CHAPTER 8: Rightfully
SUWERTE, o sadyang nakatadhana?
Bakit nga ba nagpunta si Michael ng mall ngayon?
Ah, para nga pala mag-grocery. Kasi, napag-utusan siya ng tatay niya. Pero kaysa gawin agad iyon, inuna niya munang magpunta sa arcade center at maglaro ng kung anu-ano roon. Nag-karaoke pa nga siya, at ang lahat nang iyon, nagawa niya mag-isa. Burnot na burnot ba naman kasi siya sa buhay niya. Buhay na napaka-walang kulay.
Pero nung bumaba na siya para mamili, nakaramdam siya bigla ng suwerte.
Suwerte? Hindi lang yata basta ganon, kundi pagpabor mismo sa kanya ng tadhana. Dahil habang pababa siya ng escalator, hindi inaasahan niyang nakita si Alannah.
Unang beses pa lang nangyari iyon sa tagal na niyang pagkakakilala rito. At tuwang-tuwa lang siya. 'Yung kaninang napaka-walang kulay niyang buhay, parang nagkaroon bigla ng sandamakmak na rainbow nang masilayan ang dalaga.
Sinundan ni Michael ng tingin si Alannah kasabay ng pagmamadali niyang bumaba ng escalator. Hinabol niya ito hanggang sa food court na kanyang ipinagtaka. Ano bang gagawin nito roon sa food court nang mag-isa?
Ang balak niya ay lapitan at kausapin ang dalaga, pero bago pa siya makalapit nang lubusan dito ay napahinto siya. Huminto na kasi ito sa paglalakad at may nakangiting tinitigan. Nang tignan naman niya kung saan ito nakatitig... Wala na. 'Yung mga rainbow na sumulpot sa buhay niya kanina, mabilis nawalan ng kulay lahat.
Dahil 'yung tinititigan ni Alannah? Si Andy iyon na nakaupo sa dulo ng mahabang mesa habang naka-headseat at nagce-cellphone.
Hindi alam ni Michael na magkikita pala ang mga ito ngayon. Wala naman kasing naikuwento ang mga ito sa kanya. Pero dapat ba? Dapat pa bang ikuwento iyon sa kanya ni Andy o ni Alannah? Bakit? Sino ba siya? Matalik nga siyang kaibigan ni Andy, pero hindi naman nito obligasyon na ikuwento sa kanya ang lahat ng planong gawin para sa panliligaw sa dalaga. At mas lalo namang walang obligasyon sa kanya si Alannah. Masakit man isipin, pero ayun ang katotohanan—isang simpleng kaibigan lang siya sa paningin nito.
Alam ni Michael, para siyang tanga na nakatayo doon habang pinapanood ang bawat galaw nina Alannah at Andy. 'Yung pag-uusap ng mga ito sa cellphone, ang pagtama ng paningin ng mga ito sa isa't isa, ang pagngitian, hanggang sa lumayo si Alannah at natatawa naman itong sinundan ni Andy. Nang mahabol ni Andy si Alannah, masayang nag-usap ang mga ito, mukhang nagbibiruan. Hanggang sa magtitigan na lang ang mga ito. At hindi kalaunan... maghawak-kamay.
Bakit ang sakit? Masakit... pero bakit hindi magawa ni Michael na alisin ang kanyang tingin doon sa dalawa? Bakit kinilos niya pa ang kanyang mga binti para sundan ang mga ito?
Pakiramdam ni Michael, may kung anu-ano sa loob ng kanyang katawan ang nag-aaway. Mga may ayaw versus mga may gusto. Ayaw na niyang sundan at panoorin 'yung dalawa, pero kusang kumikilos ang kanyang mga binti at mga mata. Ayaw niyang katalunin ang kanyang matalik na kaibigan, pero may tumutulak sa kanya na lumaban.
Arghhh.
Para na siyang ewan na pinipilit ang sarili na huminto na sa paghakbang. May ilan na ngang tumitingin sa kanya dahil mukha na talaga siyang ewan doon.
Ayan, Khel. Unti na lang. Unti na lang!
Sa wakas, nagawa na niyang pilitin ang sarili na huminto sa pagsunod doon sa dalawa. Nang makahinto ay agad siyang tumalikod. Kahit papaano ay gumaan na ang kanyang pakiramdam nang mawala na sa kanyang paningin sina Alannah at Andy.
Kaya naman pala niya eh? Kaya niyang lumayo. Kakayanin niya—
Natigilan siya bigla at natameme sa babaeng naglalakad palapit sa kanya.