"Don't disturb. Don't ever dare try to knock."
Napatingin siya sa pintuan ng kaharap na kwarto. May umokupa na rin pala roon. Nagkibit-balikat lang siya bago nagmamadaling tumungo sa kusina bitbit ang mga gamit niya sa pagpipinta.
"Gandang umaga, Jeeanine." nakangiting bati sa kanya ng kasera niya, si Aling Susan. Hinango nito ang pritong itlog sa kawali at nilagay sa isang maliit na plato. "Gusto mong kumain?"
"Hindi na po, Aling Susan. Sa school na lang ako kakain mamayang breaktime. May kailangan pa po kasi akong tapusin."
"Ganoon ba? Ikaw ang bahala."
Lumapit siya sa ref at kinuha ang pinalamig niyang tubig kagabi. Limang kwarto ang pinapaupahan ni Aling Susan. Sa ngayon, dalawa pa lang sila ng bagong lipat ang nagrerenta roon. Maliban kasi sa may kalumaan na ang bahay ay medyo malayo pa sa gate ng Central University kung saan siya nag-aaral ng BS Arts Major in Painting. Nasa huling taon na siya sa kolehiyo. Magkakilala ang kanyang lolo at Aling Susan kaya kahit ganoon ay mas pinili niyang dito na lang mangupahan. Mag-a-apat na taon na rin siyang nangangasera kay Aling Susan.
Dito sila nakatira Ocassus ng kanyang lolo at lola rati ngunit umalis sila para ipagamot ang kanyang lolo roon sa Maynila. Mula nang umalis sila rito ay wala na silang bahay na babalikan dahil nabenta na nila iyon para magpatayo ng maliit na sari-sari store sa Maynila. Dito lang kasi sa Central University nago-offer ng kursong gusto niya kaya wala siyang ibang choice kundi ang mangupahan ng bahay. Mabait si Aling Susan. Biyuda na ito at ang dalawang anak na babae ay may sarili na ring pamilya. Hindi naman ito nahihirapan dahil may pensyon itong natatanggap tuwing katapusan dahil dati itong guro sa high school. Galing si Aling Susan sa malayong probinsya. Napadpad daw ito sa Ocassus dahil sa paghahanap sa anak nitong minamaltrato ng asawa. Nang mamatay ang anak ni Aling Susan ay mas pinili nitong bilhin ang lumang bahay na iyon bilang alala sa pumanaw nitong anak. Doon daw kasi tumira ang anak nito sa loob ng ilang taon at doon na rin ito nalagutan ng hininga.
"May bagong lipat na po pala sa kabilang kwarto?" bigla niyang naitanong. "Mukhang mataray base sa nakasulat sa signboard sa pinto niya. Take note, English." aniya pagkatapos ay tumawa.
Lumapit ito sa kanya at tinapunan ng tingin ang kwarto ng bagong lipat. "Iyan nga pala ang sasabihin ko sa'yo." Napakamot ito ng ulo. "Hindi ba at sinabi kong mga babae lang ang kukunin ko?"
"May problema po ba?" kunot ang noong tanong niya
Hinila siya nito palabas.
"Ano kasi. ang bagong lipat..." parang hirap na hirap itong sabihin sa kanya ang tungkol sa bagong lipat. "Hindi siya babae." anito sa mababang boses.
"Po? Akala ko po ba puros babae lang kami?" gulat na bulalas niya. Hindi sa nag-iinarte siya pero ayaw niyang may kasama siyang lalaki sa iisang bubong.
"Kaya nga ayaw ko sanang tanggapin kagabi nang dumating pero nagpupumilit."
"Dapat sinabi niyong maghanap na lang siya ng iba."
Muli itong sumulyap sa loob ng bahay.
"Nirentahan niya ang tatlo pang natitirang kwarto. Ayoko pa rin sanang pumayag kaso naglabas kaagad siya ng pera at handang magbayad ng doble."
"Ganoon siya kayaman?" mulagat na tanong niya. Dalawang libo ang renta bawat kwarto kaya nangangahulugan na sixteen thousand buwan-buwan ang babayaran nito. Malaking pera na iyon para sa katulad niyang abuelo at abuela lang ang sumusuporta para makapag-aral siya.
Ngumuso ito sa bandang kaliwa ng bakuran. May nakita siyang itim na kotse roon. Mayaman nga siguro dahil may sariling kotse.
"Mukha naman po bang mabait? Baka masamang tao iyon, Aling Susan."
BINABASA MO ANG
Finding Her (Completed Story)
RomanceIt is a story about two young man looking for a missing masterpiece.