Kabanata 28
Naalimpungatan ako dahil sa isang malamig na bagay na dumampi sa aking pisngi. Kasabay non ang walang humpay na tunog ng mga nagbabagsakang bakal. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at kadiliman ang bumungad sa akin.
Sumasakit ang aking ulo ngunit pinilit kong bumangon. Umupo ako habang nakasandal ang aking likod sa dingding. Pinagmasdan ko ang buong kapaligiran, hindi ko batid kung saan ako naroroon. Kadiliman lamang ang aking nakikita.
Dahan-dahan akong napatayo at sumilip sa isang maliit na bintana. Malalim na ang gabi at maliwanag ang bilugang hugis ng buwan. Pinagmasdan ko muli kung saan ako naroroon.
Napaupo ako na para bang nawalan ng pag-asa nangingilid ang aking luha habang yakap-yakap ang aking sarili. Ang huling naalala ko ay aking kasama si Marcelo sa pamilihan at bigla na lamang nandilim ang aking isipan at tuluyan na akong nawalan ng malay.
Idinukdok ko ang aking mukha sa aking tuhod, hindi ako makapaniwala sa aking sarili na nagawa akong linlangin ni Marcelo. Pinagkatiwalaan ko sita ng lubos ngunit hindi ko batid na ganito ang isusukli nito sa akin isang kataksilan.
Bumuhos ang mga luha ko at hindi ko na malaman ang aking gagawin, nawawalan na ako ng pag-asa hindi ko alam kung nasaan ako.
Napaangat ako ng aking ulo nang makarinig ako ng kaluskos. Agad akong tumayo at hinanap ang pintuan ng silid kahit pa ako'y nangangapa sa dilim. "Pakiusap! Pakawalan ninyo ako....pakiusap!" sigaw ko habang patuloy ang pag-agos ng aking luha.
"Pakiusap ako'y palabasin niyo rito... Nakikiusap ako sa inyo," sigaw ko muli sa gitna ng aking mga hikbi. Ilang sandali pa'y unti-unti ko nang nakakapa ang pinto ng silid.
Malakas ko itong kinatok at pinaghahampas ng aking kamay. "Nakikiusap ako sa inyo. Pakawalan ninyo ako!" nagsusumamo kong sigaw habang walang tigil ang paghampas ko sa pinto. Tila namamanhid na ang aking kamay sa patuloy na paghampas ko sa pinto, hindi ko na nararamdaman ang sakit na tinatamo ko mula roon.
"Pakiusap," pagmamakaawa kong tinig habang patuloy ang pagragasa ng aking mga luha. Unti-unti na lamang akong napasandal sa likod ng pintuan at dahan-dahan muli akong napaupo.
Hindi ko mapigilang tanungin ang aking sarili kung bakit nararanasan ko ang ganitong kapait na pangyayari. Pakiramdam ko ako ang nagbabayad ng mga kasalanan hindi ko ginawa.
Inangat ko ang aking ulo at ipinikit ang aking mga mata sa ngayon isa lamang ang taong mahihingan ko ng tulong sa tuwing ako'y nalulumbay ang Poong Maykapal. Pikit mata akong nanalangin na sana'y matugon niya ang aking kahilingan. Wala na ako ibang paraan na maisip kundi Siya.
Ilang sandali pa'y napamulat ako ng aking mata nang makarinig ako ng kaluskos sa pintong aking sinasandalan. Napatayo ako nang mabilisan at humarap sa pinto.
Bumukas ang pinto at pumasok mula roon ang isang lalaking nakakamiso at lagpas tuhod ang kaniyang pang-ibaba, nakasuot siya ng sobrerong buri.
Bitbit nito ang isang lampara sa kaniyang kamay. Inangat niya ang kaniyang mukha at ibinababa ang sobrerong buri na kaniyang suot. Halos manlaki ang aking mga mata nang makilala ko siya.
"M-mang Senyo?" mahina kong sambit habang hindi mapigilan ang pagpatak ng aking luha dahil sa takot at kaba. Tumaas ang dalawang sulok ng labi niya at lumapit ng kaunti sa akin. Agad akong humakbang paatras sa kaniya.
"Gising na pala ang aming prinsesa...tila ikaw ay nagulat sa aking presensiya Hija. Kumusta ang iyong pamamahinga?.. nakatulog ka ba nang mahimbing?" saad niya habang ipinasok sa kaniyang bibig ang isang tabako na may sindi.
BINABASA MO ANG
Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)
Historical Fiction"Isang araw nagising na lamang ako na wala kana sa aking tabi at ang liham ng iyong pamamaalam ang aking nasaksihan na aking kakampi" Isang huwarang tagapag-silbi sa mansyon ng mga Villaflores si Eliana Salazar siya ang nagsisilbing kanang kamay ng...