CHAPTER 26: Tension, Truth
KUNG may pagkakataon na hindi nakakasama ni Alannah sa klase ang mga kaibigan niya, ayun ay kapag elective na ang subject nila. Magkakaiba kasi sila ng kinuha para sa electives. At sa block nila, siya lang ang nag-take ng Fashion Design. Hindi tuloy lahat sa kasama niya sa elective na iyon, ka-close o kakilala niya. Pero kilala naman siya ng mga ito dahil sa pagiging kasalukuyang presidente niya ng School Council.
“Haaay,” pagbuntung-hininga ni Alannah sabay bagsak ng ulo sa desk na pinuwestuhan niya. Siya na lang ang naiwan doon sa TLE Room. Paano, napakabagal niya magligpit ng sariling gamit. Palibhasa wala talaga siyang ganang kumilos. Pagod na siya, kahit ba wala naman siyang ginawa na kapagod-pagod.
Ewan. Hindi rin niya alam. Napakabilis talaga niyang mapagod at tamarin nitong nakaraan.
Bigla siyang umiling at mabilis na kumilos para kunin ang maliit niyang kit na naglalaman ng sewing materials. Katamaran—isa iyon sa mga bagay na ayaw na ayaw niyang makasanayan.
Dahil lunch break na rin naman, dumiretso siya sa canteen ng Double A. Tumigil lang siya sa may pintuan dahil ang daming tao roon. Mga estudyante at maging mga guro, doon nanananghalian.
Sa isang table, nakita niya na magkakasama ang ilan sa kanyang mga kaklase. At sa isa pang table sa bandang sulok, nakita naman niya si Andy—kasama si Demi.
Mula nang magbalik-loob si Demi sa mga magulang at sa pagpasok sa school, naging ganon na ang set-up nito at ni Andy: laging nanananghalian nang sabay. Minsan sumasama siya sa mga ito. Kaso…
Tumingin si Alannah sa ibang direksyon at saka nagbuntung-hininga. Bigla niyang naisip si Michael.
Kaysa mananghalian sa canteen, pinili na lang ni Alannah na umakyat sa classroom nila. Nakakasiguro siya na naroon na naman si Michael. At hindi nga siya nagkamali. Nandoon nga ang binata. Wala itong kasama ngayon doon, hindi gaya nung mga nakaraang araw na kahit papaano may kasama itong dalawa hanggang lima sa mga kaklase nila.
Relaxed na nakaupo si Michael sa puwesto nito. Ang parehong paa nito ay nakakrus sa ibabaw ng desk, habang nakapamulsa na natutulog. Naka-earphones din ito, kaya hindi na siya nagtaka kung hindi ito kumibo o dumilat man lang nung lumapit at umupo siya sa tabi nito. Halos mapangiwi pa si Alannah dahil sa lakas ng volume ng pinapakinggan nito. Hindi malinaw pero tagos at naririnig niya iyon. Dahil doon, walang pagdadalawang-isip niyang binunot ang isa sa earbuds nito.
Mabilis na dumilat si Michael sa ginawa ni Alannah. Agad din itong napatingin sa kanya at namilog ang mga mata nang makita siya.
“Gusto mo bang magkaproblema ka sa pandinig?” kalmado pero may otoridad na sita ni Alannah—na minsan naiisip niyang out-of-border habit na, kaso hirap siyang iwasan iyon dahil sa araw-araw niyang pagiging ate sa pamilya niya at leader naman sa school nila. “Ang lakas mo mag-volume. Rock pa pinapatugtog mo.”
Tipid na ngumiti si Michael at inalis na rin ang isa pang earbuds sa kabilang tainga.
“Nag-lunch ka na?” tanong niya pa rito.
Umiling si Michael. “Hindi pa… Ikaw ba?”
“Ito, kakain pa lang.” sabay kuha niya ng pagkain sa ilalim ng sariling desk. Isa ‘yong malaking balot ng marshmallow.
Halos napakunot ng noo si Michael. “Ayan na lunch mo?” tinuro nito ang pagkain niya.
Ngumiti nang nakakaloko si Alannah. Hindi siya sumagot at binuksan na lang ang hawak na pagkain. Kumuha at sumubo siya ng isang marshmallow habang ginagantihan ang hindi nakapaniwalang titig sa kanya ni Michael.