales, everything seems common in each day passing by, not until something improbable happened. With that, she saw him, and was taken by him. She was taken by an Engkanto.