Chapter 10

1K 46 4
                                    

"Thessa! Kanina pa kita hinihintay!"

"Hazel?"

Nagulat si Thessa nang pagkarating na pagkarating pa lang niya sa classroom ay nilapitan agad siya ni Hazel. Nasanay na kasi siya na ang unang bumubungad sa kanya pagdating ng classroom ay sina Meljen at CK pero mukhang wala pa si CK ngayon. Si Meljen naman ay hindi pa rin nakikita.

Hinatak siya ni Hazel papunta sa armchair nito. Seryosong-seryoso ang mukha nito kaya medyo kinabahan siya.

"T-Tungkol ba ito sa..." hindi niya maituloy ang sasabihin dahil parang may hinala na siya.

"Sa figurine." Tama nga ang hinala niya.

"Nag-research ako tungkol sa figurine at ito ang mga nakita ko." dagdag nito sabay abot ng ilang piraso ng mga papel sa kanya.

Tiningnan niya ang mga larawan na nandun at nakunot ang noo niya. Lahat ng larawan ay kulay gray at may mga naka-blur pa. May picture ng isang bangkay ng batang babae sa may palayan. Base sa nakikita niya ay mukhang hubo't hubad ito, wasak ang mukha at may saksak sa dibdib. Sa tabi nito, mga hindi na naka-blur, ay may malaking duguang bato at isa ring duguang kutsilyo.

Meron namang larawan ng bangkay ng isa ring batang babae na malaki ang tiyan na tingin niya ay sa ilalim ng tulay kinunan. Nakatali ang leeg nito sa ugat ng isang puno kaya kahit anurin man ito ng tubig ay hindi ito lumalayo doon. May saksak din ito sa dibdib.

Ang sunod namang larawan ay naka-blur na picture ng bangkay ng isang batang babae sa sementeryo. Ipinagsiksikan ang kawawang katawan nito sa isang nakabukas na maliit na nitsong nandun. At gaya ng mga nauna ay may saksak din ito sa dibdib.

Tiningnan pa niya ang ilang mga larawan. Lahat ng mga iyon ay larawan ng mga bangkay ng mga batang babae. At lahat ng 'yon ay may mga saksak sa dibdib.

Bahagya siyang natigilan dahil parang pamilyar sa kanya ang ilang suot ng mga batang 'yon. Hindi nga lang niya maalala kung saan at kailan niya ito nakita.

"B-Bakit pamilyar sa akin ang mga batang ito?" naguguluhang tanong niya sa sarili.

"Nabanggit mo sa akin noon na madalas mong mapanaginipan ang mga batang babae na humihingi ng tulong sa 'yo. Sila ba 'yon Thessa?"

Natigilan siya sa sinabi ni Hazel. Maya-maya pa ay nanlaki ang mga mata niya.

"Tama! Sila nga ang mga batang 'yon Hazel! Ang mga suot nilang damit, ganun ang mga nakita ko." Naalala niya rin sa wakas pero agad ding nanindig ang mga balahibo niya sa napagtanto. "M-Minumulto ako ng mga batang ito? Bakit? Anong kasalanan ko sa kanila?"

"Wala kang kasalanan sa kanila. Humihingi sila ng tulong sa 'yo." seryosong sambit nito. "Tingnan mo ulit ang mga pictures."

"Bakit?"

"Basta tingnan mo nalang."

Muli niyang tiningnan ang mga pictures. Pinasadahan niya ng tingin ang lahat ng mga ito hanggang sa may napansin siya. Sa bawat picture ay nandun ang figurine malapit lang sa bangkay!

May picture na ulo lang nito ang nakikitang nakalitaw, meron namang kalahati ng katawan lang ang nakikita, pero kadalasan ay katabi ito ng bangkay.

"Paanong...?" bulalas niya. "Paanong nandito sa bawat picture ang figurine?"

"Iyan ba ang figurine na natanggap mo?" tanong ni Hazel sa kanya.

Hindi siya sumagot.

"Ang lahat ng mga batang yan na nasa picture ay pare-parehong ginahasa ng isang pugante. Ginagamit ng puganteng iyon ang figurine bilang regalo sa mga bata. Sinasabi nito na ibibigay niya ang figurine kasama ng mga chocolates at candies kung sasama ang mga ito sa kanya. Kapag may sumama na sa kanya ay doon na niya ginagawa ang panggagahasa sa mga ito." mahabang salaysay ni Hazel.

Regalo Para Kay ThessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon