"Wala ka bang nickname?"
Napakunot-noo siya habang kumakain kami ng ice cream. "Bakit?"
Nagkibit-balikat ako. "Lahat naman ng tao may nickname, 'di ba? Tulad ko. Constantine ang pangalan ko pero Con o Concon ang tawag sa akin. Ikaw? Anong nickname mo?"
Umiling siya bago sumubo ng ice cream. "Wala. Destinee."
Tumawa ako nang mahina. "P'wede ang Tin sa 'yo—" Mabilis siyang umiling. "Bakit? Ayaw mo?"
Tumango siya. "Sabi ng kapatid ko, sobrang ganda ng pangalan ko kaya 'wag ko raw hayaan na ibang pangalan ang itawag sa akin kahit na anong mangyari." Ngumiti siya. "Nang dahil do'n, nakahanap ako ng isang bagay na kamahal-mahal sa akin—at 'yon ay ang pangalan ko."
Ngumiti ako bago sumubo ulit ng ice cream. "Tama. Ang ganda nga naman ng pangalan mo. Tatandaan kong mabuti 'yan—pati ang spelling. Hinding-hindi ko kakalimutan."
Tumawa lang siya nang mahina bago ako nagtanong ng panibago tungkol sa kan'ya.
Sa mga oras na kumakain at namamasyal kami sa loob ng amusement park, marami akong nalaman tungkol sa kan'ya. Sabi niya, matalino ang kapatid niya pero siya, hindi. Pero kahit na gano'n, hindi siya nakaramdam ng kahit kaunting inggit sa kan'ya kasi ayaw naman daw talaga niya n'ong nag-aaral.
"Ako rin," sagot ko matapos niyang ikwento 'yon habang naglalakad-lakad kami. Nagtawanan kaming dalawa. "Wala namang nakakatuwa sa pag-aaral lalo na kung masungit pa ang mga teacher."
Tumawa siya. "Palaging sinasabi sa akin ng kapatid ko na minsan, ayaw na niyang mag-aral kasi pagod na siya. Pero palagi din naman niyang ginagawa sa huli." Nagbuntonghininga siya. "Sabi ko nga sa kan'ya, hindi naman niya kailangang pilitin ang sarili niya kung pagod na siya. Ang sarap kaya ng ganito."
Tumango ako. "Tama. Masyadong maikli ang buhay para stress-in ang sarili sa pag-aaral."
Nagtuloy-tuloy pa ang kwentuhan hanggang sa mapunta na kami sa harap ng stage kung saan may nagpe-perform habang maraming tao naman ang nakaupo sa sahig at nanonood do'n.
"Bakit hindi ka nakikisama sa mga kaibigan ng kapatid mo?" tanong ko.
Nagkibit-balikat siya bago nagbuntonghininga. "Hindi ko kayang tiisin yung pagpapanggap nilang kaibigan sila kahit yung totoo, ginagamit lang naman nila ang kapatid ko." Nag-angat siya ng tingin sa akin saka ngumiti nang maliit. "Mas gugustuhin kong mag-isa kaysa makisama sa mga gano'ng klaseng tao."
Tumango-tango ako. "Hindi ka ba nalulungkot?"
"Nalulungkot din." Tumawa siya nang mahina. "Pero sanay na ako. Kahit isang beses sa buong buhay ko, hindi ako naging dependent sa ibang tao. Ang kapatid ko lang ang kailangan ko. Sapat na siya sa akin. Hindi ko kailangan ng maraming kaibigan basta nand'yan siya."
Huminto ako sa harap niya, dahilan para mapatigil din siya sa paglalakad. Nag-angat siya ng tingin sa akin, nagtataka.
"Nandito na ako. Dalawa na kami ng kapatid mo na p'wede mong maging takbuhan kapag nag-iisa ka."
BINABASA MO ANG
Forgotten Seal Of Promises
Teen Fiction|| fourth installment of "habit series" || Constantine Dominguez failed his qualifying exam in a course that he was forced to take. He has already decided not to continue studying college because he never really knew what course he wanted in the fir...