Kabanata 29
Unti-unti kong iminulat ang aking mata, napapikit ako ng dalawang beses dahil sa silaw na bumati sa akin. Nilibot ko ang aking paningin, maaaliwalas ang paligid at puno ng prutas at inumin ang lamesa na aking katabi. Dahan-dahan akong bumangon habang hawak-hawak ang aking ulo.
Maya-maya pa'y narinig ko ang pagbukas ng pinto at halos mangilid ang aking luha nang bumungad sa akin si Kuya Lazaro. Gulat siyang napatingin sa akin at mabilisan akong pinuntahan.
"Kumusta ang iyong pakiramdam, mayroon bang masakit sa iyo?" Nag-aalalang tanong niya, hinawakan niya ang aking ulo at marahan itong tinapik.
"Saan ka nagtungo? Halos buong araw kaming nangangamba sa iyo Eliana, hindi nagawang matulog ni ama nang mahimbing kaiisip sa iyo?" saad niya habang nakatingin sa akin.
Nanatili lamang akong nakatingin sa kaniya at hindi ko na napigilan pa ang pangingilid ng aking luha. Lumapit siya sa akin at inalo ang aking ulo upang isubsob ito sa kaniyang dibdib.
"Anong nangyari Eliana? Iyong ipagtapat sa akin ang totoong nangyari. Hindi ako naniniwala sa mga katagang sinambit ni Miranda na ikaw ay nakipagtanan kay Marcelo"
Napahiwalay ako sa kaniyang dibdib at takang tumingin sa kaniya. Nabalot ng paghihinala ang aking puso. "A-ako'y hindi nakipagtanan.." saad ko habang lumuluha ang aking mga mata. "Hindi ako nakipagtanan..Kuya Lazaro.." saad ko habang mas lalong lumalakas ang aking hagulgol.
Hindi ko makapaniwala na tinataksilan ako ni Binibining Miranda nang ganito. "Huminahon ka Eliana, batid kong hindi mo iyon magagawa. Sa ngayon kailangan kong malaman kung ano ang nangyari sa iyo at kung bakit ka napadpad dito sa Cavite?" napahinto ako at napatingin muli sa kaniya. Narito ako sa Cavite?
"Nang mga panahong sinusuyod namin ang San Ignacio ay hindi ka namin masumpungan. Kanina lamang ay may nakapagsabi sa akin na may isang binibining natagpuan ang mga madre sa kagubatan. Ang mga bawat detalye na kanilang sinambit ay nahahawig sa iyo. Kaya't agad akong nagpasiya na magtungo dito sa Cavite. At dito sa kumbentong ito kita nakita," wika niya habang nanatiling nakatingin sa akin.
Lumuluha ako dahil si kuya Lazaro lamang ang siyang naglaan ng oras para ako'y hanapin. Siya at si Marcelo lamang ang nagpahayag ng kanilang damdamin na ako'y mahalaga para sa kanila. Pilit kong isinasagi sa aking isipan kung nagawa nga rin bang nangulila at nangamba sa akin si Samuel.
Napatingin muli ako kay kuya Lazaro nang hawakan niya ang aking kamay. "Ayos lamang ba sa iyo kung ilahad mo kung ano ang nangyari sa iyo Eliana?...huwag kang mangamba ako'y iyong mapagkakatiwalaan...kailangan nilang pagbayarin kung ano man ang ginawa nila sa iyo," sinseridad na saad niya habang mariin nakatitig sa aking mga mata.
Pumatak muli ang aking luha habang sinasariwa ang mapait na aking dinanas. "N-nagising na l-lamang ako n-nasa isang madilim na akong silid....ramdam ko sa kanilang mga titig na a-ako'y nais nilang p-paslangin," saad ko habang patuloy ang pagpatak ng aking luha.
"S-si Mang S-senyo ang may kagagawan nito sa akin. S-sinambit niya na ako magiging kabayaran sa ginawang kapaslangan ni Itay.." nanatili lamang nakatingin sa akin si Ginoong Lazaro habang mariing pinipisil ang aking kamay upang maibsan ang aking takot.
"T-tinangka a-akong pagsamantalahan.m" namamaos ang aking boses habang patuloy akong nagsasalaysay. Naramdaman ko ang pagigting ng panga ni Ginoong Lazaro at paghigpit nito ng hawak sa aking kamay.
"Takot na takot ako...ang aking sarili lamang ang aking aasahan," walang humpay ang pagtulo ng aking luha at mas lalong lumalakas ang aking paghikbi.
BINABASA MO ANG
Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)
Historical Fiction"Isang araw nagising na lamang ako na wala kana sa aking tabi at ang liham ng iyong pamamaalam ang aking nasaksihan na aking kakampi" Isang huwarang tagapag-silbi sa mansyon ng mga Villaflores si Eliana Salazar siya ang nagsisilbing kanang kamay ng...