Chapter 27

77 3 0
                                    


"Juskupo!" napasinghap si Hazel sa isiniwalat ni Shein. Napuno ng pag-aalala ang isipan niya at halos ayaw paniwalaan ang sinasabi ng kaklase.

"Nakita ko mismo... sinaksak ni Thessa si June!" hindi pa rin matigil sa paghikbi si Shein.

"Saan mo sila nakita?" kinakabahang tanong naman ni Marco.

"Natanaw ko sila sa likod ng school... dun sa may v-vegetable garden."

Nagkatinginan sina Hazel at Marco. Wala mang binibitawang salita ay tila ba'y nagkakaintindihan ang mga ito.

Wala na silang inaksaya pang oras at mabilis na tumayo. Tinulungan na rin nilang makatayo ang humahagulhol at hindi pa rin makalmang si Shein.

Nagtatakbong umalis sila doon. Iisa lang ang daang tinatahak, diretso sa kabilang hallway. Tanging ang maliit na flashlight lamang ni Marco ang nagsisilbi nilang ilaw.

Narating nila ang hagdan at bababa na sana nang matanaw sa dulo niyon ang nilalang na humahabol sa kanila.

Halos mapaupo sila sa gulat dito. Animo'y nawalan ng lakas ang kanilang mga tuhod sa takot. Mahigpit na napakapit si Shein sa braso ni Hazel at nanginginig na umiyak sa pangingilabot sa itsura nang nilalang na dahan-dahang umaakyat ng hagdan. Sa takot ni Hazel ay napayakap na rin siya sa braso ni Marco habang paulit-ulit na napapasambit ng "Juskupo!"

Halos hindi na rin makagalaw si Marco. Siya man din ay natatakot sa nilalang at hindi na makapag-isip ng matino. Napapapikit nalang siya at tanging sa pagdarasal na siya kumakapit.

Sa isang iglap ay parang may kakaibang hanging yumakap kay Marco. Para nitong binabalik ang lakas ng kanyang loob. Para nitong pinalalakas ang kanyang tiwala sa sarili. Mula sa kawalan ay parang may bumulong sa kanya ng kanyang mga dapat sabihin. Nang mga sandaling iyon ay nilukuban siya ng kakaibang sensasyon. Pakiramdam niya ay may iba pa silang kasama, at mas malakas pa ito kesa sa nilalang sa dulo ng hagdan.

Binuksan niya ang kanyang mga mata at binigkas ang mga katagang naririnig sa kanyang isipan. At laking gulat niya na sa bawat katagang binibigkas niya ay parang nasasaktan ang nilalang. Sumingasing ito sa galit ngunit nang mga sandaling iyon ay hindi na siya nakakaramdam ng takot. Hindi niya tinigilan ang pagbigkas sa mga katagang naririnig. Namilipit ito sa sakit at unti-unting nagningas ang katawan hanggang gumulong ito sa hagdan. Hindi pa man ito nakakarating sa pinakahuling baitang ay tuluyan na itong naging abo at nilipad ng hangin.

Nasaksihan ni Hazel ang lahat ng iyon at hindi siya makapaniwala sa mga nakita. Nanginginig pa rin ang mga binti niya kahit wala na ang nilalang kaya nang sabihin ni Marco na dapat na silang umalis doon ay halos hindi siya makatayo.

"Shein, okay na. Pwede ka nang kumalma. Wala na ang nilalang," mahinang tapik ni Hazel sa balikat ng kasama.

Binuksan ni Shein ang mga mata at pinahiran ang sariling mga luha. Laking ginhawa nito na wala na nga ang nilalang. Napangiti ito at napayakap kay Hazel. Doon ay humagulhol ito ng iyak sa tuwa habang paulit-ulit na sinasambit ang salitang salamat.

"Kay Marco tayo dapat na magpasalamat," aniya sa dalaga.

"Ginawa Niya lang akong instrument," ang nakangiting wika naman ni Marco sabay turo sa taas, "Sa Kanya tayo dapat na magpasalamat."

Tinulungan silang makatayo ng binata. Dahil sa nakikita ni Hazel na determinasyon sa mukha ni Marco ay parang naimpluwensyahan na rin siya nito. Ayaw niyang maging pabigat kaya naman ay pinilit niya ang sariling tumayo.

"Gusto ko nang umuwi..." wika ni Shein sa pagitan ng paghikbi.

Hinawakan ni Hazel ng mahigpit ang mga kamay nito na animo'y sinasabing wag itong mawawalan ng pag-asa.

Regalo Para Kay ThessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon