Chapter 8

984 43 3
                                    

Nakita ni Thessa na pumasok si Hazel sa classroom nila kaya agad din siyang pumasok doon. Saktong walang ibang estudyante na nandun kaya agad niya itong kinausap.

"Alam kong nakikita mo rin ang babaeng nakaputi at nakatahi ang bibig Hazel. Alam kong nakikita mo rin ang mga nakikita ko." diretsahang sabi niya.

Gulat na gulat ito nang makitang sinundan niya pala ito. Aalis na ulit sana ito nang pigilan niya.

"Please Hazel, ikaw lang ang kilala kong makakatulong sa akin. Tulungan mo ako." pagmamakaawa niya.

"Hindi ko alam ang pinagsasabi mo. Wala akong nakikitang babaeng nakatahi ang bibig na sinasabi mo. At kahit may makita man ako, hindi pa rin kita matutulungan." malamig na sabi nito at aalis na sana ulit nang muli niyang pigilan.

"Yung bata. Yung batang umiiyak ng dugo sa corridor noong nakaraang hapon, alam kong nakita mo siya Hazel. Wag mo nang itanggi pa."

Hindi pa rin siya nililingon nito pero kitang-kita niyang napakagat-labi ito.

"Sinabi ko na nga sa 'yo 'di ba? Kahit may nakita man ako, hindi pa rin kita matutulungan." pagmamatigas pa rin nito

Napayuko nalang siya sa sinabi nito. Unti-unting namuo ang luha sa mga mata niya.

"Hindi ko na kaya pa ang mga nakikita ko. Ayoko nito! Mababaliw ako!" muli siyang tumingin kay Hazel, "Please, Hazel... please, nagmamakaawa ako... kahit ngayon lang, tulungan mo ako."

Unting-unting napatingin si Hazel sa kanya. Kitang-kita niya ang awa sa mga mata nito. Kitang-kita niyang nagdadalawang-isip ito. Alam niyang pinipigilan nito ang sariling tulungan siya. Siguro dahil natatakot din ito o kaya ay hindi nito alam kung anong gagawin.

Maya-maya pa ay napabuntong-hininga ito.

"Susubukan kong tulungan ka. Hindi mo alam kung gaano kahirap ang maging katulad ko."

Agad umaliwalas ang mukha niya sa sinabi nito. Agad niyang pinahid ang tumulong tears of joy sa mata niya.

"Maraming salamat!" sabi niya. Umupo siya sa katabing upuan nito at nagsimulang magkwento. "Nitong mga nakaraang araw, madalas kong napapanaginipan ang mga batang babae na humihingi ng tulong sa akin. Pati na rin yung sinabi ko sa 'yo kaninang babaeng nakaputi na nakatahi ang bibig at may nakabaong palakol sa ulo. Kaya ako hinimatay nung game kasi nakita ko siya. Nung araw rin bago ang game ay nakita ko siya."

Napaisip si Hazel.

"Napapansin ko rin siyang umaali-aligid sa iyo." pagtatapat nito. "At base sa nararamdaman ko sa 'yo nitong mga nakaraang araw, nag-iba ang aura mo. Tingin ko may isang bagay na pagmamay-ari mo ang malakas ang hatak sa masasamang espirito."

Natakot si Thessa sa isiniwalat nito.

"Sabihin mo nga, may natanggap ka ba o nabiling bagay nitong mga nakaraang araw na kakaiba?" tanong pa ng kaklase.

Napaisip siya. "May mga natanggap ako. Marami. Mga regalo ko nung birthday ko kamakailan lang." sagot niya.

"Wala ka bang napansing kakaiba sa kahit isa man lang sa mga iyon?"

Muli siyang napaisip hanggang sa naalala niya ang figurine.

"Ang figurine!"

"Figurine?"

"Oo. Regalo 'yon sa akin ni Aaron nung birthday ko. Kung saan-saan ko nalang iyon nakikita. Minsan ko na 'yong nakita sa kusina namin na basang-basa gayung nilalagay ko naman 'yon palagi sa nightstand o sa study table ko sa kwarto. Minsan ko na rin 'yong nakita sa bag ko kahit hindi ko naman nilagay doon. At pati sa locker, nakita ko rin 'yon nung kasama ko si Meljen kahap—" napasinghap siya nang maalala ang kaibigan.

"Bakit?" tanong ni Hazel.

"Si Meljen! Nawawala ngayon si Meljen! Nitong mga nakaraang araw, sa tuwing nakikita ko ang babaeng nakaputi ay may hawak itong kutsilyo at nakatutok kay Meljen!" natigilan siya sa naisip, "Hindi kaya, may kinalaman ang babaeng nakaputi sa pagkawala ni Meljen?"

"Pwedeng may kinalaman nga ang nakaputing babae."

Kinabahan siya sa sinabi nito.

"Pati ang sinasabi mong figurine." dagdag nito.

"Kasali ang figurine? Pero, angel ang figurine na 'yon—" pinutol ng kaklase ang sasabihin sana niya.

"Kahit anghel pa ang figurine na yan, kapag hindi naman yan naipa-blessing, pwede pa rin yang pamugaran ng masasamang espirito or worst... ng demonyo."

Hindi agad nakapagsalita si Thessa.

"A-Anong dapat kong gawin Hazel?"

"Dapat magsimula tayo sa kung ano rin ang pinagmulan nito." sabi nito. "Nasaan ang figurine?"

"Ang figurine? Teka..." hinalungkat niya ang bag niya pero natigil din siya nang maalala kung saan niya ito huling nakita. "Huli ko 'yong nakita kaninang umaga na hawak ni Aling Maria."

"Sinong Aling Maria?"

"Kasambahay namin."

Natigil sila sa pag-uusap nang humihingal na pumasok si CK sa classroom at lumapit sa kanya.

"Thess!" lumunok pa ito ng laway bago nagpatuloy, "Tumawag sa akin ang mama mo. Namatay raw ang kasambahay niyong si Aling Maria! Umuwi ka na raw para may kasama siya sa inyo."

"Ano?!" napatayo siya sa ibinalita nito. Hindi na siya nakapagpaalam pa ng maayos at nagmamadali na siyang umalis doon.

--^^

"Ma, ano pong nangyari?" bungad niya sa inang nanginginig at umiiyak habang nasa labas ng kanilang bahay at kausap ang dalawang pulis.

Hinihingal pa siya nang makauwi dahil tinakbo lang niya ang distansya mula sa paaralan nila pauwi sa bahay.

Niyakap siya ng ina at doon humagulhol ng iyak sa balikat niya. Agad naman niyang hinagod ang likod nito.

Napatingin siya sa bahay nila. Kitang-kita niyang may inilalabas na bangkay mula doon at ipinasok sa ambulansya. Kahit nasa loob ito ng body bag ay sigurado siyang iyon ang bangkay ni Aling Maria.

"Ikaw ba ang anak ni Mrs. Morteza?" napatingin siya sa pulis na nagtanong. Ito ang isa sa dalawang pulis na nadatnan niyang kausap ng mama niya kanina. May hawak itong maliit na notebook.

Tumango naman siya bilang sagot sa tanong nito.

"Hindi namin makausap ng maayos ang mama mo. Mukhang na-trauma yata sa nadatnang bangkay sa kusina niyo."

Hinarap niya ang ina.

"Ma, kailangan niyo pong kumalma. May mga itatanong po ang mga pulis sa inyo at kailangan masagot niyo sila ng maayos. Hinga lang po kayo ng malalim." pag-aalo niya sa ina.

Kahit nanginginig pa rin ay tumango naman ito at huminga ng malalim.

"Si Papa po, natawagan niyo na po ba siya?" dagdag tanong niya.

"O-Oo. Paparating na raw s-siya." nanginginig pa rin ang boses na sagot nito.

"Mrs. Morteza, maaari na po ba namin kayong makausap?" tanong ng isang pulis.

"Hinga lang po ng malalim ma." pagpapakalma pa niya rito bago ito tumango para ma-interview na ng mga pulis.

Maya-maya pa ay dumating ang kotse nila lulan ang kanyang ama. Agad niya itong binungad ng yakap ng makababa.

"Nasaan ang mama mo?" tanong nito.

Tinuro niya ang ina na kausap pa rin ang mga pulis. Agad naman itong nilapitan ng kanyang ama at niyakap din ito.

Hindi niya alam kung ano ba talaga ang nangyari kay Aling Maria pero malakas ang pakiramdam niyang may kinalaman ang mga nangyayari at nakikita niya nitong mga nakaraang araw sa pagkasawi nito.

Parang mas lalo tuloy bumibigat ang pakiramdam niya sa tuwing naaalala ang kaibigang si Meljen. Nag-aalala siya sa kung nasaan na ito at kung ano ang nangyari rito.

Itutuloy...

====================

Her Special Gift

Regalo Para Kay ThessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon