START: That April
WALANG ideya si Andy... Paano ba siya magtatapat ng kanyang nararamdaman sa babaeng iyon?
Ang tagal na niyang kinikimkim ang pagmamahal niya para sa babaeng iyon. Dalawa o tatlong taon na yata? Hindi siya sigurado, dahil hindi rin siya sigurado kung kailan ba eksaktong nagbago ang pagtibok ng puso niya para rito.
Kailan nga ba? Bakit? Paano?
Napakamisteryoso lang talaga ng love-love na 'to...
"Ha!"
"Oy!"
Nagawa pang sumigaw ni Andy bago siya dumulas sa pagkakaupo sa gilid ng swimming pool at sumubsob sa tubig. Buti na lang marunong siyang lumangoy--six feet pa naman ang lalim nung tubig sa kanyang harapan.
Nang makaahon ang ulo niya, narinig niya ang nakakaloko na tawa ni Michael.
"Gago ka ha, Khel!" Sigaw niya matapos magpunas ng mukha gamit ang parehong kamay.
Tumatawa pa rin si Michael nang iabot nito sa kanya ang dalawang kamay para tulungan siyang umahon. Kumapit naman siya roon at muling umupo sa puwesto niya kanina.
"Gago ka talaga." Sabi niya ulit kay Michael nang umupo ito sa kanyang tabi--nang tumatawa pa rin.
Nako, kung hindi lang ito kilala ni Andy; kung hindi lang niya ito matalik na kaibigan; at kung hindi lang nito birthday ngayon, napikon na siya.
"Paano kasi! Tinatawag kita pero hindi mo ko pinapansin! Ni hindi ka nga kumukurap diyan." Depensa ni Michael. Nakakaloko rin ang boses nito habang nagsasalita. Ang lalim. Kung hindi lang ito mahilig ngumiti at tumawa, magmumukha itong seryoso sa buhay--na hindi naman. Happy-go-lucky kaya ito. "Malapit na tayo mag-uwian, pero nag-e-emote ka pa rin dito."
"Adik. Hindi ako nag-e-emote 'no. May pinag-iisipan lang ako."
"Oh? Tungkol saan 'yan?" Tunong na-excite si Michael.
Pero si Andy, natulala lang ulit sa kung saan siya natulala kanina.
Kay Alannah.
Nakaupo si Alannah sa may nipa hut cottage na nirentahan ng grupo nila para i-celebrate ang birthday ni Michael. Masaya itong nakikipagkuwentuhan kasama ang iba pa nilang kaklase na naroon.
At palagi na lang... Palagi na lang nahihirapan alisin ni Andy ang tingin niya kay Alannah kapag nasilayan na ito ng kanyang mga mata.
Maganda si Alannah. Sobrang given na no'n. Maputi ang kutis, tapos may tapang at lambing na maaaninag sa mga mata nito. May pagkahinhin pa ang kilos nito na isa sa mga katangian nitong kinaaaliwan niya.
Mahinhin pero active na babae, ganon si Alannah. Marami itong pinagkakaabalahan, mula sa mga school clubs na kasapi ito, hanggang sa pagiging class president nila kada taon. Matalino rin kasi ito. Consistent Top 1 since Grade 7. Ito nga ang umagaw sa pagiging Top 1 niya eh, pero wala na siyang balak na agawin pa iyon. Okay lang 'yon sa kanya hangga't Top 2 siya--hangga't magkatabi lagi ang mga pangalan nila sa listahan ng Top students.
Napangiti nang malapad si Andy sa kanyang naisip. At eksakto, nakita niyang ngumuso si Alannah bago tumawa.
Isa pa iyon sa kinaaliwan ni Andy kay Alannah eh. Ang facial reactions nito. Tuwang-tuwa siya kapag nakikita niya itong nagugulat, nag-iisip nang malalim, nagtatampo, o tumatawa. Ang cute kasi, lalo na ang paggalaw ng mga labi nito. Para bang... inaakit siya ng mga iyon. Inaakit siyang humalik dito.
Ah, takte.
Bigla siyang napailing at kamot ng ulo na sa sobrang diin ay parang naiinis siya.