Kabanata 11
Aking hawak sa aking kanang kamay ang bayong na naglalaman ng mga gulay. Alas-sais pa lang ng umaga ay narito na kami ni Manang Lita sa pamilihan upang bilhin lahat ng pangangailangan sa mansyon.
Matapos nang naganap kahapon ay naging normal pa rin ang pakikitungo namin sa isa't isa. Napapansin ko lang na hindi ako binabalingan ng tingin ni Rosa, si Manang Linda na lamang ang lumapit sa'kin at humingi ng dispensa sa nangyari.
"Kaya mo pa bang buhatin ang bayong Eliana?" tanong sa akin ni Manang Lita. Napangiti ako nang kaunti "Huwag po kayong mag-alala kaya ko pa ho" sambit ko. Nakita sa mukha ni Manang Lita na hindi siya kumbinsido sa kung ano ang aking sinabi.
"Mga karne na lamang ang bibilhin. Pasensiya Eliana batid ko'y ikaw ay nabibigatan na sa ating pinamili," paghingi niya ng paumanhin Napangiti ako "Wala ho kayong dapat ipangamba Manang Lita ayos lamang po ako" sambit ko habang itinaas pa ang bayong na aking dala. Napangiti si Manang Lita at napailing-iling na lamang.
"Hintayin mo na lamang ako rito at ako na ang bibili ng karne," saad niya at ngumiti bago umalis. Sandali kong ibinababa ang dala kong bayong at minasahe nang kaunti ang aking mga daliri at palad dahil sa pangangalay.
Napatigil ako sa pagmamasahe ng aking kamay nang masilayan ko ang pamilyar na likuran ni Ginoong Samuel. Abala siyang nakikipag-usap sa mga nagtitinda at tinutulungan niya rin itong buhatin ang mga paninda.
Sandali kong naalala ang tagpo namin sa kumbento. Lalo nang inalok niya akong maging kaibigan niya. Napabalik ako sa ulirat nang tinawag ako ni Manang Lita dahilan para makita ko ring lumingon sa aking kinalalagyan si Ginoong Samuel.
Pasimple ko siyang binalingan ng tingin at hindi nga ako nagkakamali sapagkat nakangiti na siya habang nakatingin sa akin. Napabalik ang tingin ko kay Manang Lita nang inabot niya sa'kin ang isda at karne. Agad ko itong kinuha at inayos sa dala kong bayong.
"Ginoong Samuel magandang umaga," halos mabitawan ko pa ang karne sa bayong nang marinig ko ang pagbati ni Manang Lita. Naramdaman kong huminto malapit sa'min si Ginoong Samuel.
"Magandang araw din ho, Manang Lita. Mukhang maaga ho kayong nagtungo rito sa pamilihan," saad niya. Napaayos ako ng tayo nang malagay ko na sa bayong ang karne at isda.
"Oho, Ginoo sinamantala namin ni Eliana ang pamimili ng maaga para hindi kami mahirapan at hindi gaanong matao," saad naman ni Manang Lita.
Napangiti si Ginoong Samuel bago napatingin sa'kin at napangiti. Hindi ko alam kung bakit niya ako nginingitian na para bang magkalapit na magkalapit na kami.
"Magandang umaga rin sa iyo Binibining Eliana," bati niya sa'kin. Ngunit umiwas lamang ako ng tingin at piniling hindi tumugon sa kaniya. Naguguluhan ako sa kung bakit ganito ang pakikitungo sa'kin ni Ginoong Samuel.
Napatingin ako kay Manang Lita nang bahagya niyang sinagi ang aking siko. "Bakit hindi ka man lang tumugon sa pagbati sa iyo ni Ginoong Samuel," bulong niya.
Napahinga ako nang malalim bago ulit napatingin kay Ginoong Samuel at ngumiti nang pilit. "Magandang araw din Ginoo," wika ko at mabilis din na umiwas ng tingin.
Nakita kong napangisi siya bago binalik ang tingin kay Manang Lita. "Tapos na ho ba kayong mamili Manang Lita?" Tanong niya. Napailing si Manang Lita "Hindi pa Ginoo, ngunit kaunti na lamang ito at matatapos na rin kami sa pamimili," tugon niya.
"Ganon ho ba, kung inyong mamarapatin ay samahan ko na ho kayo—"
"Huwag na ho Ginoong Samuel, hindi na ho kailangan," putol ko sa kaniya at ngumiti nang tipid. Napatango rin si Manang Lita "Sang-ayon ako kay Eliana Ginoo, hindi na kailangan maraming salamat sa iyong kabutihan," saad ni Manang Lita at ngumiti nang matamis kay Ginoong Samuel.
BINABASA MO ANG
Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)
Fiksi Sejarah"Isang araw nagising na lamang ako na wala kana sa aking tabi at ang liham ng iyong pamamaalam ang aking nasaksihan na aking kakampi" Isang huwarang tagapag-silbi sa mansyon ng mga Villaflores si Eliana Salazar siya ang nagsisilbing kanang kamay ng...