CHAPTER 14: Sudden Visit
"HUY, Demi."
Mula sa tanghaliang kinakain ay napaangat ng ulo si Demi at tiningnan ang tiyuhing nakapuwesto sa kanyang tapat.
"Seryoso, bakit bumalik ka na naman sa pagsimangot? Okay ka na nung nakaraan 'di ba? Ngumingiti ka na no'n. Pero matapos mo lang dumalaw kina Kuya Adrian, naging ganyan ka na ulit. Ano bang nangyari ha?"
"Wala nga po." Mahina pero may inis niyang sagot. Pang-ilang beses na kasi 'yong tinanong mg Tito Juni niya mula pa nung makauwi siya noon mula sa pagdalaw kina Andy.
Natulala ang Tito Juni niya sa kanya. "Jusko... Lakas ng mood swing ng batang 'to."
"Hayaan mo na kasi, Juni." Suway naman dito ng lola niya na kasabay rin nilang kumakain. "Babae siya, eh. At alam mo rin naman mood swing ng ate mo nung pinagbubuntis pa lang niya 'yang si Demi."
Pinagbubuntis.
"Ay," natawa bigla ang tiyuhin niya. "Oo nga pala. Grabe 'yon. Kawawang-kawawa nga no'n si Kuya Levi kay Ate eh."
Napangiti at iling ang lola niya. "Nako, 'yung aso't pusa talaga na 'yon. Buti na lang ngayon, bawas na raw mood swing ni Millie sa pinagbubuntis niya."
Tumayo bigla-bigla si Demi, dahilan para gulat na mapatingin sa kanya ang dalawang kasama.
"Punta na po ako sa room ko..." Paalam niya sa mga ito.
"Okay ka lang ba, apo?" Tanong ng lola niya.
Tumango lang siya.
"Pero 'yung pagkain mo, Demi." Sabi naman ng tiyuhin niya.
"Hindi ko na po kayang ubusin eh... Sorry po..." Sagot niya.
"Masama ba pakiramdam mo?" Tanong pa nito.
"Hindi po... Pero gusto ko pong mag-stay muna sa room ko..."
Tinitigan siya ng Tito Juni niya, tila kinalkula muna ang takbo ng isipan niya. "Okay, sige." Sagot din nito hindi kalaunan. "Magpahinga ka."
Doon na siya tumalikod at umakyat sa kanyang kuwarto kung saan dumiretso siya ng higa sa kama.
"Tsk." Inis at nakasimangot siyang natulala sa kisame ng kuwarto niya. Paano ba naman siya hindi sisimangot, eh inis na inis siya sa mga naaalala niya—ang pinagbubuntis ng mama niya, at pati na ang mukha ni Alannah.
Alannah.
Pati ang pagkonpronta na ginawa ni Alannah sa kanya nung Monday, naalala niya.
"Demi Sy."
"Argh." Napaikot siya ng mga mata nang mag-playback sa utak niya ang pagtawag na iyon ni Alannah sa buo niyang pangalan.
"Galit ka ba sa akin?"
"Duh! Isn't it obvious?" At ngayon lang niya nagawang banggitin ang gusto sana niyang isagot kay Alannah noon. Sobrang pagpipigil kasi ang ginawa niya sa kanyang sarili nung mga oras na iyon. Mahirap na, at baka lalo pa siyang mahirapan sa kanyang pinaplano kung harap-harapan niya itong kakalabanin.
Pinaplano... Pinaplano na lagi namang failed.
Tsk!
Kunot-noo siyang bumangon at nag-Indian sit sa kanyang higaan. Inabot niya ang nakasarang laptop mula sa tabi ng kanyang unan at pinatong iyon sa kanyang kandungan.
Mag-internet. Ayun na lang ang ginawa ni Demi. Wala naman siyang ibang magagawa eh, lalo na at Sabado.
Nag-open siya ng maraming tab. 'Yung isa, para sa online manga reading site. 'Yung isa, para sa video streaming site. At 'yung isa, para sa SNS account niya. Like the usual, nag-browse muna siya sa news feed ng SNS niya, only to check kung ano ba ang kasalukuyang pinagkakaabalahan ni Andy.