Hindi maaari ito! Hindi mahanap ni Thessa ang figurine!
Halos baliktarin na niya ang buong bahay pero hindi niya talaga ito makita. Tinanong na rin niya ang mga magulang pero parehong walang alam ang mga ito. Kaya naman bagsak ang balikat na pumasok siya ng paaralan kinabukasan.
"Hindi ko mahanap! Ewan ko! Wala dun sa bahay!" balita niya agad kay Hazel pagkarating sa classroom.
Napabuntong-hininga ito. "Hindi maaari 'to. Kailangan natin 'yong makita sa lalong madaling panahon."
Hindi sinasadyang nakita niyang lumabas ng classroom si June. Nagtagpo ang mga tingin nila pero agad din itong umiwas. Nakunot ang noo niya sa gulat. Totoo ba talaga ito? Ini-snob siya ni June?
Napansin ni Hazel na may tinitingnan siya kaya napalingon na rin ito. Muli itong napatingin sa kanya nang makitang si June pala ang tinitingnan niya. Kitang-kita nito ang gulat sa mukha niya.
Muli siyang humarap kay Hazel at medyo may pag-aalinlangang nagtanong.
"Hazel, wala ka bang napapansing kakaiba kay June?"
"Wala naman. Bakit? May nag-iba ba sa kanya?"
"Hazel, ini-snob lang ako ni June!" mahina ngunit may diin niyang sambit, "Hindi kaya may kinalaman dito ang figurine?"
"Hindi naman siguro. Sa tingin ko ay kagustuhan ni June ang lumayo sa 'yo. Sa tingin ko ay nauunawaan na niyang hindi tamang ipagpilitan ang damdamin niya sa 'yo. Ginagawa niya lang ang gusto mo."
Hindi maintindihan ni Thessa ang naramdaman niya sa mga narinig. Para siyang natutuwa na may kasamang lungkot. Bakit siya malulungkot? Nakakapanibago.
"Nakikita kong nalilito ka Thessa. Mabuti pa habulin mo siya."
"Ha? Bakit naman? Ayoko nga!" medyo nabigla niyang sagot.
"Tatanungin mo lang naman siya kung saan nabili ni Aaron ang figurine. Baka may alam siya." sabi nito. Nang mga oras kasi na 'yon ay hindi pa dumarating si Aaron.
Medyo napahiya siya sa sarili.
"Habulin mo na dali!" kahit nagdadalawang-isip ay sinundan nalang niya ito. Agad siyang tumayo at nagtatakbong umalis doon na dala pa rin ang kanyang backpack.
Nakita niya si June na paakyat ng hagdan papuntang library.
"June!" tawag niya rito.
Natigil ito sa paghakbang at napalingon sa kanya. Kitang-kita niya ang pag-iwas agad nito ng tingin nang makita siya.
Agad niya itong nilapitan.
"Anong kailangan mo Thessa?" napakalamig ng tono ng boses nito. Para bang wala itong interes sa kung ano ang sasabihin niya.
Muli siyang nanibago. Sa hindi malamang dahilan ay parang may tumusok sa dibdib niya.
Parang gusto niya biglang mag-sorry sa lahat ng mga ginawa niya rito. Parang gusto niyang sabihin na wag na itong umiwas sa kanya. Nagi-guilty kasi siya sa ginagawa nito ngayon.
Pero iba ang lumabas sa bibig niya.
"Uhm... magtatanong lang sana ako kung alam mo ba kung saan binili ni Aaron 'yong regalo niya sa 'kin nung birthday ko?" Hindi niya nasabi ang gustong sabihin. Parang umurong ang dila niya. Nahihiya siyang sabihin ito.
Hindi niya napansin na bahagyang lumungkot ang mukha nito. Umasa kasi ito na magugustuhan nito ang sasabihin niya pero bigo ito. Tungkol pa rin pala sa pinsan nitong naging karibal sa puso niya ang itatanong.
"Sa isang antique shop sa Bulacan. Melius Antique Shop ang pangalan. Doon niya 'yon binili." cold na sagot nito at agad siyang tinalikuran.
May mga gusto pa sana siyang sabihin at itanong dito pero pinigilan niya ang sarili. Nag-aaway ang isipan niya pero mas pinili niyang manahimik. Nanatili nalang siyang nakatayo doon habang tinitingnan ang papalayong si June.
"Thess!" napakurap siya at agad napalingon sa tumawag sa kanya. Nakita niya ang kaibigang si CK na nagtatatakbo papalapit sa kanya. Mukhang sa sobrang pagmamadali nito upang hindi ma-late ay hindi na ito nakapag-ayos pa. Five minutes nalang din kasi ay magsisimula na ang first class nila.
"Bakit?" tanong niya rito.
"Samahan mo muna ako please? Sa CR lang, magre-retouch."
"Sige."
"Yey! Thanks."
At agad na nga silang pumunta sa CR ng girls.
--^^
Pagkapasok nila sa CR ay dumiretso agad si CK sa salamin.
"Naku naman! Para pala akong manananggal sa itsura ko." natatawang sabi nito habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin. Agad itong kumuha ng suklay sa dalang bag at sinuklayan ang medyo basa pa nitong buhok na halatang kakaligo lang. Inayos nito ang suot na uniform at naglagay ng polbo sa mukha.
Pinapanood niya lang ito sa ginagawang pag-aayos sa sarili.
"Nga pala, may clue na ba kung nasaan na si Meljen?" maya-maya pa ay tanong nito.
Umiling siya. "Wala pa rin. Four days na."
"Nasaan na ba kasi talaga yung babaitang 'yon? Pinapag-alala na niya tayo ng sobra." bumakas ang pag-aalala sa mukha nito. "Naiiwanan na siya sa mga discussions natin. Hindi na natin siya nakakasama sa lunch at snacks. Kapag nakita ko talaga yung babaeng 'yon babaliin ko talaga ang binti niya."
"Brutal ka naman masyado. Paano na 'yon makakapaglakad kung babalian mo ng binti?"
"Joke lang naman. Basta ba bumalik na siya." giit nito, "May lipstick ka ba diyan? Pakihiram nga ako Thess."
Binigay niya rito ang kanina pa niya dala-dalang backpack. Agad naman nitong tinanggap iyon at binuksan.
"Oi wow! Ang ganda naman nitong angel!" bulalas nito pagkakita sa laman ng bag.
Nakunot ang noo niya.
"Ano?" tanong niya.
"Itong angel figurine." Nilabas nito ang laman ng bag niya at laking gulat niya nang makita ito. "Saan mo 'to binili? Ang ganda oh! Bakit naman nandito 'to sa bag mo? Dapat nasa bahay niyo 'to naka-display."
Hindi siya agad nakapagsalita. Takang-taka siya kung paano 'yon napunta doon. Sigurado kasi siyang wala 'yon sa bag niya kanina nung i-check niya bago pumasok sa school.
Bigla ay naalala niya si Hazel.
Agad niyang kinuha ang figurine mula kay CK at nagtatakbong umalis doon. Narinig pa niyang tinawag siya ng kaibigan pero hindi na niya pinansin. Isa lang ang nasa isip niya nang mga oras na 'yon. Ang maibigay kay Hazel ang figurine.
Bumalik siya sa classroom pero wala ni isang estudyante ang nandoon. Wala ang mga kaklase niya.
Napalingon siya sa katapat na classroom nila nang makitang nagtatakbuhan ang mga estudyante doon at parang nagmamadali. Pare-parehong sa iisang direksyon papunta ang mga ito.
Hinarang niya ang isang kakilalang estudyante.
"Anong nangyayari? Saan kayo pupunta?"
"May nahukay daw na bangkay sa vegetable garden! Tara, tignan natin!"
Gulat ang agad na bumakas sa mukha niya. Hindi na nga siya nagdalawang-isip pa at nakisabay na sa mga ito. Pinagpapawisan siya sa nalaman. Masama ang kutob niya rito!
Itutuloy...
====================
Her Special Gift
BINABASA MO ANG
Regalo Para Kay Thessa
HorrorSa ika-labimpitong kaarawan ni Thessa ay nakatanggap siya ng isang napaka-espesyal na regalo mula sa long time crush niya. Ang hindi niya lang alam at hindi inaasahan ay may nakatagong nakagigimbal na sikreto ang regalong iyon. Sa pagdating ng bagay...