26

50 0 1
                                    

Adira's POV:

"Ano 'yan? Anong gagawin mo riyan, Gene?"

"Disenyo. Idadagdag ko sa ating koleksyon. Kay tingkad ng plorera!"

"Ah, pwede ko ba 'yan lagyan ng aking mga bulaklak? Pangako, lalo iyang gaganda!" Hagikhik ng babae sa gilid ko. Tinangka niyang kuhanin sa kamay ng kanyang kapatid ang binili nito pero mabilis iyong nailayo ni Gene.

"Bumili ka nga ng sa 'yo. Kanina ka pa palibot-libot at marami na rin ang nabili mo ngunit nang-aagaw ka pa rin ng hindi sa 'yo."

"Damot!" Bumuntong-hininga na lamang ako.

"Ikaw, Adira? May binili ka ba ulit doon kanina sa matandang fariya? Ang ganda nitong istatwa na iyong napili! Babalikan ko siya sa susunod upang bumili rin." Nahigit ko ang hininga ko. Sinulyapan ko ang istatwang hawak ni Gevne. Kanina pa niya ito pinagmamasdan na parang manghang-mangha siya rito.

"W-wala. May tiningnan lang ako, pero hindi ko rin binili." Napayukom ang aking kamao dahil sa pagsisinungaling.

Hindi totoo iyon. Binili ko ang Shuyie kahit na mayroon na ako non, na bigay ng prinsipe. Itinago ko lamang ito sa aking damit. Hindi ko alam kung anong nag udyok sa akin na gawin iyon, ngunit ang kaalaman na natanggap ko sa matandang tindera ang naging senyales ko para bumili.

Naisip kong pwede ko siyang gamitin para itago ang butong natanggap ko mula sa hindi ko kilala.

"Saan tayo sunod?"

"Ay, pupunta tayo sa bukirin. Hinahanap ka ng prinsipe, Adira," aniya sa kakaibang tono.

Tumagilid naman ang ulo ko dahil doon. Bakit ako hinahanap ng prinsipe? Tumagal ang tanong na iyon sa aking isipan hanggang sa inanunsyo niyang malapit na kami sa lugar na tinutukoy niya.

Sa proseso ng paggalaw ng aming kabayo ay nahagip ng mata ko ang dalawang pigura sa isang banda ng maaliwalas na bukirin, sila'y may kalayuan mula sa aming dinadaanan.

Ang dalawang fariya, isang lila at isang puti. Hindi ko makita nang maayos ang kanilang ginagawa. Pero mukhang may binibigay ang puting fariya sa kanyang kasama. Sumabay ang hangin na siyang nagpapasayaw ng dilaw na damo sa munting pagaspas ng pakpak ng Lilang fariya.

"Gevne, tingnan mo, o." Sinundan ni Gevne ang tinuro ko. Pati si Gene ay nalipat na rin ang atensyon doon.

Itinaas ni Gevne ang kanyang mga kamay at dinikit sa kanyang noo, linapit niya kaunti ang kanyang mukha na tila ba pinipilit na silipin ang nangyayari sa gawing iyon.

"Hm... aha! Isang alok ng pag-iisang dibdib!" Nagitla ako roon. "Nakita ko iyong sentiya sa kamay ng fariya. Hala! Ang saya! May handaan na namang magaganap!" Marami pang sinambit si Gevne na hindi ko na naintindihan pa. Tumatak na sa akin ang salitang binitawan niya.

Sentiya.

"Sentiya...?" maang kong tanong. Inaakyatan na ako ng kaba sa pagkakataong ito. Gusto kong marinig pa ang ibang detalye tungkol sa butong iyon.

Nagkatinginan ang magkapatid. "Ahm..."

"Sentiya, ano. Isa iyong buto, Adira. Karaniwan itong binibigay ng mga lalaki sa kanilang kapareha bilang simbolo ng pangakong panghabang-buhay." Tama si Tianaris.

"At ito'y mamumunga lamang sa oras ng seremonya ng pag-iisa," dagdag ni Gene. Tumango-tango ako.

"Hindi lamang ito isang simbolo ng pangako. Ang Sentiya ay isang mahiwagang buto na kayang magbigay ng isang kahilingan. Ngunit, may mga eksepsyon ito katulad na lamang ng pagbabawal na humiling na buhayin ang namahinga na, o kaya'y paibigin ang isang nilalang. Sa oras na lumabag ka ay matinding kaparusahan ang maghihintay sa iyo. Ang masaklap pa ay maipapatapon ko sa Priola o Mi—"

Bago pa man matapos ni Gevne ang kanyang sasabihin ay mabagsik na humarang sa harap namin ang kabayo ni Gene. Mabuti na lang at napigilan kaagad ni Gevne ang aming kabayo at mabilis itong napahinahon, kung hindi ay mahuhulog kaming dalawa. "Tama na, Gevne. Marami ka nang nasasabi."

Umupo ng tuwid si Gevne sa likod ko. "Ay, patawad. Patawad. Pero ayun nga. Ayun lang." Tumawa siya na tila nahihiya. Nang sulyapan ko si Gene ay tipid na ngiti lang ang sinagot nito sa akin. Humingi rin ito ng tawad sa kanyang ginawa. Hindi na ako nagtanong pa't pakiramdam ko ay iyon lang ang gusto nilang ibahagi sa akin.

Pagkarating namin sa may gitnang bukirin ay iilang nilalang na ang tumambad sa amin. Ang iba rito ay namumukhaan ko pa mula sa naging kainan kaninang umaga. Naroon lamang sila at nag-uusap. Ang iba naman ay nakatunghay sa langit, ang iba'y naka-upo sa damo. Habang ang iba'y may hawak na kakaibang mga bagay sa kanilang kamay.

"Prinsipe Gavino!" Tumigil ang kabayo namin sa harap ng prinsipe. Unang bumaba si Gevne, at sumunod ako na siyang tinulungan niya.

Napunta ang atensyon ko sa hawak ng prinsipe na siyang kasulukuyan niyang pinaglalaruan. Isang malaking kulay puting balahibo ng ibon. Parang kuminang ang mga mata ko, lalo na't iniisip ko na kung gaano ito kalambot.

"Nais mong hawakan, aking Adira?" Linahad niya ang hawak na balahibo sa harap ko. Nakagat ko ang aking ibabang labi at maingat na kinuha iyon.

"Salamat!"

Malambot at marupok, parang mapuputol ang gulugod ng balahibo sa sandaling itupi ko ito. Gayunpaman, nang subukan ko iyon ay nababaluktot lamang siya. Isa pa, mahigit pa sa triple ang kanyang laki kaya pwede siyang gawing bandana at ipaikot sa leeg ko. 'Yon lang ay sa tingin ko'y makikiliti ako kapag ginawa iyon.

"Saan pala ito galing, prinsipe?"

"Mula sa Pirtio, aking Adira." Natigilan ako sa paghimas dito. Naalala kong nabanggit ni Fira ang pangalan na iyon nang dumating kami rito.

Nanlaki ang mga mata ko sa napagtanto. "'Yung higanteng ibon?!" Nagimbal ako sa kaisipang kinuha nila ito mula sa Pirtio. Ang balahibo nila ay para ring sa mga tao, masakit kapag hinila na lang basta.

Batay sa nakikita ko, halos lahat sila ay may hawak na balahibo. Naawa ako para sa mga ibong walang malay na tatanggalan sila nito at kailangang tiisin ang sakit na natamo mula roon. Wala naman silang ginagawang masama pero kailangan nilang pagdaan iyon, para lang matupad ang pangsariling kasiyahan ng mga nilalang na ito.

"Aking Adira? May problema ba? Masama ang tingin mo sa akin." Natauhan ako. Hindi ko na namalayan ang paraan ng pagtitig ko.

Bumaba ang mga mata niya sa hawak kong balahibo. Nang tiningnan ko ito ay hindi ko na namalayan ang higpit ng pagkakahawak ko. Bumuntong-hininga siya. "Huwag kang mag-alala. Ang iyong hawak na balahibo at ibang naririto ay mula sa mga nalagas nang balahibo ng mga Pirtio. Ito'y pine-preserba sapagkat ito ang nagsisilbing tali ng mga fariya upang mapaamo ang mga nilalang na iyon, at kanilang magamit sa himpapawid." Paisa-isa kong prinoseso ang sinabi niya.

"Ah... ganon ba." Bumalik ulit ang atensyon ko sa hawak na balahibo at hinaplos iyon. "Bakit pala kayo may ganito?"

"Dahil lilipad ako sa himpapawid." Napatunghay ako roon. Nagtama ang aming mga mata. "Maaari mo ba akong samahan sa aking munting paglalakbay, aking Adira?" Linahad niya sa harap ko ang kanyang kanang kamay.

May dumaan na pagdadalawang-isip sa loob ko. "Prinsipe... takot ako sa mataas na lugar. Nakakatakot—"

"Hindi kita bibitawan, aking Adira." Napatikom ang bibig ko. Hinuli niya ang aking kamay at hinalikan ang likod nito. Mabilis lang iyon ngunit naramdaman ko ang init na dala ng kanyang labi. "Sinambit ko na ito noon, ngunit sasambitin ko muli ngayon. Hindi kita bibitawan, Adira. Kaya't sana ay magtiwala ka. Hayaan mo akong alalayan ka." Parang nangungusap ang kanyang mga salita. Malambot ang kanyang titig at tila sinusuyo akong pumayag sa kanyang hiling.

At bilang isang nilalang na walang kumpletong kontrol sa kanyang katawan, natagpuan ko na lamang ang aking sariling sumasang-ayon sa kanya.

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Genre: Fantasy/ Adventure

Taken By An EngkantoWhere stories live. Discover now