Chapter 55

74 4 0
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Nagpatuloy kaming dalawa ni Sir Alejandro sa pagliligpit ng mga gamit sa bahay nila. Hindi ko pa rin alam kung bakit niya ginagawa ito. Naisip ko na lang na baka nagpapalipas siya ng oras dahil mag-isa na lang siya rito—wala ang pamilya niya. Baka naghahanap lang siya ng mga gagawin para lumipas nang mabilis ang oras.

"Hindi ho ba kayo dadalaw kay Destinee at sa mama niya?" tanong ko habang winawalis ang natitirang alikabok sa sahig ng k'warto ni Destinee.

Ngumiti siya nang mapait bago nilagyan ng packing tape ang malaking kahon na pinaglalagyan ng mga gamit nito. "Siguradong sa mga oras na 'to, wala na si Destinee at Winona ro'n."

Kumabog ang dibdib ko sa sinabi niyang 'yon.

"H-Ho? Anong . . . ibig n'yong sabihin?"

Nagbuntonghininga siya bago tumayo nang maayos habang hawak ang packing tape na nasa tape dispenser. "Kinukuha ng mga magulang ni Winona silang dalawa para dalhin sa Switzerland at doon ipagpatuloy ang pagpapagamot." Muli, nagbuga siya ng malalim na buntonghinga. "At itong bahay, ibebenta ko na."

Mabilis akong umiling nang umiling sa narinig. "H-Hindi. Walang binanggit sa akin na gan'yan si Mama."

Marahan siyang naglakad papalapit sa akin. "Dahil ngayon pa lang naman siya ilalabas, hijo. Ngayon pa lang nila kakausapin ang hospital tungkol doon."

Binitiwan ko ang hawak na walis at dustpan at handa na sanang umalis doon pero pinigilan ako ni Sir Alejandro. Tinabig ko ang kamay niyang nakahawak sa braso ko pero muli niya akong hinawakan nang mahigpit at pilit na iniharap sa kan'ya.

"Tama na, hijo. You've done enough. Mas makakabuti sa kanilang dalawa kung doon nila itutuloy ang treatment. Ayaw mo bang mas mapabilis ang paggaling nila?"

Hindi ako makapagsalita. Ganito ba talaga ang kapalit ng lahat? Gusto ko siyang gumaling kaagad pero sa ganitong paraan ba dapat?

"K-Kailangan bang ilayo ulit siya sa akin?" Nagsimula nang mabasag ang boses ko. "Hindi ba nila kayang gumaling dito?"

Lumunok si Sir Alejandro bago tumingin sa sahig. "Alam nating pareho na hindi sapat ang nandito, Constantine. Alam nating dalawa na mas maayos at mas mahusay doon kompara dito. Ayaw ko rin namang umalis kami dahil hindi niya 'yon magugustuhan pero . . . wala akong laban sa salita ng mga byenan ko. At desperada na akong makitang maayos ulit ang pamilya ko."

Kinuyom ko ang dalawang kamao dahil hindi ko pa rin matanggap na nakapagdesisyon na siya nang ganoon kabilis nang hindi man lang sinasabi sa akin—sa amin ni Mama na doctor ng mag-ina niya. Pero ano nga ba ang karapatan namin? Hindi naman kami kapamilya.

"Gagawin ko ang lahat ng dapat gawin . . . mapabuti lang ulit ang pamilya ko, Constantine. Kaya tulungan mo ako. Bitiwan mo na muna siya . . . at hayaang pumunta sa lugar kung saan magiging maayos ang lagay niya. Bitiwan mo muna siya, Constantine. Nakikiusap ako."

Bumagsak ang dalawang balikat ko nang marinig ang pagmamakaawa sa boses niya. Nagsimula nang uminit ang sulok ng mga mata ko dahil unti-unti nang nagsi-sink in sa akin ang lahat ng sinasabi niya at mga mangyayari sa susunod.

"P-Paano kung hindi na siya bumalik?"

Ngumiti siya nang maliit. "Babalik siya. Masisiguro ko 'yon. Babalik kami kapag umayos na ang lahat."

Kumawala ang mga hikbi sa bibig kasabay ng pagpatak ng mga luha ko. "Paano kung hindi na niya ako naaalala? Paano kung kasabay ng pag-ayos niya, mawala ako sa isip niya?"

Ipinatong niya ang kamay sa balikat ko saka ito bahagyang tinapik-tapik. "Ipakilala mo ulit ang sarili mo. Pero sigurado naman akong hindi ka niya makakalimutan, hijo."

Hindi ko na nagawang bumalik pa sa hospital matapos n'on dahil sinabi ni Sir Alejandro na nakaalis na ro'n si Destinee at Ma'am Winona kasama ang mga magulang ng huli. Hindi na rin niya sinabi sa akin kung saan ang mga ito nag-stay pagkaalis doon dahil ayaw niyang makaharap ko ang grandparents ni Destinee. Hindi raw sila ang may pinakamabuting ugali at baka mas mapasama pa kung makikita ako.

Nanatili ako sa bahay ni Sir Alejandro na walang ibang ginawa kung hindi ang tumulala at isipin kung paano na ulit kami ni Destinee ngayong aalis na ulit siya . . . nang matagal . . . at sa pagkakataong ito, hindi ko alam kung pagbalik niya ba, ako pa rin ang mahal niya.

Hindi ko nga rin alam kung babalik pa siya.

Gabing-gabi na nang inihatid ako ni Sir Alejandro sa bahay dahil hindi ko magagawang mag-drive dahil hindi maayos ang takbo ng isip ko. Pagkarating ko sa loob, sinalubong ako ni Mama ng mahigpit na yakap kasabay ng pag-iyak niya.

"Patawad anak, hindi ko naipaglaban ang taong mahal mo. Wala kaming laban sa kanila, anak. Patawarin mo ako, hindi ko rin alam na may mangyayaring gano'n."

Yumakap ako pabalik kay Mama saka umiyak nang umiyak sa balikat niya.

Ano pa nga ba? Wala naman na akong magagawa this time. Ang tanging magagawa ko na lang ay maghintay at umasa sa himala . . .

Na babalik siya sa akin . . .

Na naaalala niya pa rin ako . . .

Na ako pa rin ang mahal niya pagdating ng panahong 'yon.

***

On Christmas day, I received a message from sir Alejandro.

Sir Alejandro:

Constantine, merry Christmas! We're inside the plane and any moment now, we'll take off. This might be the last message you'll receive from us for now. To give you one last gift, here is a photo of Destinee.

Nasa picture si Destinee na nakaupo at nakatingin sa labas ng bintana habang hawak ang kwintas na ibinigay ko noong birthday niya. Muli ko na namang naramdaman ang pag-init ng sulok ng mga mata ko bago binasa ang kasunod na message ni Sir Alejandro.

Sir Alejandro:

While we're away, try to live your best life. Don't hold back. If you fell in love with another woman, don't hold yourself back. You have your complete freedom to do whatever you want with your life. Don't think too much about her. She will be fine. That, I will promise you.

Merry Christmas!

Ni-lock ko ulit ang cellphone saka binaba sa side table bago tinakpan ng unan ang mukha saka doon inilabas ng hinanakit na nararamdaman.

Wala man lang akong ibang magawa para sa 'yo, Destinee. Palagi na lang ganito. Patawarin mo ako kung mag-isa ka na naman. Patawarin mo ako kung wala na naman ako sa tabi mo.

Hinding-hindi kita kalilimutan.

Hinding-hindi ako magmamahal ng iba.

Maghihintay ako palagi . . . at pagbalik mo sa akin, hindi mo na kailangan pang lumayo para tumanggap ng tulong na kailangan mo. Pangako 'yan.

Magiging magaling na psychiatrist ako, Destinee . . . para sa 'yo . . . at hinding-hindi ka na nila mailalayo sa akin.

Forgotten Seal Of PromisesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon