Hindi ko na nagawa pang matulog noong mga sumunod na oras. Binilhan ako ni Mama ng pagkain para sa hapunan pero hindi ko rin nagalaw dahil hindi ko kayang kumain . . . lalo na sa ganitong sitwasyon.“Nawala na sa alaala ni Destinee yung anim na taon, anak. Ang alaala niya, nasa panahon kung saan ilang buwan pa lang simula nang mawala si Desiree.” Lumunok si Mama. “Ganoon talaga ang nangyayari, anak, kapag ang isang may dissociative identity disorder ay bumalik sa normal ang memorya.”
Umiling-iling ako. “B-Bakit naman gano’n? Bakit naman nangyayari ‘to?”
Inikom ni Mama ang bibig bago ako niyakap. “Dahil hindi naman niya personality ang nakasama mo noon. Ibang personality ‘yon. Personality ni Desiree na binuhay niya bilang coping mechanism sa sakit. Wala tayong magagawa, anak, kung hindi ang tulungan siya . . . sila ng pamilya niya.”
Napabuntonghininga ako bago muling umiyak nang umiyak kasabay ng pagyakap ko sa kan’ya pabalik.
Gano’n na lang ‘yon? Yung mga pinagsamahan namin ni Destinee . . . ako na lang ang mag-isang nakakaalala dahil bumalik na siya sa kung ano talaga siya? Gano’n ba ang kapalit ng pagbalik ng lumang alaala niya? Nakakalimutan niya ang mga bagong nagawa niya kasama ako.
Linggo ng hapon nang makalabas na ng hospital si Destinee. Umuwi sila ni Sir Alejandro sa Tarlac. Sumunod na rin kami ni Mama, dala ang sarili naming mga sasakyan. Sa mga oras na lumipas habang nasa Laguna kami, ilang beses na siyang natulog at gumising . . . pero bigo ako palagi dahil hindi pa rin niya ako naaalala.
Dapat ba na maging masaya ako dahil si Destinee na talaga ito at hindi pagkatao ni Desiree ang gamit niya? Dapat bang maging panatag na ang loob ko dahil nababalik na sa ayos ang isip niya—ang memorya niya?
Pero bakit ganito kasakit?
Nang makauwi kami sa bahay ni Mama, maingat ang dalawang kapatid ko na kausapin ako. Nagdadala sila ng mga pagkain sa k’warto pero kahit na ano ro’n, hindi ko kinakain.
Bago ako makatulog, narinig kong pumasok si Mama sa k’warto. Lumingon ako sa kan’ya, nagtataka dahil iba na naman ang pakiramdam ko sa kan’ya. Ngumiti siya nang maliit bago naupo sa gilid ng kama ko. Bumangon ako mula sa pagkakahiga.
“Bakit, ‘Ma? May nangyari ba?”
Lumunok siya bago hinawakan ang kamay ko. “Bukas, kukuhanin namin si Winona at Destinee. Kailangan siya sa pangangalaga namin at hindi kakayanin ni Alejandro na alagaan silang dalawa, gayong parehong hindi maganda ang takbo ng isip ng mag-ina.” Humikbi si Mama. “Parehong nagpapakamatay ang mag-ina, Constantine.”
Sunod-sunod na paghingal lang ang nagawa ko sa mga narinig.
“Anak . . . tulungan mo rin ang sarili mo. Magpakatatag ka. Kung gusto mong tulungan si Destinee sa paghilom niya, tulungan mo rin ang sarili mo. Hmm?”
Niyakap ako ni Mama bago siya lumabas ng k’warto para hayaan akong magpahinga.
Sa isang iglap lang . . . nawala sa akin ang lahat.
BINABASA MO ANG
Forgotten Seal Of Promises
Teen Fiction|| fourth installment of "habit series" || Constantine Dominguez failed his qualifying exam in a course that he was forced to take. He has already decided not to continue studying college because he never really knew what course he wanted in the fir...