CHAPTER 12: Instinct
MALAPIT na bang magunaw ang mundo?
Hindi na mabilang ni Michael kung ilang beses na niyang naisip ang tanong na iyon mula pa nung Wednesday.
Nung Wednesday...
Marahas na napailing si Michael habang nakaupo sa sofa sa sala ng kanilang bahay, ang parehong binti ay naka-ekis habang nakapatong sa center table. Sa kandungan naman niya ay may nakapatong na laptop. Sabado eh, walang pasok, kaya abala siyang manood online ng One Piece. Pero hindi niya iyon magawa nang dire-diretso dahil hindi rin niya maiwasang isipin maya't maya ang mga nangyari mula nung Wednesday.
Err... Wala naman talaga masyadong nangyari. Naging kakaiba lang—kakaiba dahil kay Demi. Kakaiba kasi, bigla na lang nagbago ang ihip ng hangin nito. Parang nung kailan lang, napakadesperado nito gumawa ng paraan para mabawi si Andy. Pero mula nung Wednesday, aba, nawala ang pagkadesperado nito. Hindi na ito pilit nakikisabay sa lunch break nina Andy at Alannah. Hindi na rin siya nito pini-pressure na tumulong sa plano nila. Lagi pa itong nakangiti tuwing nagkakasalubong sila.
Biglang kinilabutan si Michael nang maalala ang ngiti ni Demi. Iba kasi ang ngiting ginagawa nito eh. Ngiting aso na parang may pinaplano na kung ano—kung ano na mukhang pagtatagumpayan nito.
"Ang saya mo yata, ha?" Bati niya minsan kay Demi nang makasalubong niya ito nang mag-isa.
"Why wouldn't I? Eh may magandang mangyayari sa amin ni Andy." Kampante nitong sagot habang nakapamewang.
"Magandang mangyayari?" Takang-taka niyang tanong. "Ano 'yon?"
"Dadalaw ako sa kanila sa Saturday! And I can feel it, may malaking magbabago sa araw na iyon."
Ngayon, takot naman ang naramdaman ni Michael.
Alam naman niya, ang absurd paniwalaan ang malaking pagbabago na iyon na tinutukoy ni Demi, pero natatakot pa rin siya. Natatakot siya para kay Alannah.
Napapikit saglit si Michael, bago bumalik sa pagla-laptop. Mula sa tab kung saan siya nanonood ng mga anime, lumipat siya sa tab kung saan naka-open ang page ng SNS account niya. Tiningnan niya ang chat list no'n at may isang pangalan na hinanap.
Alannah Añonuevo
Online si Alannah!
Napangiti siya. Kinlick niya ang pangalan ng dalaga para i-chat ito.
Nag-open na ang chat box. Handa na ang mga daliri niya para mag-type ng kung anumang mensahe para mapansin siya nito. Pero ano namang ita-type niya? Bakit ba bigla-bigla na lang siyang magcha-chat dito? Eh alam ng lahat na hindi niya hilig iyon—bukod na lang kung si Andy ang nakaka-chat niya. Siyempre, marami silang napapag-usapan na nakakaaliw eh. Alam niyo na, boys thing.
Ilang saglit pa tinitigan ni Michael ang chat box nila ni Alannah. Napakatagal na nilang friends sa SNS site na iyon, pero hanggang ngayon wala pa silang convo sa chat box. Palibhasa sa mga group chat lang ng klase nila ito nakakausap. Doon lang naman niya ito makaka-chat nang hindi siya nito pagdududahan eh.
Napabuntung hininga si Michael. Grabe talaga ang katorpehan niya, wala na yatang pag-asa.
Kaysa makipag-chat kay Alannah, binisita na lang niya ang profile page nito. Bahagya siyang napangiti. Napaka-simple talaga nitong babae. Ang gamit nitong profile picture, nakatalikod na kuha sa isang beach. 'Yung cover photo naman, picture ng kalahati ng mukha nito at ng dalawang kapatid na lalaki habang mga nakahiga sa kama.