Chapter 9

1.1K 45 6
                                    

Hindi alam ni Thessa kung anong mararamdaman niya habang papalapit sa bahay ng nasawing kasambahay nila na si Aling Maria. Napagkasunduan kasi nila ng kanyang mga magulang na bumisita sa unang gabi ng lamay nito. Bilang mga amo ay nakikiramay sila sa naiwang pamilya nito.

Nasa bungad pa lang sila ng pintuan ay kitang-kita na agad nila ang kabaong na napapaligiran ng mga bulaklak at ilaw. Nakalagay sa ibabaw nito ang picture ni Aling Maria noong nabubuhay pa ito.

Napakalungkot ng paligid lalo na at nakikisabay sa malamig na ihip ng hangin ang palahaw ng nakatatandang kapatid nito na nakaupo sa isa sa mga upuang nandun at dinadaluhan ng asawa nito.

Isang matandang babae ang lumapit sa kanila. Kulubot ang balat nito at puro puti ang kulay ng buhok. May hawak itong tungkod na siyang nagsisilbi nitong lakas at gabay sa paglalakad. Malungkot ang mukha nito at halatang galing lang sa pag-iyak. Ito ang ina ni Aling Maria.

"Nakikiramay kami sa inyo Aling Lourdes." malungkot na sabmit ng mga magulang niya rito. Niyakap pa ito ng ina niya.

Kitang-kita niya ang pagtulo ng luha ng matanda nang yakapin ito ng ina niya. Walang mga salitang lumabas sa bibig nito pero damang-dama niya ang kalungkutang namumutawi sa damdamin nito.

Napayuko nalang siya at mahigpit na hinawakan ang dalang basket ng mga bulaklak.

Pinaupo sila nito sa mga upuang nandun at sumenyas na aalis muna ito. Pipi kasi ito pero naiintindihan naman nila ang gustong sabihin nito kaya tumango nalang sila.

Maya-maya pa ay nilapitan sila ng kapatid ni Aling Maria kasama ang asawa nito. Agad itong yumakap sa ina niya at doon humagulhol ng iyak. Close kasi ito ng pamilya nila dahil ito ang una nilang naging kasambahay bago si Aling Maria. Tumigil lang ito sa pagtatrabaho noong nabuntis ito kaya mula noon ay pumalit na ang kapatid nito.

"Tahan na Melva, ganyan talaga ang buhay. May mas mauunang lumisan sa 'tin." pagpapatahan ng ina niya rito habang hinahagod-hagod ang likod nito.

Kinuha ni Aling Melva ang panyo sa bulsa nito at pinahid ang mga luha. Huminga ito ng malalim.

"Masakit pa rin pong isipin na nauna siya sa amin, Ate. Kung tutuusin, siya po ang pinakabata sa pamilya namin." pahikbi-hikbi nitong sabi. Ate ang tawag nito sa ina niya.

"Ganyan talaga ang buhay. Hindi natin alam kung sino ang kukunin. Bata man o matanda, walang pinipili ang kamatayan. Ang importante ngayon, nauna man siya sa inyo, buhay pa naman kayo." pampalubag-loob ng ina niya, "Kumpara sa kanya, may sarili ka nang pamilya. Paano nalang kaya kung ikaw ang nauna, ano nang mangyayari sa mga anak mo 'di ba?"

Muling huminga ng malalim si Aling Melva at napatango-tango na para bang naliwanagan sa sinabi ng dating amo.

"Pero hindi ko pa rin po talaga maintindihan kung bakit pinatay si Maria, Ate. Mabait po ang kapatid kong 'yon at wala po akong naaalalang may nakaaway siya."

"Pati kami ay nagtataka nga rin."

"Kumusta na po ba ang imbestigasyon ng mga pulis, Ate? Ano na pong resulta?"

"Ayos lang ba talaga sa 'yo na sabihin ko?" paniniguro pa muna ng dating amo.

Tumango naman ito.

"Ang sabi ng mga pulis, saksak sa puso raw ang ikinamatay ni Maria. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nahahanap ang ginamit na weapon sa pagpatay kaya naman under investigation pa rin ang bahay namin."

Nanlumo si Aling Melva sa sinabi nito pero kalaunan din ay nagtangis ang mga bagang. "Demonyo siya kung sino man siyang sumaksak sa kapatid ko! Dapat siyang mabulok sa kulungan! Napakaresponsable ng kapatid kong 'yon tapos papatayin niya lang?! Demonyo talaga siya!" At muli na nga itong napahagulhol ng iyak.

Regalo Para Kay ThessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon