CHAPTER 9: Weird
MARSHMALLOWS.
Takang-taka si Alannah. Halos araw-araw, kumakain siya ng marshmallows. Kapag may pasok, madalas siya nitong bigyan ni Andy. Sa bahay naman, may isang jar siya ng mga ito sa kanyang kuwarto na maya't maya niyang tinutuka, lalo na kapag nag-aaral siya. At ngayon, habang naglalakad kasama si Andy galing sa canteen ng Double-A, may kinakain siyang isang pack ng marshmallow na treat na naman sa kanya ng binata.
Ano bang meron ang marshmallow at gustung-gusto niya ito? Bakit sarap na sarap siya rito at hindi nagsasawa?
Hindi niya maipaliwanag... Gaya na lang kung paano niya hindi maipaliwanag ang kanyang nararamdaman para kay Andy—'yung pagtingin na mayroon siya para rito, 'yung saya niya kapag nakakausap ito, 'yung walang kasawaan niya sa presensya nito.
Sinulyapan bigla ni Alannah ang binata na naglalakad sa kanyang tabi. Tahimik itong nakangiti habang nakatuon ang paningin sa nilalakaran nila pabalik sa kanilang klase.
Ang ngiti nito... Napapigil-hininga si Alannah nang masilayan niya iyon. Lalo pang gumulo ang sistema ng kanyang katawan nang mapansin niya kung gaano sila kalapit ngayon sa isa't isa. Sa lapit ay halos dumikit na ang kanyang balikat sa braso nito.
Hindi na iba ang eksenang iyon sa kanilang dalawa, pero hindi pa rin nagbabago ang epekto no'n kay Alannah. Lagi na lang niya 'yung ikinatutuwa. Lagi na lang nagiging memorable sa kanya ang bawat segundong dumadaan. Lagi na lang niya 'yung... hinahanap. Alam niyo 'yon—'yung naroon na 'yung tao o bagay na lagi niyang hinahanap, pero hinahanap-hanap pa rin niya?
Ang weird... Ang weird-weird talaga ma-in love. Pero sobrang saya.
Pagkaakyat sa third floor ng building nila, nanatili muna sila ni Andy sa corridor sa tapat ng classroom nila kasama ang ilan nilang mga kaklase. Lunch break naman eh, so okay lang na tumambay muna sila roon.
Maingay. Puro kuwentuhan, biruan, at tuksuhan silang magkakaklase habang kumakain ng chichirya. Ang gulo. Wala pa si Michael doon ha. Kung nandoon lang ito kasama si Andy, nako. Baka nagre-wrestling na ang mga ito ngayon doon sa gitna ng corridor. Ganon magharutan ang mag-best friend na iyon eh. Pisikalan.
"Lagi na lang kayong magkasamang dalawa! Hindi ba kayo nagsasawa sa isa't isa ha?"
Bigla 'yung tinanong ng isa sa mga lalaki nilang kaklase. Natigilan naman doon si Alannah at kinabahan.
Siya, aminado, hindi nagsasawa na makasama si Andy. Eh ito kaya? Natatakot siya sa nararamdaman nito deep inside. Baka napipilitan lang talaga ito na makasama siya, kasi feeling obligado ito bilang manliligaw niya.
"Nagsasawa?" Si Andy ang pumatol sa kaklase nilang nagtanong. "What is nagsasawa sa dalawang taong nagmamahalan? Kulang pa kaya sa gaya namin ang bente kuwatro oras ng isang araw para magsama at mag-usap." Sabay tingin nito sa kanya at ngiti nang nakakaloko.
"Wooh!" Pabiro namang binugbog ng mga lalaki si Andy.
At si Alannah, nakangiti lang na bumalik sa pagkain ng marshmallows habang tinutukso ng mga katabing babaeng kaklase. Pero 'yung puso niya... grabe. Nagma-marathon na yata sa bilis ng pagtibok.
Then someone caught her eyes. Si Demi. Nakatayo ito malapit sa hagdanan at nakatingin sa direksyon nila.
"Andy," tawag niya sa binata. Agad naman siya nitong nilingunan. "Si Demi oh." Ngumuso siya sa kinatatayuan ni Demi. "Gusto ka siguro kausapin."
Tinignan ni Andy si Demi. Para pa itong namilik-mata nang makita ang kababata. Pero agad din itong ngumiti at nilapitan ang dalaga. Kasabay no'n ay ang pagtunog ng school bell. Ibig sabihin, tapos na ang lunch break.