Chapter 43

428 3 3
                                    

“SURPRISE! Welcome back!”

Tulad ng bilin ni Serene, nagkuwaring nagulat si Eric nang dumating ito sa bahay. Sumalubong sa kanya ang dalawang mahalagang bisita na siyang nagpasimula ng surpresa — sina T'yang Julia at si Sam. Saktong pagpasok niya ay umulan ng confetti ang paligid.

Marami ring nakahandang pagkain na naroroon ang nakahain at karamihan ng mga naroon ay mga paborito niya. Talagang pinaghandaan nila ang kanyang pagdating kaya naman kahit simpleng pagsalubong lang iyon ay naging malaking bagay para kay Eric.

“Salamat po, T'yang Julia. Thank you, Sam,” masayang sambit ni Eric sa dalawa na sinalubong siya ng halik at yakap.

“Pasensya ka na, ito lang ang nakayanan namin. Hindi kasi kami masyadong nakapaghanda,” paumanhin ni T'yang Julia.

“Naku! Simple pa po ba ito? Feeling ko nga nasa party na ako!” ani Eric. Punong-puno ng disenyo ang salas na pinalamutian ng banseritas at may tarpaulin pa na may nakalagay na 'Welcome Home, Eric!'

Tila ba naging fiesta sa buong bahay dahil doon. Kaya masayang-masaya si Eric sa naging pagsalubong sa kanya.

“Ikaw talaga. Oh, tara na. Kumain na tayo at pihadong nagugutom ka na,” anyaya ni T'yang Julia.

Akma sanang maglalagay ng pagkain si T'yang Julia sa pinggan subalit kaagad siyang pinigilan ni Serene. “T'yang, ako na po. May mga pagkain na kasing ibinawal ang doktor kay Eric kaya medyo ingat din ako sa ipapakain ko sa kanya,” ani Serene.

Sumungaw ang lungkot sa mukha ni T'yang Julia. Marahil ay hindi nito nabatid na dahil sa sakit ni Eric ay maaring may mga iniluto siya sa mga putahe na hindi na maaaring kainin ni Eric. “Gano'n ba? Sayang naman kung hindi mauubos ang mga pagkain.”

Hinawakan ni Serene ang balikat ni T'yang Julia. “H’wag po kayong mag-alala. Mauubos naman po iyan dahil may darating na bisita pa si Eric. Parating pa lang sila.” Kapagkuwa'y kinidatan na lang ni Serene ang tiyahin nang sa ganoon ay matuwa ito.

“Mabuti naman. Oh, s'ya! Kumain na tayo,” sambit ni T'yang Julia sabay kuha ng panibagong pinggan. “Sam, ano'ng gusto mong pagkain?” alok nito kay Sam.

“Bakit nga po pala hindi n'yo kasama ang pamilya ninyo?” tanong ni Eric kay T'yang Julia.

“Naku! Mahiyain ang mga 'yon. Pinipilit ko ngang sumama pero sabi nila, huwag na lang daw,” sagot nito sa kanya.

“Gano'n po ba? Hindi bale, p'wede n'yo po silang ipag-uwi ng pagkain.”

“Iyon talaga ang balak ko!” sigaw ni T'yang Julia at sabay-sabay silang nagtawanan sa birong iyon ng matanda.

Ilang sandali lang ay dumating na rin ang mga kaibigan ni Eric. Naroon ang mga kaklase niya noong kolehiyo at mga naging kaibigan niya rin sa larangan ng medisina. Masaya ang naging salo-salo noong araw na iyon. Napuno ng kasiyahan ang buong bahay at saglit na nakalimutan ni Eric ang iniinda niyang sakit. Natapos ang maghapon na may ngiti siya sa mga labi.

Nang sumapit ang gabi ay isa-isa na ring nagsialisan ang mga bisita hanggang sa silang dalawa na lang ang naiwan sa bahay. Nagdesisyon nang ihatid ni Serene si Eric sa kuwarto upang makapagpahinga na sila dahil alam nitong napagod siya.

“Masaya ka ba?” tanong ni Serene sa kanya.

“Ikaw? Masaya ka pa ba?” Tila naging seryoso ang tinig ni Eric. Ang kanina'y napakasayang tono nito habang kausap ang mga bisita at kaibigan ay nagbago nang sila na lang dalawa ang magkasama.

Humakbang si Serene sa kanyang harapan mula sa likuran ng kanyang wheelchair. Laking pagtataka nito sa inakto ni Eric.

“H-Hon, ano'ng. . . ano'ng ibig mong sabihin?” Halos mamutla ang mukha ni Serene sa mga narinig.

Kasabay ng mahigpit na pagkapit ni Eric sa arm rest ng wheel chair niya ay ang pag-igting din ng kanyang panga. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata habang nakatitig sa asawa.

“Serene, may cancer lang ako pero hindi ako tanga. Alam ko lahat ng mga nangyayari sa paligid ko kahit wala ka sa tabi ko.”

Lingid sa kaalaman ni Serene, narinig ni Eric ang mga pag-uusap nila ni Evo. Noong tinanong ni Evo si Serene kung mahal pa nito ang dating kasitahan at hindi siya nakasagot ay alam niya. Umarte lang siyang mahimbing ang tulog pero dinig na dinig niya ang mga pag-uusap ng dalawa.

Hindi rin lingid kay Eric ang nangyari nitong nakaraang araw lang. Nag-usap sila sa labas ng kuwarto niya sa ospital noon. Habang nag-uusap ang dalawa sa labas ay pasimple siyang lumapit sa pinto at bahagyang binuksan iyon para makita niya at mapakingga ang usapan ng dalawa. Subalit sumambulat sa kanya ang eksenang magkahalikan sila ni Evo.

“Eric, l-let me explain.” Magkasabay na lumapat ang tuhod ni Serene sa sahig at siya ring bumagsak ang mga luha sa mata.

"Serene, I am not blaming you if you choose my brother over me. I know, pinilit mo akong mahalin and I appreciate your effort. Pero alam mo namang hindi na kayo p'wede ni Evo, hindi ba?” Masakit para kay Eric na bitiwan ang mga katagang iyon pero mas lalong hindi niya kakayaning itago ang saloobin niya sa mga nangyayari.

“Kaya ko nga siya iniiwasan. Kasi alam kong hindi na p'wede. Ikaw ang pinili ko, Eric. At kahit ano'ng mangyari, ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko.” May pagsusumamo ang tinig ni Serene. Ramdam na ramdam ni Eric ang sinseridad sa boses nito at alam niyang seryoso ito sa sinasabi. Subalit alam ni Eric ang totoo nitong narararamdaman.

“You choose me because it's the best thing to do. But you didn't choose me because you love me. It's different,” wika ni Eric.

Sunod-sunod ang naging pag-iling ni Serene. “No, Eric. No. . .”

“Sabihin mo sa akin nang diretso, Serene. Do you still love my brother?” Gusto ni Eric na manggaling ’yon mismo sa bibig ni Serene. Ilang segundo pa ang lumipas pero hindi pa rin masagot ng asawa ang tanong. Clearly, the silence means it was ‘yes’.

“Eric, I—”

“I will ask it again for the second time. Do you still love my brother?!” Nanginginig ang panga ni Eric. Nag-uunahan din ang mga luhang lumalandas sa kanyang pisngi. Pero ang katanungan sa kanyang isipan ay hindi pa rin nabibigyan ng kasagutan.

Hanggang sa. . .

“I’m sorry, Eric.” Malinaw na malinaw na sa kanyang isipan kung ano ang sagot sa katanungang bumabagabag sa kanya.

Paano kaya haharapin ni Eric ang katotohanang sumambulat sa kanya?

My Dominant WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon