CHAPTER 33: What He Really Wants

1.9K 85 30
                                    

CHAPTER 33: What He Really Wants


Aww.

Napangiwi si Michael sabay hawak sa tiyan niyang kumakalam. Gutom na gutom na siya. Nakapila naman na siya sa canteen para makabili ng pananghalian kaso ang daming tao. Kung alam lang niya, sana nagluto na lang siya ng kung ano kaninang umaga at dinamihan ang kain. Kaso inatake siya ng katamaran. Wala na naman kasi ang mga magulang niya. Kaya ang inalmusal na lang niya ay ang natirang tatlong hiwa ng loaf bread sa hapagkainan nila.

Sa wakaaas.

Napalitan ng ngiti ang ngiwi niya nang sa wakas naka-order na siya. Hawak ang tray ng pagkain, naghanap siya ng mauupuan. Ang daming lumilingon sa kanya habang naglalakad siya. Paano ba naman 'yong kanin niyang in-order, nagmukhang bundok sa dami! Apat na cup ng kanin din 'yon, ha!

Nang makaupo na siya sa sulok na table, dali-dali siyang kumain. Balak din niya kasing maglaro bago matapos ang lunch break nila.

"Khel." Si Andy iyon na pumuwesto ng upo sa tapat niya. May bitbit itong sariling tray ng pagkain. "Sasabay sana ako sa 'yo kanina kaso ang bilis mong umalis. Tapos ngayon, ang bilis mo ring kumain. May hinahabol ka ba?" Takang-taka ang hitsura nito.

"Magwawaro ako." Pilit niyang sagot kahit may laman pa ang bibig.

Lumiwanag ang mukha ni Andy. "Ah, sali ako ha!" Nagmadali na rin itong kumain.

Iyon na lang ulit ang pagkakataon na nagkasabay silang mananghalian ni Andy mula nang makabalik si Alannah sa pagpasok sa paaralan nila. Isang linggo na rin ang lumipas mula no'n. Siyempre hinahayaan niya na magkasama ang dalawa. Inaya naman siya minsan ng mga ito, kaso tumanggi siya.

"Bakit hindi mo kasama si Nah mananghalian?" tanong ni Michael bago sinubo ang huling kutsara ng pagkain.

"'Yong Student Council ang kasama niyang mananghalian ngayon doon sa room nila." kaswal na sagot ni Andy. "Pagmi-meeting-an na rin daw nila 'yong para sa excursion natin."

"Ibang klase talaga. Parang hindi siya nanggaling sa sakit." May pagkamanghang naramdaman si Michael at hindi niya iyon tinago sa kanyang boses.

"Wala, ayaw paawat e." Halos mapasimangot si Andy. Paano, kaisa ito ng pamilya ni Alannah na nakiusap sa dalaga na huminto muna sa pagsali sa mga school org activities. Kaso ayun nga, hindi talaga ito nagpaawat. "Pero mas maganda na rin siguro 'yon." Kaysa simangot, ngiti ang nagawa ng mga labi ni Andy. "Sa gaya ni Alannah, baka maging hindi maganda ang epekto kung pipilitin siyang ilayo sa bagay na nakasanayan at gustong-gusto niyang gawin, lalo na't last year na natin dito sa school."

Totoo. Gustong sumang-ayon ni Michael.

"T'saka siya na rin nagsabi," tuloy ni Andy. "Kapag alam niyang makokompromiso na naman ang kalusugan niya, siya na mismo ang hihinto kaysa makaabala ulit siya sa ibang tao."

Tumango-tango si Michael. "Fair deal na rin 'yong binawasan niyo na lang ang responsibilidad niya."

"Kahit ayaw rin sana niya nung una." matawa-tawa si Andy. Pinilit kasi nito na maging bagong Class president nila kapalit ni Alannah. "Grabe. Kung 'yong iba iiwas hangga't makakaiwas sa maraming gawain, siya naman, hangga't may kailangang gawin na kaya niyang gawin, aakuin niya. Ibang klase nga talaga."

Hindi na nakasagot si Michael. Hindi niya maiwasang ipagkumpara 'yong bigat ng admirasyon na meron si Andy para kay Alannah laban sa sarili niyang nararamdaman. Hindi sa mababaw 'yong kanya, pero kasi 'yong kay Andy, iba ang lalim e. Tila ba napakalalim na no'n at hindi na niya kayang maabot o mahabol pa. At doon pa lang, malinaw na kung sino ba 'yong mas karapat-dapat para sa dalaga. Hindi na nakakapagtaka kung bakit siya natalo sa kaibigan niya.

Love Me, BabyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon