Mardigo-An island. A paradise. Heaven. Ang probinsya ni Aling Susan ay isa palang maliit na isla. Wala siyang nakikitang kahit isang mataas na building. Lahat ng mga tao ay nakangiti at binabati ang isa't-isa. May mga bulaklak rin na nagkalat sa paligid at ang hangin- ang sariwa. Pakiramdam niya ay wala siyang nalalanghap na kahit anong polusyon. Feeling niya tuloy ay sobrang linis ng baga niya.
"Ang ganda!" iyon yata ang unang salita na lumabas sa bibig niya mula kagabi. Kababa lang nila sa barko at kasalukuyang naglalakad papuntang terminal ng motor. Iyon lang kasi ang pwedeng sakyan nila papuntang barangay nina Aling Susan.
"Talagang maganda ang lugar na ito, Jeeanine. Naku, kahit ilang taon akong nawala ay ganoon pa rin ang itsura nito. Sigurado akong mage-enjoy kayong dalawa rito."
Ilang metro lang ang layo ng maliit na terminal na sinasabi ni Aling Susan. Kung tutuusin ay hindi nga iyon matatawag na terminal talaga kasi mga motorsiklo lang iyon na maayos na nakaparada sa ilalim ng isang napakalaking puno ng manga.
"Jeeanine, doon ka kay Tinong sasakay." Turo nito sa binatang palagay niya ay kasing edad lang niya. "Ikaw naman Irvin ay kay Domeng." Isang pasahero lang ang pwede sa isang motor dahil kailangan pa nilang isakay ang mga bagahe nila.
Agad siyang tinulungan ni Tinong sa mga dala niya.
"Ako nga pala si Tinong. Iisang baryo lang kami ni Aling Susan at matagal na akong driver kaya huwag kang matakot sa akin." natatawa nitong sabi habang tinatali sa likurang bahagi ng motor ang mga gamit niya.
"Talaga lang ha. Malalaman natin 'yan mamaya." biro niya rito.
"Okay na ba kayong dalawa?" tanong ni Aling Susan na nakapwesto na sa likod ng driver na Ador yata ang pangalan.
"The seat is uncomfortable." reklamo ni Irvin na hindi siya sugurado pero pinadaanan ng matalim na titig si Tinong.
"Lagyan mo ng unan, Irvin. Hindi ba at may maliit kang unang na dala diyan?" Padabog na sinunod nito ang sabi ni Aling Susan. "Sumakay ka na Jeeanine."
Inalalayan siya ni Tinong kahit naka-upo na ito. Wow, napaka ginoo. Nilagyan niya rin ng unan ang upuan para hindi masakit sa puwet. Namamanhid na nga yata iyon sa kakaupo niya.
"Let's go!" excited na bulalas niya.
"Kumapit ka sa beywang ko."
"Ha?"
"Para hindi ka malaglag at hindi ako mahirapan sa pagbalanse. Baka pag nagpreno ako bigla ka na lang tumalsik."kinuha nito ang dalawang kamay niya at inilagay sa gilid ng beywang nito. "Huwag kang mag-isip ng masama. Hindi ako manyak. Talagang kailangan lang para na rin sa'yo." anito nang akmang kukunin niya ulit ang mga kamay niyang halos nakayakap na rito. Kahit hindi siya sanay ay walang magawa na sinunod na lang niya ito.
Nauna ang motor na sinasakyan ni Aling Susan. Sumunod naman sila ni Tinong. Nasa hulihan sina Irvin. Wala silang suot na helmet dahil hindi naman uso iyon doon kaya malayang nililipad ng hangin ang mahaba niyang buhok. Busog na busog ang kanyang mata sa mga nakikita niya. Iba pa rin talaga kapag probinsya na hindi pa masyadong naabot ng industriyalisasyon. May nakikita siyang nag-gagapas ng palay at nagpapakain ng mga alagang kalabaw. Para siyang napunta sa Switzerland sa sobrang ganda ng nadadaanan nila. Ang bundok ay wala ni isa mang bakas ng pagkakalbo at ang mga bahay ay karaniwang gawa sa kawayan at ang bubong naman ay pawid. Meron din naman iba na gawa sa bato.
"Ang ganda di'ba?"
"Ano?" hindi niya kasi ito marinig dahil sa malakas na hangin kaya inilapit niya ang tenga sa gilid ng mukha nito.
BINABASA MO ANG
Finding Her (Completed Story)
RomanceIt is a story about two young man looking for a missing masterpiece.