12.1

95 2 0
                                    

Adira's POV:

"Epidemya?"

"Oo, epidemya. Pare-parehas lang ang mga sinabi ng mga nilalang simula nang matapos ang digmaan—wala silang maalala. Simula noon ay nagpatuloy-tuloy na nga ang pagkawala ng nakaraan naming ala-ala. Ang tanging paraan lamang upang maibalik ito ay kapag may isang bagay o pagkakataon na nakakapagpabalik sa ala-ala namin. Iyon nga lang ay limitado lang ang maaalala."

"Fira, kung nawalan ka nga ng ala-ala. Bakit alam mo ang mga bagay na ito?" Nakakapagtaka na sa lahat ng nawalan ng ala-ala ay siya lang ang katangi-tanging may alam ng mga ganito. O sadyang pinili niyang hindi manahimik?

"Adira, mahilig akong magbasa ng libro. Dahil sa librong aking nabasa noon ay paunti-unting bumabalik kahit na kakarampot na ala-ala ko."

"Naguguluhan ako. Bakit may digmaan? Sino ba iyong nagsimula ng digmaan?" Pag-iiba ko. Baka kasi may makuhang ideya mula doon sa naghasik ng digmaan, at baka rin ay nabasa niya rin iyon sa librong sinasabi niya.

Nagugulat din ako sa sarili. Parang kanina lang ay namromroblema ako sa kung paano ako aalis dito, ngayon naman ay ang kasaysayan na nila ang bumabagabag sa akin.

"Ayon sa nabasa ko ay nagsimula ito sa hindi pagkakaintindihan sa mga diyos at diyosa."

"Diyos? Diyosa?"

Huminga siya nang malalim bago ako lingunin ng panandalian. "Tumayo ka't ikwekwento ko sa iyo." Sumunod naman ako sa sinabi niya saka tumayo. Siya naman ay nagsimulang maglakad at sumunod na lang ako.

"Ike-kwento ko sa'yo ang lahat ng nalalaman ko tungkol sa mundong ito. Nakita ko lang ito sa librong binabasa ko ngayon." Tumango ako. "Ang aming mundo ay orihinal na nahahati sa siyam na kaharian. Ang kaharian ng Fariya, Engkanto, Tikbalang, Duwende, Sirena, Mangkukulam, Bampira, Aswang at ang pinakahuli ay ang kaharian sa gitna ng mga ulap."

"Uunahin ko ang kaharian ng mga Duwende. Ang kahariang Dwinalia, kung pagbabasehan ang kanilang kakayahan ay ito ang pinakamahina sa lahat."

"Sumunod ay ang kaharian naming mga Fariya. Ang kahariang Frillia, ito ang pangalawa sa pinakamahina sa lahat bukod kasi sa pagpapaganda at pagkontrol ng mga kaayusan sa mundong ito ay wala na kaming iba pang magagawa. Maliban na lang sa mga Fariyang biniyayaan ng mga kapangyarihang pwedeng gamitin pang laban, lalo na iyong mga may hawak ng apat na elemento-ang tubig, apoy, lupa at hangin."

"Kagaya ng iyo?" Pagsingit ko at naalala kong ang kapangyarihan niya ay kabilang sa mga elementong iyon.

"Oo." Tumikhim siya ng isang beses pagkatapos sagutin ang tanong ko. "Ang sumunod ay ang Kaharian ng Tikbalang, ang Kahariang Trinio. Dito sa mundo namin ay sila ang nagsisilbing hukbo. Makapangyarihang hukbo sa lahat."

"Ang Kaharian ng mga Engkanto. Ang kahariang Silvrian kung saan tayo tumatapak ngayon. Dito sa kahariang ito ay hindi lamang engkanto makikita mo kung 'di ay halu-halong mga niallang."

"Bakit iba-iba?"

"Dahil binigyan ng sinaunang Hari ang mga nilalang ng pagkakataon na tumira dito. Dahil sa lahat ng kaharian ay dito ang sa tingin nilang ligtas. Pero may iba't-ibang tungkulin silang dapat gampanan. Ang fariya na ang tungkulin ay ang kagandahan at ang kaayusan ng mga elemento rito. Ang tikbalang na siyang nagsisilbing gwardiya o hukbo. At ang duwende na minsan mamamayan, ngunit ang iilan ay alipin dahil sila ang pinakamahina sa lahat." Tumango-tango ako nang maintindihan ko ng paunti-unti ang lahat.

"Fira." Kapwa kaming lumingon sa likod namin nang may tumawag kay Fira. Napatingala naman ako sa tikbalang na ngayon ay nasa harap namin. Totoo nga ang sabi-sabi nila na ang kalahati nito ay tao at ang kalahati naman ay kabayo.

"Bakit Binio?"

"Ipinapasabi ni Prinsipe Gavino na dumalo ka sa mangyayaring pagpupulong mamaya." Isang tango lamang ang isinagot sa kanya ni Fira. Ibinagsak naman ni Binio ang kanyang hawak na sibat ng isang beses sa lupa bago umalis sa harap namin.

"Si Binio. Isa sa mga kawal ng kaharian."

Tiningnan ko siya. "Fira. Paano yung mga nati-" Bago ko pa masabi ang nais kong sabihin ay tinakpan na niya ang bibig ko gamit ang kanyang kamay.

"Umalis tayo dito." Bulong niya sabay hatak sa akin. Hindi ko alam kung saan kami pumunta, basta tumigil lang siya sa lugar na walang kahit sino at kaming dalawa lang. Nagpunas ako sa noo ko nang may tumulong pawis dito.

Pinagpapawisan ako sa ginawa naming pagtakbo, idagdag pa ang kahabaan ng suot ko na kailangan ko pang itaas para lang hindi matapakan.

"Hindi naman na siguro tayo tatakbo ulit, 'no?"

"Depende," sagot niya saka tinungo ang daan papuntang kagubatan. Napabalikwas naman ako saka siya sinundan. "Paano ang iba pang kaharian?" Tumigil siya sa paglalakad at ako rin.

Humarap siya sa akin. "Ang kaharian ng mga bampira, aswang ay hindi ko na ipapaalam pa. Basta't ang lagi mong tandaan ay umiwas ka sa kanila 'pag may mangyaring engkwentro. Sila ang mga mapanganib na nilalang sa mundong ito. Handa silang maghasik ng kasamaan kung gugustuhin nila." Napalunok naman ako saka tumango.

May nakalimutan pa siya. "Paano yung kaharian ng sirena? At yung Kaharian sa gitna ng mga ulap?" Namayani ang pagiging mausisa ko kaya ganito na lamang ako kung magtanong.

Umiwas siya ng tingin sa akin at itinuloy na ang paglalakad. "Sumunod ka." Kahit hindi pa niya sabihin ay susunod ako.

Naglakad lang kami nang naglakad hanggang sa makarating kami sa gitna ng kagubatan. Naglalakihang mga puno at mga damo. Napayakap na lang ako sa sarili nang umihip ng malakas ang hangin papunta sa direksiyon namin.

"Bakit tayo huminto?" Tiningnan ko siya pero pansin kong malayo-layo na siya sa pwesto ko habang nakatalikod sa akin. Hindi niya sinagot ang tanong ko't may kung anong ritwal na ginagawa.

Pumunta naman ako sa gilid para panoorin siya. Nakapikit siya ngayon habang nakalahad ang kanyang kamay sa harap niya. Ginalaw na niya ang kanyang kamay at tila sumasayaw ito na may sinusunod na ritmo ng musika saka patuloy na bumulong sa hangin. Agad namang lumakas pa ang ihip ng hangin at kusa akong humakbang palayo sa kanya ng kaunti nang maramdaman na papunta sa kanya ang naglalakasang ihip ng hangin.

Ilang sandali pa ay parang may nabubuong maliliit na ipo-ipo sa harap niya na nanatiling umiikot. Hindi ko napigilang mamangha sa nagawa niya lalo na't unti-unting naghahati ang ipo-ipo at ngayon ay pinapalibutan na kami. Sa isang kumpas ng kanyang kamay ay biglang naglaho ang ipo-ipo, subalit ay may lumitaw na buhangin sa paligid namin. Pagkatapos non ay parang huminto ang paligid namin, pati ang pagbagsak ng buhangin at tanging kaming dalawa lang ang gumagalaw.

Napabalik ang tingin ko sa kanya pero hindi pa rin niya ako kinakausap. Akala ko ay tapos na ang ginagawa niya, 'yun nga lang ay may sunod pa siyang ginawa. Itinatapat niya ang kanyang kamay sa harapan niya at ilang saglit pa ay nakaramdam ako ng init. Hindi ko tuloy napigilang hindi na lumayo nang tuluyan sa kanya dahil mahapdi ang init kapag malapit ako.

"Lumayo ka muna," aniya. Nagbigla ako nang masaksihan ang pag-ilaw ng pula ng kanyang mga mata nang tapunan niya ako ng tingin. Napalunok ako sa isang ala-alang sumagi sa isip ko sa mga matang iyon.

Pinailig ko na lang ang ulo ko saka siya pinanonood. Umatras siya ng isang hakbang at kasabay non ay ang pag hiwalay ng apoy sa kanyang mga kamay patungo sa kanyang harapan. Napatakip naman ako sa mukha ko nang may nangyaring maliit na pagsabog na parang may natamaan siyang isang bagay, kahit na ang totoo ay puro tumigil na buhangin lang ang nasa harap niya.

"Whoa." Hindi ko na naman mapigilang hindi mamangha nang may lumitaw na isang kulay apoy na pinto na siyang pinanggalingan ng maliit na pagsabog. Natulala ako sa mga nasaksiahn ng mga mata ko. May pinalabas siyang pinto. May pinto roon.

"Pumasok na tayo." Natauhan lang ako nang magsalita si Fira na ngayon ay papunta na sa pinto. Dinampi niya lang ang kanyang kaliwang kamay sa pinto at umilaw ang palad niya saglit bago dahan-dahang bumukas ang pinto. Pakiramdam ko ay pinipigilan ko na ang hininga ko sa bawat hindi pangkaraniwang bagay na nakikita.


Taken By An EngkantoWhere stories live. Discover now