CHAPTER 2: Crazy
NAKAKA-LIMANG araw pa lang mula nang magsimula ang klase sa Double-A, at hindi maintindihan ni Alannah kung bakit may teacher sila na kinailangan agad na um-absent. Ang panget lang isipin para sa kanya, with their school's reputation.
"Oh, ayan." Sabi ng isang babaeng guro na nag-abot sa kanya ng Filipino textbook. "Page 21-24 daw kopyahin niyo."
"Okay po," nginitian niya ang guro pagkatanggap niya sa aklat. "Salamat po, ma'am."
"Hm," tumango ito. "Teka, bakit ka pala nandito, Mr. Guillermo?"
Doon napatingin si Alannah sa nakasama niyang pumunta doon sa Faculty Room. Si Andy, na ngumiti nang nakakaloko sa guro.
"Ako po kasi ang vice president niya." Sagot nito.
"At ano naman kung vice president ka niya?"
"Baka po kasi kailanganin niya ang tulong ko." Sagot ulit ni Andy na kamuntikan na niyang tawanan.
"Tulong?" Halos ganon din ang naging reaksyon nung guro. "Kukuha lang ng pinapasulat ng teacher, kakailanganin niya pa ng tulong?"
"Opo," inagaw ni Andy ang aklat na hawak niya at itinaas iyon. "Kakailangan niya po ng tagabitbit nito." Sabay ngiti ulit nang nakakaloko at hawak sa likuran niya. "Sige po, ma'am, akyat na po kami. Salamat."
"Aba," tuluyan nang natawa ang guro habang marahan naman na siyang tinulak ni Andy palabas ng Faculty.
Nahiya si Alannah roon at gusto sanang balikan ng tingin ang gurong kausap nila para magpaalam nang maayos. Kaso... nakakawala sa sarili ang hawak ng kamay ng binata sa kanyang likuran—at ang makatabi ito nang ganon kalapit sa paglalakad.
"Woooh, co-teachers, tignan niyo oh! Ang Double A ng Double-A, mukhang may future!"
Nagsimulang mag-ingay ang mga guro. Hindi malingunan ni Alannah ang mga ito, pero nararamdaman niya ang naaaliw at nanunuksong ngiti ng mga ito sa kanila ni Andy. Palibhasa, mga kilala sila nito. Halos lahat kasi ng guro roon ay na-handle ang klase nila sa mga nagdaang taon.
"Bet ko 'yan!" Sigaw ng isa pang babae na guro na naging Science teacher nila noon.
"Kayo na ba ha, Guillermo, Añonuevo?" Curious na may kinikimkim namang kilig na tanong ng babae ring guro na naging adviser nila last year.
Nasa pintuan na sila, at si Andy lang ang nagawang balikan ng tingin ang mga guro nila.
"Basta po!" Sagot ni Andy sa mga ito. "Magiging invited na lang po kayong lahat sa magiging kasal namin in eight years!"
What?! K-kasal?! Agad?! In eight years?!
Nawindang si Alannah, habang ang mga guro naman nila ay tuwang-tuwa na pinatulan ang sinabi ni Andy. Masaya ang mga ito nang kanila nang iwan sa Faculty Room.
Doon na siya binitawan ni Andy at nginitian nang nakakaloko. Habang ang puso niya ay hindi pa rin nakaka-get over sa pagkawindang.
Kasal... In eight years...
Nakaramdam siya ng excitement, ng curiousity.
Posible ba 'yon? Hindi niya alam. Hindi siya sigurado. Pero hindi niya rin maiwasang umasa. Dahil sa mga oras na iyon, wala naman na siyang kilalang ibang lalaki na sa tingin niya ay magkakapagpatibok nang ganon sa kanyang puso at magugustuhan niyang makatuluyan.
"Halika na?" Yaya ni Andy. Parang hinatak lang ng boses nito ang utak niya sa katinuan. Utak lang talaga. Dahil ang puso niya, ayun. Nawiwindang pa rin.