Kabanata 17
"Kailangan nating mag-usap Eliana," wika niya dahilan para mapatingin ako sa kaniya.
"Wala naman ho tayong dapat pag-usapan kaya aalis na lang ho ako," wika ko at akmang aalis ulit nang pigilan niya ako.
"Marcelo sa tabing-ilog," saad niya kay Marcelo na agad niyang sinunod. "Ginoong Samuel batid niyo ho bang kapangahasan ang ginagawa niyo?" saad ko habang nakatingin sa harapan.
Sobrang bilis din ng tibok ng puso ko na tila ba gusto niya ng kumawala sa dibdib ko. Mas lalo akong hindi makatingin kay Ginoong Samuel dahil halos katabi ko siya at ang kaniyang kamay ay patuloy pa ring nakahawak sa aking palapulsuhan.
"Batid ko, ngunit ito ang nakikita kong paraan upang makausap ka nang masinsinan," wika niya dahilan para mapatingin ako sa kaniya.
"Hindi ho kita maintindihan," halos napapaos kong saad sa kaniya. Napatingin siya sa'kin bago ulit iniwas ang kaniyang tingin. "Mamaya ay iyo rin akong maintindihan," bulong niya sapat lamang upang marinig ko.
Kahit parang dinadaga ang aking dibdib ay sa huli pinili kong manahimik at hindi na siya kinausap. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, may halong pananabik at kaba akong nararamdaman dahil sa kaniyang mga sinasabi.
Napatingin ako sa kamay niyang patuloy pa ring nakahawak sa aking palapulsuhan. Kahit na pilit ko iyong inaalis sa kaniya kanina ay ayaw niya itong bitawan.
Makalipas ang ilang minuto at nakarating na rin kami sa tabing-ilog ang pinuntahan namin dati kasama si Binibini Solana.
"Ginoong Samuel, bakit ho ba tayo narito?" tanong ko sa kaniya. Ngunit hindi siya tumugon kundi patuloy lamang siya sa paglalakad habang hawak-hawak ang kamay ko palapit sa ilog.
Kanina pa ako naguguluhan sa kaniya gayong hindi naman niya sinasabi sa'kin kung ano ba ang ginagawa namin dito.
Napahinto siya nang malapit na kami sa ilog. Binatawan niya na ang aking kamay habang diretso pa rin ang tingin niya sa harapan. Nahihiwagaan ako kung bakit ganito sa'kin si Ginoong Samuel, tila mas nais ko pang iniiwasan niya ako kaysa ganito.
"Ginoong Samuel ano ho ba ang nais niyo—"
"Eliana hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa," wika niya at tumingin sa'kin, naglakad siya papunta sa harapan ko at halos dalawang hakbang na lang ang layo niya sa'kin.
"Marahil ay hindi ko na hihintayin pa na mabasa mo ang liham ko. Napag-isip-isip ko na mas makabubuti kung sabihin ko na lamang sa iyo ito nang personal," wika niya at mas tumitig sa mga mata ko.
Nakatitig na lamang din ako sa kaniya at hindi ko na mapigilan pa ang sobrang lakas ng pintig ng puso ko. "Kung iyong naalala ang minsang binanggit ko sa iyo na mayroon na akong napupusuan," patuloy niya at humakbang ulit ng isang beses sa'kin.
Hindi ko na malaman ang aking gagawin lalo na nang mas lumapit siya sa'kin. Basang-basa ko ang mga kakaibang titig niya, at ang dibdib ko na hindi ko na kayang pigilan pa.
"Ang totoo'y ikaw ang aking napupusuan, Eliana," wika niya dahilan para mas matulala ako sa kaniya.
"Naiibigan kita Eliana," patuloy niya habang nakatitig sa mga mata ko. Sa panahon na iyon ay unti-unting bumagal ang tibok ng puso ko at pakiramdam ko panandaliang tumigil lahat ng nasa paligid ko.
Pilit kong pinoproseso sa isipan ko ang mga binanggit niya sa'kin, hindi ako makapaniwala na naiibigan ako ni Ginoong Samuel.
Napatingin ako sa kamay niya nang hawakan niya ito nang mahigpit. "Hindi ko hinihiling na tugunin mo ang aking sinambit sapagkat hindi iyon tanong upang tumugon ka at hintayin ko ang iyong tugon," wika niya at muli akong napatingin sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)
Historical Fiction"Isang araw nagising na lamang ako na wala kana sa aking tabi at ang liham ng iyong pamamaalam ang aking nasaksihan na aking kakampi" Isang huwarang tagapag-silbi sa mansyon ng mga Villaflores si Eliana Salazar siya ang nagsisilbing kanang kamay ng...