Kabanata 3
"Ano ang nangyayari sa iyo Eliana? Tila nagmamadali ka?" tanong sa'kin ni Binibining Miranda habang nagtatakang nakatingin sa'kin.
Napangiti ako nang tipid bago tumugon sa kaniya. "Sa katunayan ay hinahanap kita Binibini, sa pag-aakalang malayo ka na sa'kin." sagot ko bago ngumiti muli nang tipid sa kaniya.
Napatawa siya nang mahinhin. "Hindi naman ako mawawala kung iyan ang iyong inaakala Eliana. Kabisado ko naman ang lugar na ito." paliwanag niya bago muling naglakad at namitas ng mga rosas.
"At isa pa huwag kang gaanong nag-aalala sa'king kalagayan. Kaya ko rin naman ang aking sarili." patuloy niya bago napangiti at napatingin sa'kin.
Napangiti ako. "Batid ko rin naman ho ang bagay na iyan Binibini, ngunit hayaan niyo na lang din na pagsilbihan kita dahil ito ang gampanin ko bilang iyong personal na soltera." wika ko habang patuloy siyang sinusundan sa paglalakad.
Napaharap siya sa'kin at napangiti. Mas lalong nagiging maamo ang kaniyang mukha sa tuwing ngumingiti siya. "Kung tutuusin ay hindi isang soltera ang tingin ko sa iyo Eliana, tinuturing kita bilang aking kaibigan." wika niya habang hindi nawawala ang kaniyang ngiti.
Napangiti ako at napatango. "O siya, sa tingin ko'y marami-rami na rin ang ating mga nakuha na rosas halina't humayo na tayo." saad niya at sinabayan siya sa paglalakad patungo sa kalesa.
May kalapitan na kami sa kalesa nang biglang napahinto si Binibining Miranda at deretsyong napatingin sa kaniyang kaliwang bahagi.
"Bakit Binibini?" tanong ko.
"Sino ang Ginoong kausap ni Mang Antonio?" bulong niya habang patuloy pa ring diretso ang kaniyang tingin. Napabaling ako ng tingin sa kaniyang tinitignan at napakagat ako sa aking labi nang makilala ko kung sino iyon.
Si Ginoong Samuel, nakatagilid ito sa'min habang nakikipag-usap kay Mang Antonio. Kitang-kita ko pa kung paano rin tumaas ang dalawang sulok ng kaniyang labi. Nagbalik-tanaw rin sa'king isipan ang kaninang nasilayan ko siya nang harapan.
Napatikhim ako bago sumagot. "K-kung hindi ho ako nagkakamali Binibini, ay siya po ang pangalawang anak ng Mayor." tugon ko dahilan upang mapalingon sa'kin si Binibining Miranda. At napasingkit ang kaniyang mga mata
"Ikaw ba'y nakasisiguro, Eliana?" tanong niya. Napatango ako at napangiti bago biya ibinalik ang kaniyang tingin kay Ginoong Samuel.
"Tila, nakilala ko na siya dati pa." bulong niya dahilan upang mapatingin ako sa kaniya.
SININDIHAN ko ang lamparang nakapatong sa gilid ng aking higaan bago naupo sa silyang katapat nito. Palalim na ang gabi ngunit hindi ko alam kung bakit hindi ako makatulog nang mahimbing.
Napahinga ako nang malalim bago napatingin sa aklat na binigay sa'kin ni Doña Esmeralda. Hinaplos ko ang ibabaw nito at dinama ang bawat letrang nakasulat sa pamagat nito.
Tumayo ako at kinuha ang aklat at lampara. Ilalaan ko na lamang ang aking oras sa pagbuklat ng librong ito. Lumabas ako sa aking silid at nagtungo sa asotea ng mansion.
Ipinatong ko ang lampara sa lamesa at naupo sa isang silya. Madilim na ang buong kapaligiran at tanging ang liwanag lamang ng buwan at mga bituin ang nagliliwanag.
Dahan-dahan kong binuklat ang libro at inumpisahang basahin ito. Pilit ko pa ring pinapantig at inaalala ang pagbasa na itinuro sa'kin ng kaibigan ni ina sa kumbento. Ang liwanag na dala ng lampara ang nagiging aking mata upang mabasa kung ano ang nilalaman ng bawat pahina ng libro.
BINABASA MO ANG
Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)
Historical Fiction"Isang araw nagising na lamang ako na wala kana sa aking tabi at ang liham ng iyong pamamaalam ang aking nasaksihan na aking kakampi" Isang huwarang tagapag-silbi sa mansyon ng mga Villaflores si Eliana Salazar siya ang nagsisilbing kanang kamay ng...