23

95 3 7
                                    

Adira's POV:

"Pupunta tayo sa Frillia, Adira! Hindi na ako makapaghintay!"

"Napaka-ingay mo, Gevne."

"Bakit ba lagi mo na lang akong inaaway? Mahulog ka sana sa kabayo mo!"

"Kapag nahulog ako ay iiyak ka naman kapatid."

"Adira." Napakurap ako. Nawala ang atensyon ko sa mga punong nadadaanan namin dahil sa pagtawag ni Fira.

"A-ano?" Matagal niya akong pinagmasdan bago linandas ang tingin sa kabilang direksiyon.

"Wala," sagot niya rin. Naguguluhan pa ako sa kanyang inasal pero napili na ring ibalik ang tingin sa labas.

Hindi ko gustong mag-isip ng kahit ano. Pinilit kong tanggalin ang bagay na bumabagabag sa akin simula pa nang umalis kami sa Trinio.

Wala lang iyon, Adira. Paulit-ulit kong bulong sa sarili.

"Adira." Napunta ang atensiyon ko kay Gevne nang tumabi ang kanyang kabayo sa gilid ko. "Pupunta tayong Frillia!"

"Frillia?" Malaki ang tangong ginawa niya at muntik pang mahulog sa kabayo nang bitawan niya ang tali nito, buti na lang at nakontrol niya ang paggalaw ng kabayo. "Bakit tayo pupunta roon?"

"Kasi... malapit na ang araw ng pagsilang!" sabik ang kanyang boses sa inanunsyo. Gumawa siya ng pagsabog gamit ang kanyang mga kamay, at tamang pag-akto niya nito ay may talulot ng mga bulaklak ang lumabas mula rito na nahulog sa lupa.

Bumuka ang bibig ko sa nasaksihan.

"Araw ng pagsilang?" naguguluhang tanong ko. Kung sa Trinio ay may Sloris, sa kanila naman ay araw ng pagsilang.

"Mm! Ang araw ng... pagsilang... ay... pag... diriwang..." Pahina nang pahina ang kanyang boses. Ilang sandali pa ay bumubuka na lang ang kanyang bibig nang walang lumalabas na boses. Nababakasan ng takot ang mukha niya.

Kasabay nito ay ang paghina ng galaw ng sinasakyan ko. Lalong humina ang mga yapak ng mga kabayo at halos wala na akong naririnig na tunog sa buong paligid. Ingat na ingat silang lahat sa paggawa ng ingay.

Napatingin din ako sa bandang harapan. Awtomatikong bumuka ang aking bibig at muntik na akong sumigaw kung hindi lang tinakpan ni Fira ang bibig ko.

Itinapat niya ang kanyang hintuturo sa kanyang labi at inilingan ako. Binigyan niya ako ng isang babala gamit ang kanyang mga mata.

Umakyat ang takot at kaba sa akin. Dahan-dahan niyang tinanggal ang kamay sa aking bibig habang nakatapat pa rin ang hintuturo sa labi.

Natulala ako ng ilang segundo bago tuluyang rumehistro sa akin ang nangyayari. Wala sa sarili akong dumungaw sa labas at tiningnan ang bawat kawal at fariyang naroroon.

Lahat sila ay ingat na ingat sa pagkontrol sa kabayo. Maging si Gevne na nasa tabi ko lang kanina ay tumabi na sa kanyang kakambal, kulang na lang ay ipagdikit ang kanilang mga kabayo.

Hinanap ng aking mata ang prinsipe hanggang sa natagpuan ko siya sa may bandang unahan. Nakataas ang kanyang hintuturo na sa tingin ko'y senyas para sa mga nasa likod. Ibinaba niya ang kanyang kamay, ngunit ilang saglit pa ay muling itinaas.

Nakita kong dumilim ang bubong ng karwahe, mas madilim pa kaya nakakatakot. Tumigil ang karwahe, ganoon din ang ibang nasa labas. Halos sabay-sabay nilang binitawan ang tali na tanging nagpapakontrol sa kabayo. Ang kanilang mga kamay ay naglandas patungo sa pulang panyong nasa leeg ng mga ito.

Biglang umiba ang paggalaw ng karwahe kaya muntik na akong matumba, buti na lang at kaagad akong naalalayan ni Fira dahil hindi ko pa masyadong magamit ang isa kong braso.

Taken By An EngkantoWhere stories live. Discover now