Chapter 1

1K 44 10
                                    

Regina's POV (1999)

"Regina, panahon na. Huwag kang matakot. Nandito lang kami."

Limang taong gulang na ako at wala pa ako masyado alam sa nangyayari sa mundo. Ang tanging naintindihan ko lang, isang pandama ang mawawala sa akin katulad ng nangyari sa mga pinsan ko pagsapit nila ng limang taong gulang.

Ramdam ko ang yakap ng nanay ko at naririnig ko ang mga katagang binibigkas nya para mapakalma ako. Naamoy ko ang halimuyak ng mabangong bulaklak na ngayo'y bumabalot sa buong silid. Nalalasahan ko pa rin ang pait ng isang tradisyunal na inumin na pinaiinom nila sa tuwing oras na.

May kung anong init akong naramdaman sa aking katawan kasabay ng paghigpit ng yakap ng aking nanay. Sinulyapan ko sya at sa aking pagpikit, nabalot ng kadiliman ang paligid. Isang mas mainit na sensasyon ang naramdaman ko sa aking braso, takda ng paglabas ng mga katagang itinadhana para sa akin.

Katahimikan.

"Anak, pagdating ng tamang panahon, makikita mo ulit ang mga kulay ng iyong mga bulaklak."

Isa akong Vanguardia.

Vanguardia ang tawag saming mga nilalang. Hindi kami tao. May mga kakaiba kaming paraan ng pamumuhay at kakayahan na nababalot ng hiwaga.

Mahabang mahabang panahon na ang nakalipas nang magkasundo ang lipi namin at ang mga tao na mamuhay ng magkasama sa mundong ito. Sa kasunduang ito, napunta sa pag-aari namin ang malaking islang naging tahanan na namin simula noon.

May mga itinakda sa bawat Vanguardia. Sa ikalimang taong gulang, isang pandama mo ang mawawala: paningin, pang-amoy, pandinig, panlasa o pangsalat. Mababalik lamang ito kapag nakita mo na ang itinakda na makakatuwang mo hanggang sa huling sandali ng buhay mo. Ang mga Vanguardia ay hindi namumuhay mag-isa.

Ang itinakda o ang 'soulmate' kung tawagin ng mga tao, madalas natatagpuan ng mga Vanguardia kapag nasa labingwalo hanggang dalawampung taong gulang na. Ngunit may mga iilan ilan sa buong kasaysayan na mas matagal lalo na kung wala sa isla ang itinakda.

...

...

Sa unang pagtangan sa iyong kamay, ang mundo'y masisilayan.

Ang mga katagang ito ang nakatatak sa aking pagkatao.

Wala na akong paningin. At ang itinadhana ang siyang magpapalaya sa akin.

......

23 years later (2022)

Narda's POV

Nagsimulang marinig ang mga sirena ng mga ambulansya. Kumakabog pa ang aking dibdib at patakbo kong kinuha ang first aid bag ko kasabay ng mga kasama ko. Isa isa kaming sumakay ng rescue vehicle. Mabilis itong pinatakbo ng driver papunta sa lugar ng aksidente.

Tumaob ang isang punong pampasaherong bus sa may SLEX, maraming casualties.

Sa ilang minutong itinagal ng byahe, tahimik lang kami habang nakikinig sa mga reminders ng lead namin. Para bang lahat kami, inihahanda ang mga sarili naming emosyon sa kung ano man ang naghihintay samin doon. Dapat kalmado, malinaw ang isip.

"Malapit na tayo, ready na kayo?" narinig kong sabi ng paramedic team lead namin at kaibigan ko rin na si Brian.

As if may choice naman kami. Huminga ako ng malalim at tumingin sa bintana. Natanaw na namin ang bus na nakalugmok sa gilid ng kalsada, parang umuusok pa yung makina nito.

"Make your careful assessment and know our priority patients. Let's go."

Nagbabaan kami ng sasakyan at parang mga robot na tinungo ang bus. May mga rescue police na sa paligid. Hindi kayang pasukin ang bus mula sa pinto nito dahil sa aksidente kaya nagbukas sila ng isang daanan.

VANGUARDIATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon