22

204 8 22
                                    

Adira's POV:

Ako?

"H-hindi..." Nagalaw ko na ang aking mga paa at humakbang paatras. Paulit-ulit akong umiiling. "Nagkakamali ka, prinsipe Tri." Boses kong may kaunting bahid ng kasiguraduhan.

Hindi pwedeng ako. Sa pagkakaalala ko ay nasabi ni Gevne na hindi maaaring makita ng prinsipe ang babae hangga't hindi pa pumapatak ang Sloris. Tandang-tanda ko iyon.

Hindi pwedeng ako.

"Nagkamali ka lang."

"Tandang-tanda ko ang kanyang wangis, Adira. Ikaw ang nakikita ko. Ikaw ang pinapakita sa akin." Mas lalo lamang akong kinabahan sa kanyang sinabi.

Anong sinasabi niya? Akala ko ba ay hindi pwedeng makita? Naguguluhan na ako.

"Pero—"

"Tri," Kapwa kaming napatingin sa dulo ng mahabang pasilyo. Mula roon ay nakatayo ang prinsipe. Hindi ko man makita nang malinaw ay mas nadagdagan pa ang takot na gumagapang sa akin sa paraan pa lang ng tingin niya sa prinsipeng nasa harap ko. Kahit malayo siya... malinaw na malinaw pa ring nakarating sa amin ang boses nitong nahihimigan ng kaseryosohan.

Nawala ito sa kinatatayuan niya at nakita ko na lamang sa tabi ko. "Prinsipe..." Natatakot ako sa paraan pa lang ng tingin ng prinsipe.

"Lilisan na kami." Ito lamang ang sinabi niya. Hinawakan niya ang aking kamay at malumanay na hinila paalis. Pero napatigil rin kami sa paglalakad nang hawakan ni prinsipe Tri ang isa kong kamay.

"Hindi mo siya maaaring dalhin, Gavino." Parag nawalan na ng kulay ang mukha kong tiningnan si prinsipe Gavino.

Ayoko. Ayokong magpa-iwan.

Natatakot ako sa prinsipe ng Trinio.

"Bitawan mo siya." Mariin na utos ni Gavino. Hinarap niyang muli si prinsipe Tri at siya nang nagtanggal ng kamay nitong nakahawak sa akin. "Nagkamali ka lang, Tri. Hindi maaaring si Adira ang hinihin—"

"At bakit hindi. Alam mong maaaring pumili ang buwan sa kanyang nanaisin. Mapa-nilalang man ito galing sa ating mundo o sa ibang mundo."

"At alam mong hindi mo maaaring makaharap ang babae hangga't hindi pa lumalabas ang Sloris."

Tumawa si prinsipe Tri na malinaw sa akin ang pagiging sarkastiko. Pasimple akong umatras at tumigil sa tabi ni prinsipe Gavino.

"Isa lamang iyong dagdag paniniwala. Maaaring magbago o mawala." Napatingin ako kay Prinsipe nang may maramdaman akong pagaspas ng hangin sa aking likod. Hindi man siya sumisipol, ngunit sa paraan pa lang ng pagpula ng kanyang mga mata'y alam kong tinawag niya ang kanyang elestiya.

Mas lalong humigpit ang hawak niya sa akin nang mas lalong lumakas ang hangin, pinipigilan akong matumba sa aking pagkakatayo. Ngunit hindi ko inaasahan ang pagpula rin ng mata ng prinsipe ng Trinio.

Pakiramdam ko'y naglalaban ang init at lamig sa aming paligid. Ang lamig na nanggagaling sa malakas na hangin mula sa aking likod. At ang init na humahaplos sa aking balat na sigurado akong nagmumula sa pagtawag ni prinsipe Tri sa kanyang elestiya.

Ilang sandali pa ay tumigil na ang hangin. Narinig ko na ang hiyaw ng elestiya ni Gavino, katulad ng dati'y tumigil sa balikat ng prinsipe. At mas lalo ko nang naramdaman ang init, ngunit nahahaluan na ito ng mga buhangin na siyang bumabagsak sa harap ko. Pagkaraan lang ng ilang sandali ay may narinig na akong tunog.

Isang pag-ingil na nagmumula sa likod ni prinsipe Tri. Kasunod nito'y mga maliliit na yabag na animo'y tumatakbo palapit sa amin.

Lumipad ulit ang elestiya ni Gavino nang sandaling masilayan na namin ang elestiya ng prinsipe ng Trinio.

Taken By An EngkantoWhere stories live. Discover now