CHAPTER 41: Move
KAMPANTE si Andy na magiging maayos din ang lahat. Pagkatapos niyang malaman ang totoong nangyari kay Demi, kinausap niya ang mga taong maaaring makatulong sa kanila para sa susunod na dapat gawin. Pero dahil sa darating na Lunes pa magbubukas muli ang Double A, limitado pa ang maaari nilang magawa. Kaya sa ngayon, bago pa matapos ang bakasyon, si Alannah at ang relasyon na muna nila ang pinagtuunan niya ng pansin.
"Hoy, Andy, diretso hatid kay Alannah sa kanila ha, hindi 'yong sa kung saan-saan mo pa siya dadalhin."
Ack! Nakaramdam ng hiya si Andy dahil sa sinabi ng kanyang ama habang papalabas sila ni Alannah mula sa kainan.
Nakasimangot na nilingunan ni Andy ang ama niyang nakasunod sa kanilang likuran. Akbay nito ang kanyang ina na kagaya niya ay napasimagot din dahil sa sinabi ng asawa.
"May ibang lugar pa ba siyang pagdadalhan kay Alannah?" nalilitong tanong ng mommy niya.
Natawa ang papa niya. "Ah, hindi mo pala 'yon alam. Hindi naman kita kasi dinala sa ganong lugar 'di gaya ng mga naging ex ko—"
Napaubo na lang ang kanyang ama dahil bigla itong hinampas sa tiyan ng asawa.
"Hay nako, Adrian. Tigilan mo nga!"
"Tigilan ang ano?" tuloy sa pagtawa ang ama niya. "Nagpapaalala lang naman ako sa anak natin. Masama ba 'yon?"
"Paalala mo kasi, hindi maganda pakinggan." kontra ng mommy niya.
"Hala siya, anong hindi maganda ro'n? Buti nga nagpapaalala pa." tukso pa nito. Nakatanggap tuloy ito ng isa pang hampas sa tiyan mula sa asawa.
Nilingunan ni Andy ang kanyang nobya. Natatawa lang ito habang patuloy sa paglalakad kasabay niya papunta sa may pintuan.
Nang makasuot na ng kani-kanilang sapatos, nagtaka si Andy na nawawala ang kanyang kapatid na kanina lang ay kasama nila sa pagkain ng tanghalian. Pero bago pa sila makaapak ni Alannah sa labas, tumatakbong humabol sa kanila si Aia. Mula sa pangbahay na suot kanina, nakapang-alis na ito habang may sakbit na shoulder bag.
"Sama ako, kuya!"
"Hep!" Nahablot ng kanilang ama sa noo si Aia bago pa ito makalapit sa kanila ni Alannah.
Takip-takip ang mga mata ng bunsong anak gamit ang kanang kamay, hinatak ng kanilang ama si Aia at pinapirmi sa tabi.
"Huwag pasaway. Hindi ka puwede sumama sa kanila. Makakaistorbo ka lang." sabay baling nito sa kanila ni Alannah. "Sige na, Andy, larga na kayo."
Nagpasalamat ulit si Alannah sa mga magulang niya bago sila tuluyang umalis. Nakahinga na si Andy nang maluwag at nakaalis na rin sila sa wakas.
"Sayang, wala 'yong kambal mong pinsan." may panghihinayang na sabi ni Alannah na nagpalala sa stress na nararamdaman ni Andy.
"Anong sayang? Buti kamo wala sila! Dahil kung nandoon 'yong kambal, ibig sabihin nandoon din si Tita Hazel. Nakita mo naman paano ako tuksuhin ni Papa 'di ba? Kapag nandiyan si Tita Hazel, magiging triple pa ang panunukso na matatanggap ko sa kanila! Ewan ko na lang kung kakayanin ko pa 'yon." dire-diretso at frustrated niyang sagot.
Paano, napakagaling manukso ng tatay niya tapos napakakulit naman ng kapatid niya, halos hindi niya kayanin. Lalo na ang mga naging linyahan ng tatay niya kanina gaya ng "So kailan ba ang kasal?" at "Ilang anak ba balak niyong gawin?" pati na "Sure ka na ba rito kay Andy? Alam mo ba, nine years old na ito noon pero naihi pa rin sa kama." Buti na lang sa kada tukso nito ay maninita ang mommy niya. Kaya hindi niya rin ma-imagine ang magiging kapalaran niya kanina kung nakasama pa nito ang tiyahin sa panunukso.