Tatlong minuto bago nakabalik si Hazel sa kanyang katawan...
Sa isang iglap ay tumigil sa pangingisay si Hazel.
Sumeryoso ang mukha ni Marco, "Nagkita na sila."
Malakas na humampas ang hangin dahilan ng pagkamatay ng lahat ng sindi ng mga kandila. Napahigpit ang hawak nila sa isa't isa. Ginapangan sila ng kilabot sa lamig na dala ng hangin at sa dilim ng kinaroroonan nila.
Umingay bigla ang paligid. Umalulong ang mga aso sa hindi kalayuan at tumunog ang mga panggabing ibon na animo'y nagambala ang mga ito.
Naririnig nila ang malakas na paghampas ng hangin sa mga puno pati na rin ang tunog ng halos matutuklap ng yero sa bubong. Animo'y binabalaan sila ng kalikasan na delikado ang kanilang ginagawa at kailangan na nilang tumigil.
Natatakot silang buksan ang mga mata nila dahil baka kung ano ang makita nila. Nararamdaman kasi nilang may mga ibang kasama na sila doon. May iba't ibang tunog silang naririnig sa kanilang paligid. May humihikbi, may parang tubig na tumutulo, may mga batang tumatawa at nagtatakbuhan, at may mga tunog ng mabibigat na mga paa na naglalakad sa hallway.
Nanginginig na ang mga kamay nila at dama nila ang lamig ng kamay ng bawat isa. Halos pangarapin na ni Aaron ang mabulag 'wag niya lang makita ang mga nilalang na nasa paligid nila ngayon. Nagdadasal naman si June na sana dumating na ang haring araw at nang mawala na ang lahat ng takot niya. Halos hindi naman na makapagsalita pa si Marco dahil mas namumutawi ngayon ang takot na nararamdaman niya.
Halos mawalan na ng pag-asa ang tatlong binata ngunit sa isang iglap ay biglang tumahimik ang paligid. Natigil ang malakas na hangin at muling sumindi ang mga kandila. Pinakiramdaman nila ang paligid.
May naririnig pa rin silang tunog ng mga paang naglalakad at papalapit ito sa kinaroroonan nila. Isang nakasisilaw na liwanag ang naaninag nila kahit nananatili pa ring nakapikit. Kung hindi sila nagkakamali ay may nakatutok na flashlight sa mga mukha nila. Hindi nila inaasahan ang biglang pagsigaw ng nilalang na nagmamay-ari nito.
"Oh my gosh! Ano 'tong ginagawa niyo?! So creepy!"
Natigilan ang mga binata at mabilis na naibuka ang kanilang mga mata lalong-lalo na nina Aaron at June dahil sa pamilyar na boses.
"Shein?!" gulat na bulalas ng dalawa.
Bumungad sa kanila si Shein na galit ang mukha. Animo'y hinuhusgahan sila sa mga tingin nito.
"Kasapi na kayo ng kulto ngayon, Aaron?!" bakas ang pagkagulat sa mukha ng dalaga lalo na nang libutin ng tingin ang paligid, "I can't believe it!"
"Mali ang iniisip mo Shein—" balak sanang magpaliwanag ni Aaron ngunit pinutol agad ito ni Shein.
"Tumigil nga kayo diyan! Mukha kayong mga tanga!" Mabilis silang nilapitan nito at malakas na hinila ang braso ni Aaron. Napasinghap ang tatlong binata nang tuluyang makabitaw si Aaron sa pagkakahawak kay Hazel.
Nanlaki ang mga mata ni Aaron sa gulat lalo na nang makitang masusubsob si Hazel sa sahig lalo't mukhang wala itong malay.
Hindi na nakapag-isip ng maayos si Aaron. Binitawan niya si June upang saluhin kahit papano si Hazel bago pa man mabagok ang ulo nito sa sementadong sahig.
"Bakit kasama niyo si Hazel? Tsaka sino yang isang kasama niyo? Ano ba kasi 'tong ginagawa niyo dito sa school?"
Ang daming tanong ni Shein ngunit parang walang naririnig sina Aaron, Marco at June. Lahat sila ay nakatutok sa walang malay na si Hazel at sa nagibang bilog na gawa nila.
Ano nang mangyayari ngayon na hindi pa man nakakabalik si Hazel sa katawan niya ay nagkaproblema na?
Napaatras si Shein. Hindi siya makapaniwala sa nakikita. Anong ibig sabihin nito? Miyembro ng kulto ang crush niyang si Aaron pati na ang pinsan nitong si June?
BINABASA MO ANG
Regalo Para Kay Thessa
HorrorSa ika-labimpitong kaarawan ni Thessa ay nakatanggap siya ng isang napaka-espesyal na regalo mula sa long time crush niya. Ang hindi niya lang alam at hindi inaasahan ay may nakatagong nakagigimbal na sikreto ang regalong iyon. Sa pagdating ng bagay...