CHAPTER 5: Monday
LUNES na Lunes, ang aga-aga nakarating ni Michael sa Double-A. Sa aga ay wala pa masyadong estudyante sa buong paligid.
Nang makaakyat naman na siya sa classroom nila... napapigil-hininga siya. Inasahan niya na siya ang unang makakapasok sa klase nila sa araw na iyon, pero nagkamali pala siya. May nauna na pala sa kanya doon. Si Alannah.
Mag-isa lang si Alannah habang nakaupo sa puwesto nito at inaabala ang sarili sa pagbabasa ng isang libro. Hindi nito napansin ang pagbukas niya ng pinto, dahilan para hindi siya matinag sa pagtitig dito. Hindi masukat ng utak niya kung gaano ba ito kaganda, o kung gaano ba siya kasaya ngayon na masilayan ito nang ganon kaaga.
Alam ni Michael, para na siyang timang na nakatayo doon sa pintuan habang nakatitig sa dalaga nang may abot-tenga na ngiti. Pero wala siyang pakialam. Wala, kahit may makakita pa sa kanya doon o kung si Alannah mismo ang makahuli sa kanya. Eh sa gusto niya itong titigan eh. Eh sa masaya siya roon. Eh sa mahal niya ito.
Mahal...
Nakaramdam bigla ng kakaiba ang puso niya. Para itong nagwewelga laban sa utak niya. Para itong sumisigaw ng, "Dalian mo! Kumilos ka na! Aminin mo na sa kanya ang nararamdaman mo!"
Alam ni Michael na mali iyon. Nag-aalangan siya. Pero... hindi niya maintindihan. Sobrang nangingibabaw ngayon sa kanya ang lakas ng loob.
Mula sa pintuan, naglakad na siya palapit kay Alannah. Hindi pa rin siya nito napapansin hanggang sa huminto na siya sa tabi ng desk nito. Doon na siya nito tiningala at nginitian.
"Uy, Khel. Good morning." Malambing na bati ni Alannah.
"Alannah," malakas pa rin ang loob niya hanggang sa pagsasalita, at hindi niya talaga iyon maintindihan. Hindi naman talaga siya ganon katapang eh. Saan ba nanggagaling ang tapang niyang iyon ngayon?
"Hm?" Nakangiti pa rin ang dalaga sa kanya.
"Alannah... gusto kita."
Napakurap si Alannah sa sinabi niya.
"Matagal na, Alannah. Matagal na akong may gusto sa'yo. At gusto kitang ligawan. Sana... sana pumayag ka."
Nawala na ang ngiti ni Alannah. Pero saglit lang iyon dahil muli rin itong ngumiti—nang mas malapad pa ngayon.
"Khel," tawag nito sa kanya sabay tayo. "God. Bakit ngayon mo lang sinabi 'yan?"
Bakit nga ba? Isip ni Michael, pero nawala siya sa sarili dahil bigla siyang niyakap ni Alannah.
"Gusto rin kita, Khel eh. Matagal na. Matagal na matagal na."
Tang'na. Naluha si Michael sa sobrang tuwa. Tang'na talaga. Bakit pa nga ba niya 'yon pinatagal? Gusto rin pala siya ni Alannah!
Alanganin niya itong ginantihan ng yakap. Ang sarap sa pakiramdam. Sa sobrang sarap ay hindi siya makapaniwala sa nangyayari.
Panaginip ba 'to? Hindi, 'di ba?
"Oo, panaginip lang 'yan!"
Mabilis na nasira ang lahat dahil sa sigaw na iyon ng isang lalaki. Mabilis nawala si Alannah sa kanyang harapan kasabay ng pagmulat ng kanyang mata sa reyalidad—reyalidad kung saan isang unan lang pala ang kayakap niya.
"Hoy, Khel," natatawang tawag ng tatay niya na nakatayo sa tabi ng kanyang higaan at nakapamewang habang nakayuko sa kanya.
"Pa..." Garalgal ang boses niya nang tawagin niya rin ito. Sa inis sa nangyari—sa katotohanan na panaginip lang pala ang lahat, ay itinakip niya ang kanyang mga braso sa kanyang mukha.