Fira's POV:
"Walang makaka-alam, Inang." Binaba ni Inang ang libro sa harap ko saka umupo sa katabing upuan. Hinaplos niya ito bago ako gawaran ng tingin.
"Ano ang kasigaraduhan mo sa iyong binigkas, Fira?" Huminga ako nang malalim. Kinuha ko ang librong hina-haplos niya at nilapit sa harap ko. Sinubukan kong buksan ito ngunit katulad ng dati ay tila tinutulak ako ng hanging lumalabas sa pahina. Sinirado ko na lang ulit at tiningnan ang makapal nitong balot.
"Nagtitiwala ang librong ito sa kanya." Hindi ko mabubuksan nang ganoon kadali ang libro kung wala siya sa tabi ko. Noon pa man ay nais ko na itong buksan upang malaman ang nilalaman. Kahit na may iilang bagay na naike-kwento si Inang sa akin tungkol sa mundo na aming ginagalawan ay hindi pa rin ito sapat at tanging limitado lang, kaya noon pa man ay nais ko nang buksan ang libro, subalit hindi ko magagawa sa kadahilanang hindi nagtitiwala sa akin ang libro.
Bukod sa unang nilalang na nagsabi sa akin ng iilang impormasyong nakasulat sa libro ay tanging si Adira lamang ang pinahintulutan nitong magbasa ng historya. Hindi ako ang nagpalit ng mga simbolo kung hindi mismo ang libro. Hindi ko lamang nais na matakot lalo si Adira kaya sinabi ko iyon. Ngunit ang lahat ng iyon ay kagagawan talaga niya, ang libro ang nagtuturo ng dapat niyang babasahin.
Sa pamamagitan ni Adira ay nalaman ko na rin ang laman ng libro. Sapat na iyon para pagkatiwalaan ko rin ang ordinaryong tao na iyon. "Maaari," malumanay na aniya.
Tumango lang ako ngunit hinarang ko ang palad sa mga mata ko nang may silaw na tumapat sa akin. Pumikit ako sandali, kahit na nakapikit ay naaninag ko pa rin ang silaw. Sa sandaling dumilat ako ay roon lang nawala ang liwanag.
Naka-upo na siya sa harap namin. "Bantayan mo siya, Fira." Tumango ako sa kanya at hinarap si Inang sa tabi ko. Hinawakan niya ang aking balikat at ginawaran ako ng isang maliit na ngiti. "Kaya mo 'yan, anak."
"Masusunod." Tumayo na ako at bahagyang yumuko sa babaeng naka-upo sa harap namin.
"May dahilan kung bakit siya naparito muli. Ang dahilang iyon ay hindi pa mawari ngunit alamin mo ang lahat ng mga kilos ng nasa paligid niya."
"Gawin mo ito para sa lahat ng nawalan at lahat ng nasaktan. Ikaw ang hustisya."
"Masusunod." Pumikit ako nang mariin at nang sandaling idinilat ko ang aking mga mata ay naramdaman ko ang malakas na presensiyang humahaplos sa mga balat ko patungo sa aking loob. Uminit ang aking mga mata't ilang sandali pa'y dumaan na ang tanda ng pagliwanag nito. "Ako ang kanyang magsisilbing anino, pangako."
"Mag-iingat ka Fira. Mag-iingat ka, anak."
"Ayos ka lang ba?" Bumalik sa kasulukyan nang marinig ang boses niya. Wari'y hindi siya mapakali mula sa pagkaka-upo. "Prinsesa, maaari bang tumuwid ka ng pagkaka-upo," mahinang suway ko nang mag-iba na naman siya ng direksiyon.
"Pasensiya na, Fira. Hindi ako sanay na umupo sa mga karwahe." Karwahe? Hindi pamilyar sa akin ang salitang tinawag niya sa aming sasakyang panglupa na siyang ginagamit namin kung wala ang mga Pirtio. Ang Pirtio ay isang uri ng ibon na mas malaki pa sa katulad naming mga nilalang. Ginagamit ito kapag kami ay dadaan sa himpapawid.
Ngunit ngayon ay kasama ko si Adira sa loob ng tinatawag niyang karwahe, ako na tahimik na naka-upo sa gilid na parte habang siya sa harap ko na talagang hindi mapakali.
Naririnig ko pa ang mga kabayo sa labas. Mga puting kabayo na siyang nagdadala ng sasakyan namin. Puti dahil sinisimbolo nito ang kapayapaan, ibig sabihin ay hindi kami napaparito para sa isang digmaan kung 'di purong kapayapaan lamang.
Kahit na hindi naman puti ang mga kasama naming Tikbalang. Tikbalang ang narinig ko kay Gevne noong lumalabas siya rito at pumupunta sa mundo ng mga tao noon. Halos araw-araw ay naririnig ko ang boses niya malapit sa punong pinagpapahingaan ko kaya't hindi ko maiwasang makinig sa kanyang mga kwento.
YOU ARE READING
Taken By An Engkanto
FantasyFor Adira Morales, everything seems common in each day passing by, not until something improbable happened. With that, she saw him, and was taken by him. She was taken by an Engkanto.