Chapter 21

573 26 0
                                    

"Bilisan mo ang pagmamaneho Aaron! Hindi tayo pwedeng mahuli!" nagsisimula nang maghisterikal si Hazel sa loob ng kotse ni Aaron. Ang lakas na ng hampas ng hangin sa labas. Sunod-sunod ang pagkulog at pagkidlat. Nagsisimula na ring lumakas ang ulan.

"Parang kanina lang pinapadahan-dahan mo pa ako sa pagmamaneho tapos ngayon—"

"Kung pwede lang tumalon patungong ospital mula rito, kanina ko pa kayo iniwan." giit ng dalaga na pinutol ang sasabihin sana ni Aaron. Nilingon niya ang backseat kung saan nakaupo si Marco at mahigpit na napapakapit sa upuan.

Sa sobrang galaw ng kotse ay nahulog ang plastic cellophane sa tabi nito kaya nagkalat ang laman nitong mga gamit na kani-kanina lang nila binili sa nadaanang convenience store.

Mabilis na tinulungan ni Hazel si Marco na pulutin ang mga ito at ibalik sa cellophane. Medyo nahirapan pa sila dahil sa sobrang galaw ng kotse.

"Iyan na ba lahat? Wala na bang kulang?" tanong ni Hazel pagkatapos.

Ch-in-ek ito ng mabuti ni Marco pagkatapos ay tumango. "Oo. Ito na lahat."

"Sigurado kang wala nang kulang? Baka mamaya niyan..."

"Nandito na lahat. Wag ka nang mag-alala." paninigurado nito.

"Nandito na tayo." anunsyo ni Aaron dahilan para mapasilip sila sa labas.

Bumungad sa kanila ang napakalaking gusali. Nakarating na nga sila sa ospital.

Mabilis na inalis ni Hazel ang pagkakaseatbelt sa sarili at binuksan ang pinto. Hindi pa man tuluyang tumititigil ang sasakyan ay tumalon na siya.

"Hazel!" gulat na bulalas ng dalawang naiwan.

"Bilisan niyo! Wag niyong kalimutan ang cellophane!" pahabol ng dalaga at nagtatakbong pumasok sa ospital.

--^^

Takbuhan ang tatlo sa hallway ng ospital. Isang kwarto lang ang destinasyon ng mga ito. Sa kwarto ni Thessa.

Pagkabukas na pagkabukas pa lang nila ng pinto ay binati agad sila ng katahimikan. Ganun pa rin naman ang ayos ng mga gamit nung umalis sila pero wala na sina Thessa at June.

Nagkatinginan silang tatlo. "Nasaan na sila?"

"Kayo ba ang kamag-anak ng pasyente diyan?" isang nurse ang lumapit sa kanila.

"Mga kaibigan niya po kami." agad na sagot ni Hazel. "Nasaan po siya?"

"Bigla nalang siyang lumabas diyan kanina at nagtatakbo. Pero wag kayong mag-alala, pinapahanap na namin siya sa mga guards namin. Siguradong hindi pa 'yon nakakalayo."

Napapadyak si Hazel sa narinig, "Saan na natin siya hahanapin ngayon?"

"Iyong lalaki po bang nagbabantay sa kanya, alam niyo po kung nasaan?" tanong ni Aaron sa nurse.

"Pasensya na kayo, hindi ko rin napansin kung nasaan na 'yong nagbabantay sa kanya. Excuse me." tanging sagot nito at dumiretso papasok sa kabilang kwarto.

"Paano na ngayon 'to?" hindi na alam ni Hazel ang gagawin. Si Marco naman ay tahimik lang na nakikinig sa kanila.

"Wait, may naisip ako." biglang sambit ni Aaron.

"Ano?"

"May tracker ang cellphone ko. Kailangan ko lang i-track down ang kinaroroonan ng cellphone ni June. Since palagi yung nasa bulsa niya, malalaman din natin kung nasaan siya."

"Then?"

"Let's just assume na magkasama silang dalawa ni Thessa." sagot ni Aaron at agad kinalikot ang cellphone. Maya-maya pa ay napabulalas ito, "Gotcha! Alam ko na kung nasaan si June! Dito tayo, bilis!"

Regalo Para Kay ThessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon