CHAPTER 39: War Freak

319 19 11
                                    

CHAPTER 39: War Freak


5:35AM. 

Nagising si Michael nang wala na sa kanyang tabi si Andy, habang 'yong dalawa pa nilang kaklase at kasama sa hotel room ay bagsak na bagsak pa rin sa kabilang higaan.

Alam niyang hindi na siya makatutulog ulit, kaya bumangon na lang siya't naghilamos. 

Papasikat pa lang ang araw nang makalabas siya ng hotel. Mahamog at may kalamigan sa labas. 

Sana ganito rin sa Manila, ba. Sariwa ang hangin! Huminga siya nang malalim sabay inat. Doon niya napansin na may ilan na ring taga-Double A ang gising na at naglalakad-lakad sa labas.

Si Andy kaya? Patuloy siya sa pag-iinat nang alalahanin ang matalik na kaibigan. Hindi niya alam kung maaga nga ba itong nagising o sadya lang na hindi nakatulog magdamag. 

Nagpamewang si Michael at natulala sa kawalan habang inaalala ang kondisyon ni Andy kagabi.

"Sana okay ka lang." asar niya sa kaibigan bago sila matulog. Paano, para itong timang na abot-tainga ang ngiti nang bumalik sa hotel room nila. Matutulala pa ito minsan tapos tatawa mag-isa. Alam naman niya na malamang, tuwang-tuwa lang ito na nasolo si Alannah bago natapos ang gabi.

"Oo naman, okay lang ako. Okay na okay." natatawa nitong sagot. "At... Dapat lang din siguro na masabi ko na sa 'yo..." 

"Ang ano?" 

"Sinagot na ako ni Nah." 

Saglit na natigilan si Michael noon bago nakatugon. "Kaya pala parang high ka e." 

Natawa sila pareho. 

"Congrats, bro." bati niya rito. "'Matik na ha... walang gaguhan kay Nah." 

"Oo naman 'no, 'matik na 'yon." 

"Kundi, alam mo na. Malalagot ka sa napakaraming tao." dagdag niya na tinawanan ulit nilang dalawa. 

Tipid na napangiti si Michael. Nagtatawanan man sila kagabi tungkol sa bagay na iyon, alam na alam naman niya kung gaano kaseryoso si Andy kay Alannah. Napatunayan na niya iyon. 

Kaya nga nagparaya ako, e. 

Pigil na natawa si Michael bago nagpamulsa sa suot na sweater at nagsimulang maglakad. 

Nagparaya talaga? Ang drama naman! 

Hindi ipagkakaila ni Michael na sa loob-loob niya, may katiting pa rin siyang nararamdaman na selos, na lungkot, na inggit. Pero wala na iyon para sa kanya. Napapaisip na lang siya minsan: Kung hindi si Nah, sino kaya talaga ang para sa akin? 

Pumunta siya sa casa kung saan nagbibigayan ng packed foods para sa mga taga-Double A. Pagkapasok niya sa loob, didiretso sana siya sa table ni Andy na siyang naka-assign na mag-hand over ng pagkain sa klase nila kaso napatigil siya sa may pintuan nang mapansin niya si Demi na nakatayo sa isang tabi at nakakunot-noo. Nilapitan niya ito at saka binati. 

"Ang aga-aga e mukha kang manglalapa ng tao diyan." 

Pero hindi siya nito pinansin at nanatiling nakakunot-noo habang may tinititigan. Sinundan tuloy ng tingin ni Michael ang direksyon kung saan ba nakatitig si Demi. Si Andy pala iyon. 

"Bakit, anong problema kay Andy, ha?" pagtataka niya. 

Nagbibilang ng packed foods si Andy habang kinakausap ng katabi nitong class representative ng GA Class 2-B na si Cristina. 

"Nagseselos ka ba sa kanila?" tanong pa ni Michael. 

Doon siya nilingunan ni Demi, ang mukha nito ay napangiwi. Wala itong nasambit na kahit ano pero sa hitsura nito, parang narinig na rin niya itong nagsabi ng "What the fuck?" Parang naka-record na kasi iyon sa utak niya. 

Love Me, BabyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon